Ang kasaysayan ng pananalasa ng mga plantasyon ng oil palm sa kabuhayan at kalikasan ng Palawan

,

Malaking usapin ang oil palm saanman sa buong daigdig. Habang itinuturing itong mahalagang kalakal, marami ring mga grupong makakalikasan ang tutol sa pabaya at di planadong pagtatanim nito. Katunayan, mula 2009 hanggang 2011, isinuspindi ng World Bank ang lahat ng pondo para sa mga proyektong oil palm sa buong daigdig. Pero hindi nito napahinto ang paglaganap ng oil palm laluna sa mga bansang tropikal na tulad ng Pilipinas.

Sa Palawan nagsimulang pag-usapan sa antas-probinsya ang pagtatanim ng oil palm noong 2003, sa kabila ng mga natukoy na masamang epekto nito sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan sa mga katabing bansang Malaysia at Indonesia. Nagsimulang pumasok ang mga negosyo nito sa probinsya noong 2004 sa bisa ng Philippine Oil Palm Development Plan ng dating rehimeng US-Macapagal-Arroyo at noo’y gobernador na si Joel Reyes. Sa 100,000 ektaryang target ng pambansang proyekto, 20% o 20,000 ektarya ang binuksan sa Palawan para tamnan hanggang 2011. Ang Palawan Palm and Vegetable Oil Mills Inc. (PPVOMI) na isang kumpanyang Singaporean-Filipino at ang kumpanyang Filipino-Malaysian na Agumil Philippines (AGPI) ang mga kumpanyang nakakuha ng panimulang kontratang sasaklaw ng 15,000 ektaryang lupain. Pumasok naman noong 2011 ang lokal na kumpanyang Cavite Ideal International Construction and Development Corporation (CavDeal) at ilan pang maliliit na kumpanya. Sinaklaw ng mga ito ang lahat ng mga bayan sa timog liban sa Balabac, pinakamalawak ang sa Sofronio Española at umaabot sa tinatayang 9,000 ektarya hanggang 2019.

Sa mga nasabing kumpanya, pinakamalawak ang saklaw ng operasyon AGPI sa lahat ng bayang nabanggit at aabot sa 6,000 ektaryang pinagsama-sama. Binibili nito ang kalakhan ng aning bunga ng oil palm sa buong probinsya at noong 2010 ay nagtayo na ito ng isang processing plant sa Brgy. Maasin, Brooke’s Point. Ang 70% ng pinrosesong langis ay inieksport tungong Singapore, China at Malaysia.

Pinangakuan ng magandang kita, trabaho at malaking pakinabang sa halaman at lupa ang mga magsasaka. May dalawang iskema ang mga kumpanya sa pagpapagana ng plantasyon ng oil palm sa probinsya—ang leaseback at outgrower [1]. Pinakalaganap ang iskemang leaseback kung saan inuupahan ng mga kumpanya ang lupa ng mga magsasaka sa isang kasunduang tatagal ng hanggang 25 taon. Naiulat ang taunang ₱500-₱700 kada ektaryang upa ng CavDeal habang P1,200 kada ektarya naman ang sa AGPI. Isang anyo naman ng sistemang outgrower ang pinagagana ng PPVOMI kung saan ipinapaloob sa isang kooperatiba ang mga lupang ipapasok sa kontrata. Pinauutang sila ng kumpanya para sa gastusin nila sa produksyon o pinahihintulutan silang umutang sa Land Bank.

Ilang taon lamang matapos ang kauna-unahang pagtatanim nito sa probinsya ay unti-unti nang naiulat ang masamang epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka, sa lupaing ninuno ng mga minorya at sa kalikasan.

Bukod sa makaisang-panig na mga kasunduan sa pagitan ng magsasaka at kumpanya, malala rin ang kalagayan ng mga manggagawang bukid sa loob ng mga plantasyon. Walang benepisyo at walang regular na manggagawa ang mga plantasyon kaya naisasagad sa napakababang antas ang sahod ng mga manggagawang-bukid.

Halaga ng pasahod sa mga plantasyon

Niloloko rin ng mga kumpanya ang mga pambansang minorya. Reklamo ng mga Palaw’an at Tagbanua, napakababa ng bili sa kanilang mga lupain. Ginagamit umano ng mga ito ang katwirang ‘wala namang titulo ang mga lupain ng katutubo’. Sa Española, may mga lupaing binili lamang ng ₱1,000 kada ektarya. Bukod sa pangangamkam, nanghihimasok rin ang mga kumpanya sa lupaing ninuno ng mga minorya at winawasak ang mga kabundukan tulad ng naganap sa bayan ng Quezon.

