6-buwang sanggol, biktima ng kontra-insurhensyang kampanya sa India

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaIlocoHiligaynon

Pinaslang ng mga pwersa ng reaksyunaryong estado ng India ang isang 6-buwang sanggol sa Mutvendi, distrito ng Bijapur, estado ng Chattisgarh noong Enero 1. Pinalalabas ng mga pwersa ng estado na nagkaroon ng “engkwentro” sa mga gerilyang Maoista nang mapaslang ang bata, bagay na pinasinungalingan ng mga residente.

Ayon sa pahayag ng mga saksi, nagpapasuso si Massi Vadde sa kanyang 6-buwang sanggol nang biglang mamaril ang mga pwersang panseguridad ng India sa magubat na bahagi ng Mutvendi. Tumagos sa kamay ni Massi Vadde ang bala na tumama at pumatay sa kanyang sanggol.

Inilinaw rin ng Communist Party of India (Maoist) West Bastar Division na walang naganap na engkwentro sa araw na iyon. Ayon sa kalihim ng dibisyon ng CPI (Maoist) na si Mohan, inatake ang komunidad dahil sa kanilang pagtutol sa militarisasyon at paglaban sa pang-aagaw ng mga korporasyon sa kanilang lupa.

Mula ang mga pulis sa Kavadgaon (malapit sa Mutvandi). Isa ito sa tatlong bagong tayo na kampo ng mga pulis sa distrito ng Bijapur noong Disyembre 2023.

Ang teroristang pag-atake ng mga pwersa ng estado sa mga Indian, partikular sa mga Adivasi o katutubo sa India, ay bahagi ng inilulunsad na Operation SAMADHAN-Prahar, kontra-insurhensyang kampanya ng India. Sinimulan itong ipatupad noong 2017 para durugin ang CPI (Maoist) at armadong pwersa nito, na ginagamit para targetin ang hindi armadong pakikibaka ng mamamayan ng India.

Sa ilalim nito sa nagdaang limang taon, nagtayo ang estado ng hindi bababa sa 195 kampong paramilitar. Ang mga kampong ito ay sabwatan sa pagitan ng malalaking mga korporasyon at ng pasistang rehimen para palayasin at supilin ang demokratikong paglaban ng mga Adivasi at mamamayang Indian.

Kaugnay nito, nagprotesta ang mga kabataang Indian at mga guro ng Delhi University sa kampus nito sa Delhi, India noong Enero 10 para kundenahin at ipabasura ang Operation SAMADHAN-Prahar.

6-buwang sanggol, biktima ng kontra-insurhensyang kampanya sa India