Ipagtanggol ang West Philippine Sea
Magkakasunod na insidente ng pambobomba ng water cannon sa isang resupply mission sa Ayungin shoal, swarming o pagdumog ng mga sasakyang pandagat ng China, paglalagay ng floating barrier at ang pinakahuli ang ulat ng mga nawasak na bahura dulot ng tumitinding presensya ng China—ang tumambad na balita sa nagdaang huling dalawang buwan ng taon sa saklaw ng West Philippine Sea.
West Philippine Sea (WPS) ang binagong katawagan sa bahagi ng South China Sea (SCS), ang mayamang karagatan sa kanlurang bahagi ng bansa na nasa loob ang exclusive economic zone [1] (EEZ) ng Pilipinas na isinabatas ng rehimeng US-BS Aquino bilang Administrative Order 29 noong Setyembre 2012. Saklaw nito ang Luzon Sea at lahat ng katubiganan sa palibot nito, sa loob at katabi ng Kalayaan Island Group (bahagi ng Spratly Islands) at Bajo de Masinloc (o Scarborough Shoal). Binubuo ito ng territorial sea o waters, EEZ at extended continental shelf [2] (ECS) ng Pilipinas alinsunod sa itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Nagsimula ang mga sigalot (maritime and territorial dispute) sa karagatan ng SCS sa pagdedeklara ng China noong 1947 na pagmamay-ari nito ang 90% ng 3.5 milyong kilometro-kwadradong karagatan batay sa mapang 9-dash line. Hindi rin kinikilala ng China ang mga EEZ ng mga bansang nakapaligid sa nasabing teritoryo. Kahit na kabilang ang China sa mga lumagda sa UNCLOS, iginigiit ng China ang 9-dash line at ang karapatang mangisda sa EEZ ng mga bansang Pilipinas, Indonesia at Vietnam. Sa partikular, sinakop ng 9-dash line ng China ang 80% ng EEZ ng Pilipinas at 100% ng ECS nito sa WPS.
Agresibong inaangkin at sinasakop ng China ang mga isla at bahura na saklaw na ng EEZ ng mga bansang katunggali sa SCS kabilang ang Pilipinas mula pa 1988. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga artipisyal na isla at istrukturang militar sa Spratly Islands, pagkontrol sa Scarborough Shoal. Tinayuan ng mga artipisyal na isla at itinransporma bilang military airstrips, radar station at missile systems ang Fiery Cross Island at ngayon ay siya nang pinakaabante sa mga military bases ng China sa SCS.
Istorikal at lehitimong karapatan ng Pilipinas
Saklaw at bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang pinag-aagawang mga teritoryo sa Spratlys at Scarborough Shoal alinsunod sa mapang iginuhit ni Pedro Murillo Velarde noong 1734 na pinamagatang Mapa de las Islas Filipinas. Ito ang pinakaluma at opisyal na mapa sa mundo na nagpapakita sa Scarborough Shoal (Panacot) at Spratly Islands (Los Bajos de Paragua) bilang bahagi ng kapuluan ng Pilipinas.
Bukod sa pangkasaysayang batayang ito, pinanghahawakan ng Pilipinas ang Arbitral Award ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong Hulyo 12, 2016 na ang WPS ay saklaw ng EEZ ng Pilipinas alinsunod sa UNCLOS na 200 NM mula sa baseline nito. Ipinagkaloob nito sa Pilipinas ang ekslusibong karapatan na pakinabangan ang lahat ng rekurso sa saklaw ng EEZ ng bansa sa WPS. Ang kabuuang sukat ng EEZ ng Pilipinas sa SCS ay may eryang 381,000 kilometro-kwadrado. Kung ibabawas ang 4,650 kilometro-kwadrado na kabuuang teritoryong pandagat ng pinag-aagawang erya ng Johnson South Reef, McKennan Reef at Scarborough Shoal, may EEZ ang Pilipinas na 376,350 kilometro kwadrado na mas malaki pa sa sukat ng pinagsama-samang kalupaan ng Pilipinas na humigit-kumulang sa 300,000 kilometro kwadrado. Hindi lamang ito mayaman sa samu’t saring klase ng isda at yamang-dagat kundi maging sa depositong mineral, fossil fuel at natural gas na napakaimportante sa ekonomiya at kaunlaran ng bansa.
