Cope Thunder exercises sa Cagayan, naghasik ng matinding takot sa mamamayan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Hindi pa man pormal na nagbubukas ang Balikatan 2024, naghasik na ng takot at perwisyo sa mga mamamayan ng Cagayan at Apayao ang inilunsad na Cope Thunder exercises ng US Air Force at mga tropa ng Tactical Operations Group (TOG) noong Abril 17. Ayon sa mga residente ng Gattaran, Sto Niño, at Lasam sa Cagayan, sa sobrang baba ng lipad ng mga jet fighter ay nagkagulo sa mga eskwelahan laluna sa mga daycare at kindergarten at kumaripas ng takbo ang mga bata pauwi sa kanilang mga tahanan. Nabulahaw din ang mga sanggol, naperwisyo ang kabuhayan, at maging ang mga alagang hayop ay natakot at nagambala.

Reklamo ng mga residente, hindi sila inabisuhan nang maaga kung kaya’t may mga natisod sa pagtakbo sa sobrang takot at sa mismong tapat ng mga eskwelahan at barangay hall isinagawa ang mga pagpapakitang-gilas. Kwento ng isang nanay, pinigilan siya ng kanyang 7-anyos na anak na lumabas ng bahay sa takot na mabagsakan ng bomba. Nireklamo din nila ang napakalakas na ugong at masakit sa tengang tunog ng mga jet fighter. “Parang sasabog ang dibdib ko nang tumapat sa amin,” kwento ng isa.

Hindi naiwasang isipin ng mga residente ang malaking posibilidad na talagang sisiklab ang gera lalo na’t laganap ang rekrutment ng AFP sa mga baryo, kahit daw sa mga may edad na. “Praktis pa lang yan, paano pa kaya kung totoo na,” pagkabahala ng isang residente. Komentaryo naman ng isa na siguradong marami na namang bubuntisin at iiwan ang mga sundalong Amerikano dahil sa pagkakaroon ng mga base militar sa kanilang lugar.

Matinding troma ang sinapit ng mamamayan sa mga lugar na ito laluna’t ito rin ang mga lugar na binomba ng 5th ID at TOG2 noong nakaraang taon. Matatandaang lumikas ang mga residente ng Sto Niño noong Abril 2022 sa kalagitnaan ng Semana Santa matapos mag-airstrike gamit ang OV10-Bronco para itago ang pagmasaker sa tatlong Pulang mandirigma sa Piat.

Ligalig rin ang dinanas ng mga residente ng Baggao noong Balikatan 2022. “Nagtakbuhan kami sa sobrang takot. Akala namin bobombahin kami. Parang matutuklap na ang mga bubong namin sa sobrang baba at lapit ng mga jet fighter sa kabahayan,” salaysay ng isang magsasaka.

Cope Thunder exercises sa Cagayan, naghasik ng matinding takot sa mamamayan