Inirereklamo rin ng mga magsasaka ang matakaw sa tubig na katangian ng mga oil palm na nakapipinsala sa mga katabi nitong pananim. Iniuulat ng mga magsasakang Palaweño ang pagliit ng kanilang ani sa mga lupang pinagtatamnan din ng oil palm. Sa mga may palayan, kung dating umaani sila ng 50-70 sako ng palay kada ektarya, sa mga tinamnan ng oil palm ay maswerte na kung maka-20 sako sila. Samantala, bumaba rin ang produksyon ng kopra na nakaka-700 kilo na lamang sa 2-ektaryang lupa mula sa dating 1,500 kilo.

Ilang taon rin makalipas ang pagtatanim ng oil palm sa probinsya, naobserbahan ng mga magsasaka ang pananalasa ng mga bagong peste sa kanilang mga tanim kabilang ang niyog. Sinuportahan ito ng ulat ng Ancestral Land/Domain Watch (ALDAW) noong 2013 at tinukoy ang mga pesteng red palm weevil at coconut tree beetle (brontispa longissima) na pumapatay sa ibang mga halaman. Ayon sa isang pag-aaral ng Forest Peoples Programme na sa Brgy. Iraray sa Española pa lamang ay pininsala na nito ang aabot sa 1000 puno ng niyog ng 20 magsasaka noong 2012.

Magastos din sa farm input ang oil palm tulad ng mga pestisidyo at herbisidyo, liban pa sa masasamang epekto nito sa kalikasan—pinababa ang kalidad ng lupa at maaaring makakontamina sa mga yamang tubig na aagusan sa tuwing umuulan.

Kumpara sa mina at malawakang pagtotroso, hindi agad mapapansin ang masasamang epekto ng oil palm sa kalikasan. Subali’t may masamang epekto ito na pangmatagalan sa kalikasang hindi mapapanag-uli, kumpara sa iba pang halamang mapagkukunan ng langis at kabuhayan.

Sing-aga ng 2011, naglabas na ng resolusyon ang Brgy. Ipilan sa Brooke’s Point na humihiling sa nakatataas na antas at mga ahensya ng gubyernong kontrahin ang napipintong pagpapalawak ng mga plantasyon ng oil plam sa saklaw ng barangay at mga karatig nito dahil sa masasamang epekto nito . Ngunit hindi positibo ang naging tugon ng estado sa hinaing ng taumbayan. Sa katunayan, naglabas pa ng plano ang Philippine Coconut Authority na sasaklaw mula 2014 hanggang 2023 ng pagbubukas ng aabot sa isang milyong ektaryang lupa para sa pagpapalawak ng taniman ng oil palm, kabilang ang 200,000 ektaryang lupain sa Palawan.

Muli itong tinugon ng malakas na pagtutol ng mamamayan. Aabot sa 4,200 magsasaka ang nagpetisyon sa opisina ng noo’y bise gobernador na si Dennis Socrates noong 2015. Sa sumunod na taon, July 28, 2016, muli nilang idinulog sa opisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapataw ng moratorium sa pagpapalawak ng operasyon ng oil palm. Sa kabila nito, tuluy-tuloy pa rin ang pagpapalawak ng mapaminsalang plantasyon ng oil palm sa Palawan at buong bansa, na dapat determinadong tutulan at labanan ng mamamayan. Kaya naman sa hukbong bayan na idinulog ng mamamayang Palaweño ang kanilang reklamo sa mga plantasyong tulad ng oil palm. Taong 2016 nang naglunsad ang Bienvenido Vallever Command-BHB Palawan ng serye ng pamamarusa sa ilang mga multinasyunal na kumpanyang agrokorporasyon kabilang ang Agumil plantation at San Andres sa timog Palawan.#

*Ikatlo sa serye ng mga artikulo hinggil sa mga proyekto at aktibidad ng gubyerno at malalaking pribadong korporasyon na sumisira sa kalisakasan ng Palawan


[1] outgrower—isang kasunduan sa pagitan ng mga magsasaka at multinasyunal na kumpanya kung saan binibili ng mga kumpanya ang lahat ng ani ng mga magsasaka.
[2] kapatas—pinuno ng mga manggagawang-bukid sa isang plantasyon

Ang kasaysayan ng pananalasa ng mga plantasyon ng oil palm sa kabuhayan at kalikasan ng Palawan