Dadaigin ng Bagong Hukbong Bayan ang rehimeng US-Marcos
Walang naniwala sa kamakailang deklarasyon ni Ferdinand Marcos Jr na wala nang “aktibong larangang gerilya” ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa buong bansa. Naobliga kahit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na salungatin ito at sinabi na lamang na “mahihina” ang diumano’y natitirang 11 larangan ng BHB. Ayon sa AFP, may 1,500 Pulang mandirigma “na lamang” sa pagtatapos ng 2023.
Nagsisilbi ang mga pahayag ni Marcos at ng AFP sa layunin nilang akitin ang mga dayuhang kapitalista. Pinalalabas nilang wala o mahina na ang BHB para bigyang daan ang pandarambong ng malalaking dayuhang kumpanya sa lupa at likas na yaman ng bansa.
Pagbubuhos ng pwersa at pera
Pinasisinungalingan mismo ng sariling kilos ng rehimen ang gayong mga pahayag. Sa kabila ng paulit-ulit na mga deklarasyon ng “paradigm shift” (o pagbabago ng pokus) ng AFP, malaking bahagi ng mga batalyon nito ay nakapakat pa rin sa mga teritoryo ng BHB. Walang inilipat na pwersang militar para sa ipinamamarali nilang “eksternal na pagdepensa.”
Nananatiling nasa 60,000-70,000 tropang pangkombat ng militar at pulis (o 150 batalyon ng AFP at PNP na mga yunit para sa kontra-insurhensya) ang nakatuon laban sa hukbong bayan sa buong bansa. Nariyan rin ang 50,000-lakas na pwersang paramilitar at pagtatayo ng mga kampo militar sa daan-daang barangay sa buong bansa. Kung paniniwalaan ang rehimen sa sinasabi nitong “natitirang” Pulang mandirigma, itinalaga nito ang 80 sundalo, pulis at paramilitar sa bawat isang Pulang mandirigma.
Pinalobo rin ni Marcos ang badyet ng AFP nang halos 40% mula ₱203.4 bilyon noong nakaraang taon tungong ₱282.7 bilyon ngayong taon. Kabilang dito ang huling-minutong isiningit na ₱6.17 bilyon ng bicameral na komite ng Senado at Kongreso. Malaking bahagi ng pondo ng militar ay mapupunta sa mga jet fighter at drone na ginagamit sa hibang at dekadenteng kampanya ng aerial bombing, panganganyon at todo-largang operasyong militar sa kanayunan. Naglaan din ng ₱3.18 bilyon para sa National Task Force-Elcac.
Sa aktwal, tuluy-tuloy at walang-puknat ang mga focused military operation na nagwawaldas ng napakalaking pondo sa maraming rehiyon sa bansa. Sa Southern Mindanao, nakapakat pa rin ang 19 na batalyon sa ilalim ng kontrol ng 10th ID sa kabila ng higit isang taon nang deklarasyon na “insurgency-free” ang rehiyon. Pinananatili rin at pinopondohan ng rehimen ang may 400 detatsment ng CAFGU, at 13 pwersang paramilitar sa rehiyon.
Sa Eastern Visayas, ipinahayag mismo ng 8th ID na patuloy nitong pakikilusin ang 14 na batalyon (o katumbas na 5,600 sundalo) sa buong rehiyon para “habulin” ang diumano’y tira-tirang 119 Pulang mandirigma sa mga prubinsya dito. Sinabi rin ng kumander ng dibisyon na gagamitin nito ang lahat ng armas militar para “ubusin” na ang hukbong bayan.
Sa Cagayan Valley, nagpadala ng 100 bagong sundalo ang 5th ID noon lamang Enero 16 para “tuluyang sugpuin ang insurhensya sa buong nasasakupan ng dibisyon.” Taliwas ito sa pagmamayabang ng kumander ng 5th ID noong Disyembre 2023 na “wala nang kakayahan” na maglunsad ng pulitiko-militar na gawain ang hukbong bayan sa rehiyon at tinatanaw na nila ang “ganap na tagumpay” laban sa BHB ngayong unang bahagi ng taon.
Makatarungang paglaban
Sa aktwal, kumikilos ang BHB sa 14 na panrehiyong kumand nito na mayroong kani-kanyang pinamamahalaang mga larangang gerilya.
Malayo sa pagkagapi ang Pulang hukbo sa kabila ng dinanas nitong mga pag-atras sa nagdaang mga taon, na bunga ng mga panloob na kahinaan. Dahil makatarungan ang paglaban at kinakatawan ng BHB ang mithiin ng mga magsasaka at manggagawa na bumubuo sa malawak na mayorya ng mamamayang Pilipino, tiyak na patuloy itong makapagpupunyagi at susulong.
Patuloy na nagsasagawa ang BHB ng mga maniobrang gerilya para basagin ang pagkubkob ng AFP, tuluy-tuloy na magbuo ng mas malawak na baseng masa at palaparin ang mga larangang gerilya nito. Patuloy itong maglulunsad ng taktikal na mga opensiba para patamaan ang mahihinang mga bahagi ng kaaway kung saan sila lubos na mabibigla.
Titiyakin ng BHB na dadaigin nito si Marcos, tulad paanong dinaig nito ang kanyang ama at lahat ng mga suportado-ng-US na mga gubyerno sa nagdaang 35 taon na lahat ay nagyabang na dudurugin ang BHB. Sa ilalim ng gabay ng Partido, natuto ang BHB sa mga aral at determinadong biguin ang brutal na mga opensiba ng AFP.