96th IB, binulabog ng BHB-Masbate
Pinatamaan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate ang nag-ooperasyong tropa ng 96th sa Sityo Lantawan, Barangay Gangao, Baleno, Masbate noong Enero 13. Nabulabog ang naturang yunit militar at kagyat na itinago ang kanilang kaswalti upang pagtakpan ang kahihiyan.
Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Mabaste, ang armadong opensiba ay bahagi ng kanilang pagsisikap na kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng abusong militar at ipagtanggol ang mamamayan laban sa nagpapatuloy na paghaharing militar sa prubinsya.
Kabilang sa tinutukoy ni Ka Luz ang 24 na biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Labis din ang galit ng mga residente sa pamalagiang pagkakampo ng mga kontra-insurhensyang yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga eskwelahan sa prubinsya.
Naging laganap din ang prostitusyon sa lugar na tinayuan ng mga kampo militar.
Liban dito, imbwelto rin ang yunit militar sa pagpapasimuno ng mga inuman sa loob at labas ng kampo at kung malalasing ay nagpapaputok ng baril at nanggugulo sa mga residente. Inireklamo rin ng mga residente ang prostitusyon sa loob ng mismong kampo ng militar.