Ani’ Ka Andrei hinggil sa: Pagtatanggol sa soberanya at ang pangangailangan ng armadong pakikibaka sa Palawan

,

Marubdob na pagbati ng pakikipagkaisa at puspusang paglaban!

Ngayong sumasambulat na sa mga balita ang baho ng bulok na rehimeng US-Marcos-Duterte dulot ng pagkakalantad sa walang kahihiyaang pandaraya sa eleksyong 2022 na nagluklok sa kanila sa tuktok ng kapangyarihan ng lipunang malapyudal at malakolonyal; ang pangangayupapa sa US para sa usapin sa West Philippine Sea ; ang walang kabusugang pagkopo sa kabang-yaman ng bayan sa anyo ng Maharlika Investment Fund at Confidential & Intelligence Fund; ang inutil na pagharap sa pagsirit ng mga pangunahing bilihin at serbisyo na hatid ay masidhing kahirapan at malaganap ng kagutuman mainam na pasadahang muli ang mga nilalaman ng mga ito, sa lente at katumpakan ng ating makauring paninindigan at pakikibaka. At bilang paunang labas natin sa ikatlong kwartong edisyon ngayong taon, maigi na makita ng mga kababayang mambabasa ang pangangailangan ng nagkakaisang pagkilos tangan ang pulang bandila para sa adhikaing pambansang kalayaan at demokrasya.

Sa pagdiriwang at pagsasariwa nitong buwan ng Agosto sa di-matatawarang iniambag ng ating magigiting na mga bayani, tumampok ngayong ang usapin kung paano natin maipaglalaban ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng bansa laban sa imperyalismong US na higit isang siglo nang nang-aalipin sa atin at sa imperyalistang China na nangangamkam sa ating teritoryo?

Tampalasang ginamit ng berdugong AFP at ng amboy na hepe nito na si General Romeo Brawner Jr. ang insidente ng pambobomba ng tubig ng Chinese coast guard sa isang barko ng Philippine Navy para bigyang-matwid ang pagrerekluta at pagsasanay ng mga mangingisdang pumapalaot sa WPS upang maging bahagi ng grupong paramilitar at maging reserbang-pwersa raw para sa pagtatanggol ng karagatang saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa ganito , lalong ipinapahamak ang mga pobreng mangingisda – inuumang sa lumalalang sigalot sa ating katubigan! Dahil ba sa naging insidente ng pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guards sa Ayungin Shoal, eh! gagawing pambala-ng-kanyon ang mamamayang Palaweño? Ngayong sinasabi na tututukunan na nila ang papalawak na presensya at swarming ng mga barko ng China, nasaan na ang magigiting at ipinagyayabang nilang mga tropa na MBLT-3, 7 at 9? Ano ang silbi ng modernisasyong ng AFP, pinapalaking ayuda at pondo, suportang militar at teknikal, at mga ehersisyong-militar sa pangunguna ng imperyalistang US sa WESCOM? Kung totoo ang sinasabi ng AFP at WESCOM na ‘insurgency-free’ na ang Palawan at itututok na nila ang kanilang mga tropa sa pagtatanggol sa WPS, bakit hanggang ngayon hindi nila maideploy ang mga yunit na ito na elite troops ng Philippine Navy bilang kapalit ng Philippine Coast Guard sa mga pinag-aagawang teritoryo? Bakit kailangan pang magrekrut sa hanay ng mga mangingisdang Pilipino?

