Kilos Protesta Delegasyon ng TK sa komemorasyon ng Pag-aalsang EDSA I, hinarang
Hinarang ng pinagsanib na pwersa ng PNP Cavite, PNP Laguna, 2nd Infantry Division (ID)-Philippine Army at PNP SWAT ang mga delegasyon mula sa Cavite at Laguna na patungo sa EDSA para gunitain ang ika-38 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA I noong Pebrero 25. Pangunahing bitbit ng delegasyon ang panawagan kontra-chacha na pakana ng rehimeng US-Marcos II. Binubuo ang delegasyon ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, kabataan at maralitang lungsod.
Bandang alas-8 ng umaga, dalawang beses na hinarang ng checkpoint ng PNP ang mga magsasaka mula sa Imus City. Hindi ipinaliwanag ng mga pulis ang dahilan ng checkpoint at bastos na tinatalikuran na lamang ang mga magsasaka. Higit isang oras na inantala ng mga pulis ang karaban ng mga magsasaka gamit ang dahilang pagbusisi ng dokumento ng mga tsuper.
Tuluyan nang hinarang ang delegasyon sa isa pang checkpoint sa Bacoor City. Biglang binangga ng mga pulis ang isang jeep ng mga mangingisda. Tatlong jeep ang in-impound sa tabing ng mga gawa-gawang violations na “improvised na plaka”, “unsafe for driving”, “change of vehicle color” at “need to change oil”. Halos limang oras na binimbin ng PNP Cavite at 2nd ID ang naturang delegasyon.
Sa Laguna, ipinoste ng PNP ang 21 checkpoints sa Calamba, Los Baños, Sta. Rosa, Biñan, Magdalena, Sta. Cruz, Victoria, Bay, Lumban, San Pablo, Rizal, Cavinti, Mabitac, Luisiana, Alaminos, Paete, Nagcarlan, Cabuyao, Siniloan at San Pedro.
Dahil sa pagkabinbin, inilunsad na lamang ng delegasyon ang kanilang protesta sa checkpoint sa Longgos, Bacoor at sa harap ng munisipyo ng Los Baños. Naglunsad din ng lokal na pagkilos ang mga magsasaka mula sa Lupang Ramos upang kundenahin ang nasabing panghaharang at nanawagang harapin sila ng kapulisan at militar. Iginiit din nilang ibalik ang lisensya ng mga tsuper ng mga jeep na kanilang hinarang.
Bago ito iniulat na ang kabi-kabilang state surveillance ng AFP-PNP sa rehiyon. Sa Lupang Ramos, dalawang araw na nagpalipad ng drone at nagposte ng mobile ang PNP-Cavite para magmanman. Sa UPLB, may mga ahente ng paniktik na nagmamanman sa workshop area ng mga kabataan. Sa Pulo, Cabuyao, nagposte rin ng isang SWAT vehicle sa labas ng upisina ng mga manggagawa.
Ayon sa delegasyon, malinaw sa kanila ang dahilan sa likod ng panghaharang ng AFP-PNP. Ito ay utos ng rehimeng US-Marcos II upang pigilan ang malawakang protesta ng mamamayan na gagawin sa araw ng paggunita sa Pag-aalsang EDSA. Anila, malaking sampal sa kasalukuyang administrasyon na buhay pa rin ang diwa ng EDSA I, na siyang nagpatalsik sa diktador na si Marcos Sr.
Ayon sa BAYAN-ST, “Malinaw na paglabag ito sa karapatang tao laluna’t sinabi mismo ng PNP na ang kanilang mga operasyon ay para sa komemorasyon ng Pag-aalsang EDSA. Ang pagpopostura nilang pangangalaga sa kaligtasang pampubliko ay isang direktang atake sa karapatan sa malayang pamamahayag laban sa mga maniobra sa pagbabago ng konstitusyon na tema ng mobilisasyon sa EDSA.”###