Pang-aabuso ng 62nd IB sa Central Negros, tuluy-tuloy
Sunud-sunod ang mga pagpatay, tangkang pagpatay, panggigipit at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao sa isla ng Negros ang isinagawa ng mga yunit ng 62nd IB sa nagdaang mga linggo.
Dinampot at tinortyur bago pinaslang ng mga sundalo ang dalawang sibilyan sa Barangay Sag-ang, La Castellana, Negros Occidental noong Enero 17 ng umaga. Para pagtakpan ang kanilang karumal-dumal na krimen, pinalalabas ng mga sundalo na napatay sina Boy Baloy, 60 anyos, at Bernard Torres, 50, sa modus nito na pekeng engkwentro.
Sina Baloy at Torres ay dinampot sa kanilang tinutuluyang bahay, inilayo sa komunidad, ipinailalim sa matinding interogasyon, binugbog at tinortyur, bago binaril ng mga berdugo. Si Baloy ay kasapi ng Kaisahan sa Gamay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros (KAUGMAON-Guihulngan Chapter), habang si Torres ay isang drayber ng habal-habal at kasapi ng Undoc-Piston-Guihulngan Chapter. Simula pa 2017, paulit-ulit nang nakararanas ng panggigipit at panghaharas ang dalawa mula sa mga pwersa at ahente ng estado.
Hindi mga Pulang mandirigma ang dalawa, ayon na rin sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros.
Tangkang pagpatay. Pinagbabaril ng mga sundalo ang magtutubo na si Cerilo Bagnoran Jr habang sakay sa kanyang motorsiklo at bumabyahe sa Crossing Cordova, Barangay Manghanoy, La Castellana noong Enero 14. Pauwi si Bagnora nang parahin siya ng tatlong elemento ng 62nd IB Charlie Company sa Crossing Cordova at paulanan ng bala.
Bago ang tangkang pagpatay sa kanya, hinanap na si Bagnoran ng mga nagpakilalang pulis noong Enero 7 sa kanyang baryo. Noong Enero 8, pinaghahahanap siya ng 24 sundalo ng 62nd IB na noo’y nag-ooperasyon sa Sityo Mandayao-4, Barangay Kamandag, La Castellana.
Panggigipit. Hindi nakaligtas sa brutalidad at terorismo ng estado ang pamilyang Carreon sa Sityo Bonbon, Barangay Hinakpan, Guihulngan City. Sapilitang pinasok at niransak ng may 40 tropa ng 62nd IB ang bahay ng pamilya noong Enero 14 ng umaga. Labag sa batas na pinaghahalungkat ng mga sundalo ang kagamitan ng pamilya at hinanap si Bimbo Carreon, ang may-ari ng bahay. Nagdulot ng takot sa pamilya, laluna sa mga bata, ang atakeng militar.
Samantala sa Cavite, nakaranas ng pananakot ang mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Dasmariñas noong Enero 15. Pinasok ng limang elemento ng Philippine Army Scout Ranger lulan ng isang trak ng militar ang naturang komunidad at kinasahan ng baril ang mga residente. Ipinaglalaban ng mga magsasaka dito ang karapatan sa 372 ektarya ng lupa simula pa 2014.