Koresponsal Walang patumanggang pambobomba, perwisyo sa mga Agusanon at Surigaonon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Noong nakaraang taon, nakapagtala ang Bagong Hukbong Bayan-Northeast Mindanao ng di bababa sa limang insidente ng walang patumanggang pambobomba at pang-iistraping ng Armed Forces of the Philippines sa Agusan at Surigao del sur. Sa nakalap na impormasyon ng BHB-NEMR sa apektadong mga komunidad, isang sibilyan ang nasugatan at isa ang hanggang ngayon ay di pa natatagpuan. Nagdulot ang mga pambobomba ng troma sa mga residente, laluna sa mga bata at matatanda, at pinsala sa kanilang mga pananim at sa kapaligiran. Ginatungan nito ang galit ng mga Agusanon at Surigaonon sa abusadong mga sundalo.

Kasabay ang mga pambobomba sa masisinsin at koordinadong operasyong militar at mapanlinlang na mga programa sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP) at Enhanced Community, Livelihood and Integration Program (E-CLIP). Sa ilalim ng mga programang ito, laganap ang mga panggigipit at pananakot ng mga sundalo sa mga magsasaka, gayundin ang iligal na pang-aaresto at sikretong detensyon, at pwersang pagpapasurender sa kanila. (Basahin ang artikulo na “Kwarantinang” militar, kulungan ng “sumuko” na mga sibilyan sa Surigao del Sur sa isyu ng Ang Bayan, Abril 7, 2024.)

Ang mga operasyong ito ang nasa likod ng pagdedeklara ng AFP na “insurgency-free” na ang Agusan at Surigao del Sur. Seryosong paglabag ang mga ito sa internasyunal na makataong batas at mga protokol na nagpapahalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga sibilyan sa panahon ng mga armadong sigalot.

Mga insidente

Noong Marso 15, 2023, alas-6 ng hapon, nagpakawala ng isang rocket at anim na beses na nang-istraping ang militar sa mga sakahan at mabundok na bahagi ng Barangay Pili, Bayugan, Agusan del Sur. Bumagsak ang mga bombang pinalipad ng mga helikopter malapit sa kabahayan na nag-iwan ng mga kapsula ng bomba sa kanilang mga bakuran. Dahil sa peligrong dala nito, napilitan ang mga residenteng magbakwit patungo sa barangay gymnasium.

Bago nito, pinaputukan ng BHB ang nag-ooperasyong tropa ng 65th IB sa Barangay Pinanggalaan, sa naturang prubinsya noong Marso 14, 2023 alas-2 ng hapon. Dalawang sundalo ang napatay.

Sa Barangay Maitom, San Martin, Prosperidad sa parehong prubinsya, dali-daling nilisan ng mga magsasaka ang kanilang mga tahanan matapos umalingawngaw ang pagsabog ng apat na bomba mula sa Super Tucano at tinatayang limang kanyon noong Mayo 18, 2023. Nangyari ito sa layong 200 metro mula sa kanilang mga dampa.

Sa Barangay Bigaan, Tagbina, Surigao del Sur, naghulog ng dalawang bomba ang Philippine Air Force noong Hulyo 2023. Ayon sa isang residente, isa sa kanilang kababaryo ang nasugatan nang sumabog malapit sa kanyang bahay ang mga bomba. Isa pang residente, hanggang ngayon, ang hindi nila matagpuan. Sa takot ng AFP na malaman ng publiko ang kanilang krimen, sikretong pinagamot ng lokal na pamahalaan ang sugatang sibilyan. Matapos ang insidente, sapilitang pinalikas ng mga pulis ang mga residente sa pananakot na gagamitin sila ng hukbong bayan bilang “human shield.” Bago ang pambobomba, napatamaan ng BHB ang mga tropa ng 67th IB sa mabundok na bahagi ng nasabing baryo kung saan dalawa ang napatay at isa naman ang sugatan.

Noong Setyembre 2023, nagulantang ang mga residenteng noo’y nasa kanilang bukid sa malakas na pagsabog ng apat na bombang inihulog mula sa ere. Tinatayang 300-500 metro lamang ang layo ng sumabog mula sa kanilang dampa. Sa pangambang matamaan, agad na nilisan ng mga magsasaka ang bukid.

Sa Barangay La Purisima, Prosperidad, Agusan del Sur, nasira ang mga tanim na niyog, saging at iba pang prutas sa mga sakahang binagsakan ng apat na bomba gamit ang Super Tucano noong madaling araw ng Setyembre 30, 2023. Walong bala ng kanyon ang pinakawalan para patamaan ang lugar na pinagpapahingahan noon ng isang yunit ng BHB. Matapos ang pambobomba, nakasagupa ng BHB ang mga tropa ng 3rd Special Forces Company kung saan dalawang korporal, isang sarhento at isang Private First Class ang iniulat na napatay.

Walang patumanggang pambobomba, perwisyo sa mga Agusanon at Surigaonon