Editoryal Isulong ang digmang bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya, labanan ang tahasang pangyuyurak ng imperyalismong US at China!

,

Sa pinalawak at pinatitinding presensyang militar ng dalawang nagtutunggaliang imperyalistang kapangyarihang US at China sa West Philippine Sea (WPS) at rehiyong Indo-Pacific, tahasan nitong niyuyurakan ang pambansang soberanya ng Pilipinas. Patuloy na naiipit ang bansa sa tensyon at ribalan nila. Bahag ang buntot ng rehimeng US-Marcos II sa nagpapatuloy at tumitinding pag-aagaw at pag-aangkin ng imperyalismong China sa mga soberanong teritoryo ng Pilipinas sa WPS, kaalinsabay nito ang tahasang pagpapaubaya ng rehimen sa amo nitong imperyalistang US na tayuan ng mga base militar nito ang Pilipinas.

Nakapagngangalit para sa mamamayan ng Palawan at ng bansa ang mga agresibong aksyon na isinagawa ng China laban sa mga sasakyang-pandagat ng Pilipinas. Nagdulot ng malaking panganib sa buhay ng mga Pilipinong inatake ang naganap na pambobomba ng tubig na isinagawa ng barko ng coast guard ng China laban sa mas maliit na bangkang pansuplay at sasakyang pandagat ng coast guard ng Pilipinas sa Ayungin Shoal. Higit pa rito ang pinatinding presensyang militar ng China sa South China Sea (SCS) kung saan nagpapatuloy ang pagdumog ng daan-daang sasakyang pandagat at milisya nito sa mga isla ng Palawan sa WPS.

Bukod sa pagwawasiwas ng China ng presensyang militar nito sa WPS, patuloy din nitong dinarambong ang mga rekursong dagat ng bansa sa iligal na pangingisda, pangungulekta ng mga koral sa Iroquois Reef (Rozul Reef) at Sabina Shoal at hindi awtorisadong pagsasagawa ng mga syentipikong pagsasaliksik sa karagatan ng WPS. Ang pinakabulnerable sa mga agresyon ng China tulad ng pandarahas at pananaboy ng mga armadong sasakyang pandagat nito ay ang maliliit na mangingisdang Pilipinong nakaasa ang araw-araw na ikabubuhay sa paglaot at pangangalap ng mga lamang-dagat.

Ang malala pa, duwag ang rehimeng Marcos II, usad-pagong at kapos ang mga aksyon nito laban sa panghihimasok ng China at sa katunaya’y walang mas aktibo at komprehensibong hakbangin upang harapin ang paglalapastangan ng China. Kumbaga, pitik lamang ang nagagawa ng reaksyunaryong gubyerno sa malalakas na suntok ng China sa bansa. Walang pangil ang mga diplomatikong protestang inihapag ng reaksyunaryong gubyerno laban sa pagbabalewala ng China sa panalo ng Pilipinas sa ruling ng Permanent Court of Arbitration ng United Nations Convention on the Law Of the Sea noong Hulyo 2016. Sa kabilang banda, tila maamong tupang sinusunod lamang ng rehimen ang mga kumpas ng imperyalismong US at ipinauubaya sa pinatitinding presensyang militar ng US ang kinabukasan ng soberanya ng bansa.

Higit na mapanganib para sa bansa ang paggamit ng imperyalismong US sa nagpapatuloy na agresyon ng China upang gawing tuntungan para patindihin pa ang panghihimasok nito sa Pilipinas. Ipinamamarali ng US at mga tuta nito na kailangan umano ng bansa ang tulong ng US para magtanggol o pigilan ang pang-aagaw ng China sa mga karagatang saklaw ng teritoryo ng bansa. Ang imperyalismong US, na mahigit isang siglo nang sumaklot sa bansa ay ipokritong nagdedeklara ng mapanlinlang na “matibay na pagkakaibigan” at “pagdedepensahan,” bilang panabing sa ilegal na pagdaong sa mga baybayin ng Pilipinas ng kanilang malalaking barkong pandigmang may nukleyar at pagyurak sa soberanya ng bansa. Buong kagalakan pang sinalubong ng lokal na gubyerno ng Palawan at ng tuta ng US na Western Command (WesCom) ang pagbisita ng US 7th Fleet upang higit na patibayin sa probinsya at buong bansa ang mga kasunduan at hakbangin para sa umano’y “mutwal na pagtutulungan” ng Pilipinas at US.

