Tuloy ang laban ng mga drayber at opereytor ng dyip

,

Muling nagkaraban-martsa noong Enero 16 sa Maynila ang libu-libong mga tsuper, opereytor at kanilang mga pamilya para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan sa pamamasada at ibalik ang kanilang 5-taong prangkisa. Nagtipon sila sa Quezon City bago nagkaraban tungong Mendiola sa Maynila ngunit hinarang ng mga pulis sa kahabana ng Espana, Manila. Dito sila naglunsad ng programa hanggang kinabukasan ng madaling araw.

Bago nito, nagpiket sila sa House of Representatives sa Quezon City noong Enero 10 kasabay ng isinagawang pagdinig ng komite sa transportasyon kaugnay ng panawagang ibasura ang pekeng modernisasyon ng rehimeng US-Marcos.

Sa naturang pagdinig, ginisa ng mga makabayang kongresista ang mga upisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagmatigas sa pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa. Lumitaw dito na malaking bilang pa ng mga dyipni ang hindi nagkonsolida, taliwas sa pahayag ng ahensya. Marami ring mga ruta ang di pa naayos, na rekisito sa konsolidasyon.

Sa Senado at Kongreso, lumitaw ang panawagan na isuspinde ang pwersahang konsolidasyon hangga’t di pa nareresolba ang maraming usaping iniharap ng mga tsuper at opereytor. May mga panawagan ding imbestigahan ang lumitaw mga alegasyon ng korapsyon ng mga upisyal sa LTFRB na nakipagkunsabahan sa dating rehimeng Duterte sa pagbili ng buu-buong dayuhang mga “modernong sasakyan” na ipapalit sa mga tradisyunal na dyip, na may bahaging lokal na minamanupaktura.

Samantala, nagprotesta ang mga kabataan sa upisina ng Asian Development Bank (ADB) sa Ortigas Center sa Mandaluyong City noong Enero 19 upang kundenahin ang papel nito sa pekeng modernisasyon sa transportasyon. Ang ahensya ang naglalako ng imported na “modernong dyip” sa tabing ng pagsawata sa “climate change.” Noong Enero 19, ang pagdadahilang ito rin ang ginamit ng Office of the Solicitor General bilang sagot sa petisyon ng Piston laban sa pwersahang konsolidasyon ng mga indibidwal na prangkisa.

Tuloy ang laban ng mga drayber at opereytor ng dyip