Ang pagkapanalo ng Pilipinas sa PCA ay resulta ng pagsisikap na igiit at itaguyod ang soberanya nito sa harap ng pang-aagaw at pang-aangkin ng China sa EEZ ng Pilipinas. Ngunit nagmistulang nawalan ito ng pangil dahil sa kainutilan at garapalang pangangayupapa ng mga nagdaang rehimen sa imperyalistang China. Palibhasa’y tumatabo ng malaking kikbak mula sa mga proyekto at kontrata galing China, minaliit at ibinasura ng tiranikong rehimeng US-Duterte ang tagumpay na ito. Ito’y sa kabila ng walang-pakundangang pagyurak ng China sa pambansang soberanya, at maging sa karapatan sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino at sa mga mamamayan na nakatira sa mga islang saklaw ng WPS. Samantala, ang kasalukuyang rehimeng US-Marcos II naman ay labis ang pagpapahinuhod sa militarisasyong ginagawa ng US sa rehiyon na ginagawang tuntungan ang agresibong mga hakbangin ng China sa isang banda, habang bantulot rin at walang bayag kung harapin ang mga paglabag ng China.
Ipagtanggol ang pambansang soberanya
Dapat ipagtanggol ng mamamayang Pilipino at lahat ng patriyotiko at progresibong pwersa ang pambansang soberanya at pangalagaan ang integridad ng teritoryo ng bansa laban sa mga imperyalistang kapangyarihan, kabilang ang soberanya sa teritoryong pandagat at sa panloob na katubigan at soberanong karapatan sa EEZ.
Dapat na buuin ang pinakamalapad na nagkakaisang prenteng patriyotiko para ipagtanggol ang soberanya at patrimonya ng Pilipinas. Dapat isagawa ang iba’t ibang tipo ng pagkilos at paglaban para ipakita sa rehimeng US-Marcos II at gubyernong Xi ng China na handa at determinado ang buong bayan na ipaglaban ang pambansang kasarinlan at teritoryal na integridad ng bansa. Ang paggigiit ng karapatan ng Pilipinas sa WPS at ang pakikibaka ng buong bayan para ipagtanggol ang bawat pulgada ng teritoryo at pag-aari nito sa loob ng EEZ ay bahagi ng pambansang pakikibaka para wakasan ang imperyalistang dominasyon at mga neoliberal na imposisyon sa bansa ng imperyalistang US at China.#
___
Halaw sa Indeks: Ipaglaban ang ligal at istorikal na karapatan ng Pilipinas sa WPS laban sa pangangamkam ng imperyalistang China na inilabas ng KARED-TK noong 2021.
[1] EEZ— kabilang sa Maritime Zones na Itinakda ng UNCLOS mula pa noong 1982, pinagtibay ng 167 na mga bansa at nagkabisa noong 1994. Saklaw nito ang 200NM mula sa baseline. Walang hurisdiksyon subalit may “soberanong karapatan” ang estadong kostal o karapatang gamitin at pakinabangan ang mga rekurso sa ilalim ng karagatan (below surface of the sea); kabilang dito ang eksplorasyon at paggamit ng rekurso ng karagatan (marine resources), kasama ang produksyon ng enerhiya mula sa tubig at hangin.
[2] ECS— 350 NM mula baseline. May solong karapatan ang mga estadong kostal na gamitin para sa sarili ang mineral at di-buhay na mga materyal sa ilalim (subsoil) ng continental shelf. May tanging kontrol din ang mga estadong kostal sa mga nabubuhay na mga rekurso na “nakakabit” sa continental shelf, subalit hindi sa mga nabubuhay na organismo sa bahaging katubigan na lampas sa exclusive economic zone (EEZ)