Koresponsal Ang mukha ng kilusang pagwawasto sa Masbate

,

Puspusan ang pagsisikap ng mga sangay at komite ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at buong rebolusyonaryong kilusan sa Masbate para ipatupad ang kilusang pagwawasto na ipinanawagan ng Komite Sentral noong Disyembre 2023. Ibinwelo nila ang mga pagtatasa at pag-aaral simula noong unang kwarto ng taon.

Kilusang pag-aaral

Bilang panimulang hakbang, nagdaos ng iba’t ibang mga pulong konsolidasyon at pag-aaral ang BHB at masa para sa pagdiriwang sa ika-55 anibersaryo ng Partido at BHB. Namahagi din sila ng mga polyeto at nagpaskil ng umabot sa 1,000 mga istrimer sa maraming bahagi ng prubinsya. Ginamit itong pagkakataon para ibahagi sa masa at mga kasama ang panawagan para sa kilusang pagwawasto.

Sa ulat ng mga larangang gerilya, nakapaglunsad ng walong bats ng pinagsamang programang pangkultura o pulong masa sa anibersaryo ng Partido at Hukbo na dinaluhan ng humigit-kumulang 300 mamamayan. Itinanghal ang iba’t ibang kulturang pagtatanghal tulad ng awit, sayaw at dula na nagbabaybay sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya.

Isinagawa ang mga pag-aaral sa pahayag ng Komite Sentral sa ika-55 anibersaryo ng Partido sa iba’t ibang mga sangay ng Partido sa lokalidad, organisasyong masa at yunit ng Hukbo. Ilang mga komite sa larangan na rin ang nakapag-aral sa pahayag ng Partido sa ika-55 anibersaryo ng BHB. Isinabay dito ang mga kampanya sa muling panunumpa sa mga sangay ng Partido. Nagbabalik-aral na rin ang mga yunit at komite ng Partido sa Saligang Batas.

Liban dito, naglunsad ng mga pulong pagtatasa ang mga komite ng Partido sa iba’t ibang antas upang mailakip sa kanila-kanilang mga programa at plano ng pagkilos ang kilusang pagwawasto. Isinabay sa mga pulong na ito ang pag-aaral sa mahahalagang dokumentong nagsusuma sa karanasan ng Partido sa nakaraang mga taon at iba pang dokumentong makabuluhan sa karanasan ng prubinsya.

Samantala sa isang larangan, nailunsad ngayong kwarto ang isang bats ng pag-aaral sa Batayang Kurso ng Partido.

Pagtukoy sa mga kamalian at pagwawasto

Alinsunod sa panawagan ng Komite Sentral, taos-pusong tinukoy ng iba’t ibang komite ng Partido sa prubinsya ang mga naging pagkukulang ng kilusan sa pamumuno sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mga Masbatenyo. Matapat na tinasa ng bawat komite at bawat kumand ng Hukbo ang mga internal na kahinaan sa iba’t ibang larangan ng gawain.

Binalangkas nila ang mga panimulang paglalagom ng rebolusyonaryong gawain. Sinimulan na rin ang mga pagsisikap sa kampanya ng kumprehensibong panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri.

Iniwawasto rin ng mga yunit ng hukbong bayan ang kani-kanyang manera sa pagkilos sa mga larangan. Layunin nitong umiwas sa hindi kinakailangan at depensibang mga labanan. Sinimulan na rin ng mga yunit sa prubinsya ang pagpapalawak sa mga eryang hindi nila naaabot dati. Sa mga lugar na matagal nang hindi nabalikan ng hukbong bayan, dahan-dahang ipinaparamdam muli ng mga kasama ang kanilang presensya sa masa.

Sa isla ng Ticao, naging bahagi ng taktika ng Pulang hukbo ang pagtulong sa masa sa produksyon bilang kanilang suporta. Ikinagagalak ng masa na mayroon nang tumatapos sa kanilang mga gawain sa pagkopra.

Hamon ngayon sa rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya na palakasin ang armadong paglaban upang mapalakas ang Hukbo at ang kilusang masa. Nanawagan ang komite ng Partido sa lahat ng yunit ng Hukbo na maglunsad ng sustenidong mga taktikal na opensiba upang pahinain at tuluyang biguin ang paghaharing teror ng mga armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos.

Partikular ding binigyang diin ng komite ang paglulunsad ng mga pakikibakang anti-pyudal at mga kampanya para sa kabuhayan bilang tuntungan sa pagpapalakas ng kilusang masang Masbatenyo.

Sumibol ang rebolusyonaryong kilusan sa Masbate noong 1983 nang lumapag dito ang tatlong kasama na armado lamang ng dalawang mahihinang klaseng riple. Sa nagdaang ilang dekada, napatunayan ng masang Masbatenyo na tunay nilang masasaligan ang hukbong bayan at kakampi nila sa pagbawi sa kanilang mga lupa at pagtatanggol sa kanilang demokratikong mga karapatan.

Ang mukha ng kilusang pagwawasto sa Masbate