Ayaw ng mga Ivatan sa Balikatan

,

Noong Abril 8, nagpaskil ng mahinahong paalala ang lokal na gubyerno ng Batanes sa lahat ng mga bisita sa prubinsya na bigyang kunsiderasyon ang kanilang mga alagang hayop habang namamasyal sila sa isla. Paalala nila, iwasang gulatin ang mga hayop na nasa pastuhan at pabayaan sila sa mga daan at pook-pasyalan para di sila maligalig. Isa ang Batanes sa mapayapa at kaaya-ayang lugar sa Pilipinas na dinadayo ng mga turista.

Pero sa darating na Abril 25 hanggang Mayo 9, higit pa sa gulat at ligalig ang dadanasin ng mga Ivatan at kanilang mga alaga. Sa pangalawang pagkakataon, isasagawa dito ang Balikatan na lalahukan ng libu-libong tropang Amerikano. Dadalhin sa isla ng Batan ang daan-daang sasakyang panghimpapawid, barko at kanyon para isagawa ang mga mapandigmang maniobra tulad ng Military Free-Fall/Fast Re-Insertion and Extraction, Forward Refueling Point/Island Seizure, HIMARS Insertion at Reconnaissance and Island Seizure. Bilang pampalubag-loob, inatras ng US ang pagsasagawa ng live-fire exercises o pagpapaputok at pagpapasabog sa isla, matapos ireklamo ng mga residente ang malalakas na pagpapaputok nang idaos dito ang Balikatan noong nakaraang taon. Sa halip, isasagawa ng US ang mga maniobrang ito sa Mavulis, ang pinakahilagang isla ng bansa.

Bakit Mavulis?

Ang Mavulis Island, na bahagi ng Itbayat, Batanes, ay 128 kilometro lamang ang layo sa Cape Eluanbi, ang pinakatimog naman na parte ng isla ng Taiwan. Mas malapit na ito sa Taiwan kaysa Luzon. Ito na ang pinakadulong bahagi ng Pilipinas na maaaring tayuan ng US ng mga pasilidad militar, daungan at lagakan ng gamit-militar para maging lunsaran sa itinutulak nitong digma sa China.

Sa pagitan ng Mavulis at Orchid Island ng Taiwan ang masikip na Bashi Channel, isang importanteng internasyunal na lagusan na itinuturing ng US na isang estratehikong daanan ng mga barko nito mula sa Pacific Ocean tungong South China Sea. Matatagpuan dito ang 98% ng mga kableng pang-komunikasyon nakalatag sa ilalim ng dagat na nagdudugtong sa South at Southeast Asia sa buong mundo. Dumadaloy sa mga kableng ito ang lahat ng komunikasyong elektroniko, telepono at internet, kabilang ang maseselang impormasyong diplomatiko at militar.

Mula 2018, tuluy-tuloy ang pagtatayo ng mga pasilidad militar dito ng US, katuwang ang AFP, sa tabing ng “eksternal na depensa.” Sa kasalukuyan, nakatayo sa tuktok ng burol ng isla ang isang gusali, planta para sa water desalination o pag-alis ng alat sa tubig dagat, helipad o lapagan ng helikopter at parola. Noong Oktubre 2023, pinasinayaan ng AFP ang isang naval outpost dito na itinayo sa gilid ng burol.

Ligalig ng mga Ivatan

Dismayado ang mga Ivatan na muli na namang dudumugin ng mga Amerikanong tropa ang kanilang mga isla. Sa ligalig dulot ng inilunsad na Balikatan dito noong 2023, nag-panic buying ang mga residente nang malaman nilang libu-libong sundalong Amerikano ang dadating sa kanila. Mismong meyor ng Basco, kabisera ng prubinsya, ang nagsabing nananahimik at mapayapa ang isla, at di sila dapat ginugulo ng mga Amerikano.

Nitong taon, batid nilang binalaan na ng China ang Pilipinas na itigil ang paglahok sa maniobra ng mga pwersa ng US at ihinto ang panghihimasok sa internal na usapin ng Taiwan at China. Pero sa halip na makinig si Marcos at ang AFP, hinila pa nila ang bansa at ang buong mamamayan sa posibilidad ng isang armadong komprontasyon sa pagitan ng US at China.

Hindi pa nakuntento, gusto rin ng US, kasabwat ang rehimeng Marcos, na gawing pambala ng kanyon ang mga Ivatan sa pamamagitan ng pagtulak sa kanila na sumapi at maging reserba sa AFP. Ayon sa pinakahuling ulat, 109 na ang sinanay para sumalubong sa mga bomba o bala ng China oras na sumiklab ang gerang inuupat ng US.

Malaking gambala sa kabuhayan ng mga Ivatan ang Balikatan. Marami sa kanila ang hindi makapagsasaka at makapagpapalaot habang ginagamit ng mga tropang Amerikano ang kanilang mga sakahan, pastuhan, baybay at dagat sa mga ehersisyong militar sa lupa at dagat at pagpapakitang-gilas gamit ang mga kanyon, tangke at barkong pandigma. Ganito ang naging karanasan ng mamamayan ng Cagayan nang ilunsad ang Balikatan sa Claveria, Aparri, Calayan Island at Sta. Ana. Sa ngayon, iniinda nila ang kakaunting huli at bagsak na kabuhayan dahil sa El Niño.

Ayaw ng mga Ivatan sa Balikatan