Pinalakas at pinalawak ng US ang permanenteng presensyang militar nito sa Pilipinas na nagsisilbi bilang mahalagang himpilan alinsunod sa estratehiyang geopulitikal at pangmilitar ng US sa Indo Pacific. Lalong pinagtibay ng tagibang na kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ang lantarang pagsuko ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas sa soberanya ng bansa. Ang mga base militar ng US sa mga “pinagkasunduang lokasyon” sa probinsya kabilang ang Puerto Princesa City, kung saan naroon ang dalawang base nitong Antonio Bautista Air Base at Naval Station Carlito Cunanan, at ang bagong idinagdag na Balabac Island ay ipapailalim sa ekstrateritoryal na kontrol ng US. Hindi pa nasapatan, pinadadagdagan pa ng US ang mga base militar nito sa bansa. Kasuklam-suklam din kung papaanong pinagmamadali ng US ang mga upisyal ng gubyerno ni Marcos sa pagtatayo ng mga pasilidad militar ng US sa Balabac gamit ang pondo ng mamamayang Pilipino na hawak ng DPWH. Halimbawa nito ang pagbwelo ng konstruksyon ng Balabac Military Runway at isang command and control center at ng pagpapalawak at pagpapalalim sa daungan sa kabilang bahagi ng Balabac Island para maging himpilan ng malalaking barkong pandigma ng US. Gagamitin ng US ang buong isla para manmanan ang mga barko ng China na dadaan dito.

Dahil sa mga nabanggit na ekstrateritoryal na kontrol at ekstraordinaryong mga pribilehiyong tinatamasa at sinasamantala ng US, mas dumalas at naging sunud-sunod ang mga ehersisyong militar na inilunsad nito sa bansa, laluna sa mga lugar na saklaw ng pinagkasunduang lokasyon kabilang ang Palawan. Ayon sa US, magsasagawa ito ngayong taon ng higit 500 war games, ehersisyong militar, at pinagsanib na pagsasanay na iba’t ibang laki at tipo sa Pilipinas kasama ang mga tuta at utusan nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Pagpasok pa lang ng 2023, halos buwan-buwan ang inilulunsad ng imperyalismong US na mga pagsasanay-militar sa probinsya tulad ng Marine Aviation Support Activity (MASA) 2023, Exercise Alon, US-RP bilateral sail activity at Tempest Wind.

Samakatwid, sa kasalukuyan, mas malaki pa ang presensya ng mga armadong tropa, sasakyang pandagat, panghimpapawid at pandigma ng US at mga kaalyado nitong bansang Japan at South Korea sa teritoryong dagat ng Pilipinas kumpara sa China. Tampok sa mga namataang presensya ng mga ito ang USS Ronald Reagan, isa sa pinakamalaking aircraft carrier na barkong pandigma ng militar ng US, at ang eroplanong Poseidon at mga jetfighter para magpatrulya at maniktik sa WPS. Hindi rin lahat ng mga operasyon ng militar ng US ay may koordinasyon sa reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas.

Alinsunod sa kagustuhan ng US na magamit ang AFP bilang pandagdag na pwersa sa pang-uupat nito ng armadong sigalot laban sa karibal nitong imperyalistang China, tuluy-tuloy na sinusulsulan at inaarmasan ng imperyalismong US ang AFP. Tila lumpong sumasandig ang mga militaristang maka-US sa nag-ibayong pagpopondo ng US sa AFP. Naglalaway ito sa dumaraming ibinebentang gamit pandigma na kundiman suplas ay nagamit o pinaglumaang mga armas, bala, bomba, mga pyesang pang-maintenance at iba pang kagamitan mula sa US para sa programa ng AFP na modernisasyon.

Upang ibayo pang palakasin ang kapasidad at presensyang militar ng AFP sa WPS, nagdeploy ang AFP ng karagdagang surface patrol ships sa Kalayaan Island Group, at nagpipilit na magrekluta ng mga paramilitar at reserbang hukbo mula sa mamamayang Palaweño na dadalhin doon para isubo sa napipintong digmaan. Nagkaroon din ng balasahan sa mga batalyong mag-ooperasyon sa Palawan kung saan pinalitan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-7 ang MBLT-4.