Bilang sagad-saring tuta ng imperyalismong US, sinusuhayan ng rehimeng Marcos ang ginagawang pang-uupat ng US para sumiklab ang gyera sa WPS at Indo-Pacific. Bukas-palad niyang pinauunlakan ang sunud-sunod na ehersisyong militar ng US at mga kaalyado nito at pagpaparami ng base militar nito sa bansa sa ilalim ng Indo-Pacific Strategy laban sa China. Imbes na maalarma, ipinagbunyi pa nito ang pagdating ng US 7th fleet! Tila nagpapaligsahan na nga ang US at China sa WPS at buong South China Sea. Ang masamang epekto ng paligsahan nila sa paramihan ng warships na nakadeploy sa WPS, mga tropang militar, at aerial surveillance ay matinding ligalig sa hanay ng masa, dislokasyon sa hanapbuhay nila at ang pagkakasaid at pagkawasak ng ating yamang dagat. Pinapaypayan pa ng mapanghating posts sa social media platform ang namumuong tensyon sa magkabilang kampo; naitutulak ang bayan na pumili maalinman sa imperyalistang US o China – pulis-pangkalawakan bang US o ang mas pinapaboran ng matandang Duterte na rising giant na China?

Kailanman ay hindi katanggap-tanggap na maging kasangkapan ang Pilipinas sa nilulutong gyera ng US laban sa China. Lalo’t higit ang iasa ang pagtatanggol sa pambansang teritoryo at soberanya sa imperyalistang US na siya mismong numero unong magnanakaw ng ating pambansang kalayaan. Ang solusyon ay dapat tumayo at manindigan ang sambayanang Pilipino para sa sarili at ipaglaban ang pambansang kalayaan at demokrasya at ipatupad ang nagsasariling patakarang panlabas.

Katanggap-tanggap ba ang paggigiit ng US at mga kaalyado nito sa ‘kalayaan sa paglalayag’ sa South China Sea, gayong kitang-kita namang ginagamit lamang nila itong panabing para sa pang-ekonomyang interes? Tama bang habang nakagapos ang ating bayan sa mga hindi pantay na tratadong militar pabor sa hegemonya at dominasyon nito ay gamitin ang teritoryo ng bansa bilang lunsaran ng kanilang paghahanda sa nakaambang pakikidigma sa China?

Mas nakakapanting ng tenga pa na malaman natin na sa kabila ng kawalan at kung mayroon man ay inutil na pagtugon ng rehimen sa lumalalang kondisyon ng ating ekonomya at ampatin ang pagsirit ng mga pangunahing bilihin at yutilidad, heto at kamukat-mukatang ginagastusan ng pondo ng bayan ang mga itinatayong base militar ng US sa bansa! Sa tabing ng modernisasyon ng AFP at Philippine Coast Guard (PCG) ay pansariling ganansya at garapalang pagpapabundat ang pinagkakaabalahan ng mga kroni, opisyales at mga heneral ng pasistang naghaharing uri. Pinipiga nila at ginagawang gatasan ang pondo ng mga proyektong pangkabuhayan at sa mismong alokasyon mula sa kontra-mamamayang national budget ng administrasyong Marcos Jr.

Dapat tanganan ng mamamayang Palaweño ang sinimulang paglaban at pagpupunyaging gapiin ang mapanupil na estado at ang mga amo nitong imperyalista at huwag mahulog sa makitid na nasyunalismong ipinamamarali ng huli.

Nasa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka ang katiyakan at katumpakan sa pagtatanggol ng ating soberanya at teritoryal na integridad. Tulad ng tinahak na landas nila Bonifacio, Sakay, Heneral Luna at iba pa na nagbuwis ng buhay para sa bayan, tanging sa pagtangan ng armas at paglaban sa mapanggyerang imperyalismong US at rising giant na China maipagwawagi natin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Kaya’t sa tradisyon ng pambansa-demokratikong pakikibakang sinimulan ng Katipunan sa rebolusyong 1896 , ipinagpapatuloy ng Bagong Hukbong Bayan ang naunang misyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Walang saysay ang anumang patutsada at ilusyong nais ihabi ng pangkating Marcos-Duterte na pinulbos na nila ang NPA sa ating isla; hangga’t may pang-aapi at pagsasamantala may batayan at makatarungan ang mag-armas at lumaban ang mamamayan. Mahigpit na kaagapay at katuwang nila ang pinakamamahal nilang Hukbo – ‘pagkat kung wala ang pulang Hukbo, walang anuman ang masa.#

Pagtatanggol sa soberanya at ang pangangailangan ng armadong pakikibaka sa Palawan