Ang mapait na kalagayan ng magniniyog sa Misamis Oriental
Pagbebenta ng kopra ang ikinabubuhay ni Tatay Gil. Sa kanyang bayan, umaabot lamang nang ₱25 ang kada kilo ng kopra. Bawat tatlong buwan, 300 kilo lamang ng kopra ang kanyang naibebenta sa mamimili. Sa madaling sabi, kumikita lamang siya ng ₱7,500. Sobrang mababa ito kahit pa malapit lamang sa kanilang barangay ang kumpanyang nagpuproseso rito.
Kilala ang Misamis Oriental bilang nangungunang pinagkukunan ng niyog sa buong Mindanao. Kabilang sa mga kumpanyang nagpuproseso nito sa rehiyon ang subsidyaryo ng dambuhalang kumpanyang multinasyunal na Wilmar International sa Gingoog City; ang Pilipinas Kao, subsidyaryo ng kumpanyang Japanese na Kao Corporation, sa bayan ng Jasaan; Fiesta Brand sa Medina na pag-aari ng mga Campos (NutriAsia); at Cagayan de Oro Oil na hawak ng bangkong United Coconut Planters Bank. Monopolisado ng kalakhan ng dayuhang mga kumpanyang ito ang industriya ng niyog mula sa pagbili ng kopra hanggang sa pagproseso tungong gawa nang produkto.
Sa kaso ni Tatay Gil, umaabot lamang sa ₱83 ang kinikita niya sa araw-araw. Napakaliit nito kumpara sa ₱134 sagad sa minimum na kailangan para maitawid niya ang kanyang pamilya, kabilang ang kanyang matatanda nang magulang na nakaasa sa kanya. Napakalayo ng kanyang kinikita na halos wala nang nakalaan para pambili ng ulam. Malaking problema kung saan kukuha ng panggastos sa panahong nagkakasakit ang kanyang mga magulang. Para madagdagan ang kita, hindi lubos na nakaasa sila Tatay Gil sa pagkokopra. Nagbebenta rin siya ng kape at kawayan para makaagapay sa mga gastusin.
Mas mapait ang kalagayan ni Tatay Magno na nagbebenta ng buu-buong niyog. Sa loob ng tatlong buwan, nasa 100 piraso lamang ang naaani niya. Tinatalupan niya ang mga ito bago tinitimbang. Umaabot lamang sa 60 kilo ang 100 piraso. Sa bentahang ₱5 kada kilo, kikita lamang si Tatay Magno ng ₱300 kada tatlong buwan o ₱3 kada araw.
Dahil hindi sapat ang kita sa pagbebenta ng niyog, nagbebenta rin si Tatay Magno ng lawi (materyales para sa paggawa ng walis tambo). Bawat buwan, nakaiipon si Tatay Magno at kanyang asawa ng 50 kilo ng lawi na binibili sa kanila ng ₱60 kada kilo. Kumikita sila rito ng ₱2,900 (menos ₱100 para sa pamasahe) kada buwan o ₱97 kada araw.
Umabot sa ₱251 kada araw ang pinakaminimum na pangangailangan ni Tatay Magno, kanyang asawa at kasama nilang dalawang apo na nag-aaral sa elementarya. Dahil sa sobrang barat na bilihan ng kanilang produkto at liit ng kita, nagpapatung-patong ang utang ng mag-asawa sa tindahan para makaagapay sa araw-araw.
Ilan lamang sina Tatay Gil at Tatay Magno sa mga magniniyog na nagdurusa sa lubhang pagsadsad ng presyo ng niyog sa prubinsya. Ito ay sa kabila ng tumataas na demand ng niyog sa pandaigdigang merkado. Kabilang sa nakabatay sa niyog at langis nito ang mga produktong coco-chemical, sabon panlaba at panligo, shampu, baby oil, pomada, compact disk, refined coco oil, dessicated na niyog at mga produktong gata. Walang subsidyong ibinibigay sa mga magniniyog sa mga panahong sumasadsad ang bilihan ng niyog. Sa gayon, kailangan nilang mamasukan sa kung anu-anong trabahong napakababa rin ng sahod.
Kalbaryong pinalala ng korapsyon
Ilang dekada nang mga magniniyog ang mga pamilya nina Tatay Gil, Tatay Magno at libu-libo pa sa Misamis Oriental. Kabilang sila sa maliliit na magniniyog na hinuthutan ng coco levy noong panahon ng diktadurang US-Marcos sa ilalim ng batas militar noong 1972-1986. Hanggang ngayon, hindi pa naibabalik sa kanila ang nararapat sa kanila na pondo na matagal na nilang ipinaglalaban. Sa halip, ang pondo ay nasa kontrol ngayon ng singbulok na bagong rehimeng US-Marcos.
Ilang araw bago bumaba sa pwesto, animo’y iniregalo ni Rodrigo Duterte kay Ferdinand Marcos Jr ang pondong coco levy nang inilabas niya ang kautusang nagpahintulot sa Department of Agriculture na gamitin ang pondo para “paunlarin” ang sektor ng niyog. Sa bisa ng Executive Order No. 172, inilatag ang Coconut Farmers and Industry Development Plan sa ilalim ng kagawaran. Di kataka-taka, agad na inako ni Marcos Jr ang kagawaran nang maupo siya sa poder noong 2022. Isang taon siyang namalagi sa DA nang walang pagbabago sa kabuhayan ng mga magniniyog, at bagkus ay lalupang tumindi ang kanilang pagdurusa.