Lumalaki ang peligrong mahigop ang Pilipinas sa alimpuyo ng posibleng gera sa umiigting na tunggaliang inter- imperyalista at mga paghahanda para sa digmaan ng dalawang superpower na US at China. Tuluy-tuloy pang nagpupwesto ang US at China ng kanilang mga sasakyang pandagat, panghimpapawid at pandigma sa WPS at higit na tumitindi ang militarisasyon sa lugar. Kahit ang papet na armadong tropa ng AFP at WesCom ay nakagayak na sa posibleng pagsiklab ng digmaang inter-imperyalista. Kapahamakan ang nakaamba sa mamamayang Pilipino sa harap ng tumitinding tensyon at kapag pumutok na ang gyera.

Napatunayan na rin sa kasaysayan na ang presenya ng base militar ng US ay lagi’t laging nagdadala ng malubhang pinsalang panlipunan kabilang na ang pang-abuso sa mga kababaihan, paglaganap ng prostitusyon, dislokasyong pang-ekonomya, kahirapan at pagkawasak ng kalikasan. Pinangangambahang maganap ang mas malalalang paglabag sa karapatang tao ng sambayanang Pilipino kung sumiklab ang gera.

Dapat ipaglaban ng sambayanang Pilipino ang pambansang kalayaan at soberanya sa harap ng tahasang panyuyurak ng imperyalismong US at China. Dapat ding kundenahin ng sambayanan ang kakulangan ng aktibong aksyon ng rehimeng US-Marcos-Duterte sa harap ng patuloy na di pagkilala ng China sa ruling ng PCA sa ilalim ng UNCLOS. Kagyat na ipanawagan ng mamamayang Pilipino ang pagtutulak na wakasan na ang militarisasyon sa WPS upang mapigilan ang higit na pagtindi pa ng armadong tensyon rito. Dapat patuloy na batikusin ang paglabag ng China sa teritoryong pandagat at eksklusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas at ipanawagan ang pagpapalayas sa pwersang militar at milisya ng China at paglalansag ng mga pasilidad militar na itinayo nito sa mga teritoryong saklaw ng Pilipinas.

Kaakibat nito, dapat ipanawagan ng mamamayan ang pagpapalayas sa lahat ng mga pwersang militar ng US, kabilang ang mga sasakyang pandigma nito, gayundin ang paglalansag sa lahat ng mga base militar at pasilidad ng US sa bansa. Dapat igiit ng mamamayang Palaweño at buong sambayanan ang pagbabasura sa EDCA, Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Defense Treaty (MDT) at lahat ng iba pang hindi patas na kasunduang militar sa US. Dapat wakasan ang pagsalig ng Pilipinas sa US o kahit alin pa mang imperyalistang kapangyarihan para ipagtanggol ang teritoryo nito. Bagkus ay igiit ang independyenteng patakarang panlabas at makipagkaisa sa lahat ng mamamayan sa daigdig at mga bansang inaapi rin ng imperyalismo at iba pang mga bayang naninindigan laban dito.

Patuloy na lumalawak ang hanay ng mga patriyotiko at makabayang naggigiit sa soberanya ng bansa at sumisigaw ng “Atin ang Pinas! US at China, Layas!” Dapat na tuluy-tuloy pang imulat ang diwang makabayan at anti-imperyalista , kaalinsabay ang pag-oorganisa sa mga hayag at lihim na mga samahan at organisasyon, at pakilusin para sa kanilang mga pambansa-demokratikong mga adhikain.

Dapat isulong ng mamamayan ang demokratikong rebolusyong bayan na siyang tanging paraan upang ganap na makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya sa Pilipinas. Dapat tanganan ng mamamayang Palaweño ang armas at lumahok sa digmang bayan! Makatarungan ang magsulong ng pambansang digma sa harap ng gyerang mapanakop at mapanupil na inilulunsad ng imperyalismong US, China at papet na rehimeng US-Marcos II. Ito lamang ang tanging solusyon upang mawakasan ang pagiging malakolonya ng bansa sa imperyalismong US at maging malaya ang ekonomya, pulitika at militar ng bansa sa kuko at dikta nito. Sa pagtatagumpay ng digmang bayan, maitatatag ang demokratikong estadong bayang ganap na magsusulong ng independyenteng patakarang panlabas habang pinauunlad ang nagsasariling kakayahan bilang bansa na ipagtanggol ang sarili.###

Isulong ang digmang bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya, labanan ang tahasang pangyuyurak ng imperyalismong US at China!