2 magsasaka, magkasunod na pinaslang sa Masbate

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nitong Abril, dalawang magsasaka ang pinaslang sa Masbate. Sila ang ika-27 at ika-28 magsasakang pinatay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isla sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Dinukot ng apat na myembro ng CAFGU si Elorde Almario, 43, sa kanyang sakahan sa San Carlos, Milagros noong Abril 2. Natagpuan siyang patay ng kanyang mga kaanak sa araw din na iyon. Sa ulat ng kanyang pamilya, may mga tama ng baril at bakas ang tortyur na dinanas ng biktima sa kanyang bangkay.

Noon Abril 4, dinukot ng parehong grupo ng mga CAGFU si Nonong Monteseban, dating kapitan ng San Carlos. Matapos bugbugin, pinakawalan siya ng mga pasista dahil hindi umano siya ang hinahanap nila.

Noong Abril 11, pinatay ng AFP si Jimmy Pautan sa Sityo Tadloy, Barangay Luna, Placer. Katulad sa maraming kaso, pinalalabas ng AFP na Pulang mandirigma si Pautan na napaslang sa isang engkwentro.

Samantala, pinagbabaril ng mga elemento ng 4th IB si Jay-el Banay Maligday, isang estudyante sa Grace Mission College at residente ng Sityo Soryawon, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro noong Abril 7. Pinalabas ng militar na kasapi siya BHB matapos lusubin ng isang platun ng mga sundalo ang kanyang bahay.

Pagdukot. Dinukot at hanggang ngayon ay di pa inililitaw ng mga ahenteng militar si William Lariosa, batikang organisador ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao. Dinukot si Lariosa, 63, noong Abril 10 sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon. Matagal nang pinag-iinitan ng militar si Lariosa at kanyang pamilya kung kaya nagsangtwaryo siya sa Bukidnon.

Tangkang pagpapalayas. Nasugatan at hinimatay ang isang lokal na residente ng Lupang Tartaria sa Silang, Cavite noong Abril 16 nang nagpumilit ang mga gwardya mula Jarton Security Services na pasukin ang komunidad ng mga magsasaka.

Sumugod at nakipagtulakan ang mga gwardya sa Tartaria sa layuning bakuran ang lupa. Ang naturang mga gwardya ay nagsisilbing private goons ng tambalang Ayala-Aguinaldo, na matagal nang umaangkin sa naturang lupa. Anang mga magsasaka, iligal ang ginagawang pagbabakod habang nakabimbin pa ang desisyon sa pagmamay-ari ng lupa sa Department of Agrarian Reform at sa Korte Suprema.

Demolisyon. Iligal na dinemolis ng pinagsamang mga pwersa ng National Housing Authority at pulis ng Quezon City ang kabahayan sa San Isidro, Quezon City noong Abril 18. Nasa 700 pamilya ang apektado ng demolisyon sa komunidad na nasa likod ng Philippine Children’s Medical Center. Nakatakdang tayuan ng parking lot ang naturang lugar.

2 magsasaka, magkasunod na pinaslang sa Masbate