Ginagawang larangan ng gera ng mga Amerikano ang Pilipinas

,

Libu-libong tropang Amerikano at kanilang mga sasakyan ang dumaong sa bansa bago pa magsimula ang Balikatan. Di bababa sa 400 sasakyang militar mula sa hedkwarters ng Indo-Pacific Command ng US sa Hawaii ang idiniskarga ng malalaking barko sa Subic Bay noong Marso. Noong Abril 1, isinagawa ng US ang mga maniobrang kombat sa karagatan ng Pilipinas kasama ang mga barkong pandigma ng Australia at Japan at maliit na barko ng Pilipinas. Sa sumunod na mga araw, ipinagmalaki pa ng US ang mga unilateral na live-fire exercises (pagpapasabog ng mga misayl), pagpapalipad ng mga jetfighter at iba pang maniobrang militar sa loob ng kahanginan at karagatan ng bansa.

Noon ding Abril 1, sinimulan ang 5-araw na pulong militar sa Camp Aguinaldo kung saan ibinahagi ng AFP sa militar ng US ang maseselan at internal na mga usaping panseguridad ng Pilipinas sa tinawag na kauna-unahang “Information Warfare Exercise.”

Magkasabay na binuksan ang tatlong malalaking war games noong Abril 8: ang Cope Thunder sa mga paliparan sa Central at Northern Luzon; MAREX 2024 sa Maguindanao del Norte; at Salaknib 2024 sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Sa unang mga paglulunsad ng Balikatan noong dekada 1990, isa itong bilateral o dalawang panig na “pagsasanay militar” para sa “inter-operability” o pagdudugtungan ng armadong hukbong US at papet na AFP. Pero mula nang “pumihit” ang US sa Asia, ibinukas ito ng US, at ang soberanong teritoryo ng Pilipinas, sa ibang dayuhang tropa. Sa darating na Balikatan, 14 na ibang bansa (Brunei, Canada, France, Germany, Great Britain, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Republic of Korea, Singapore, Thailand at Vietnam) ang lalahok at magmamasid sa pakitang-gilas ng US.

Sa gayon, nagsisilbi ring isang malaking palabas ng mga armas ang Balikatan at iba pang war games ng US kung saan ipinamamalas nito ang mga sandatang gawa ng monopolyong mga Amerikanong kumpanyang militar. Ngayong taon, ginawa ng US na bahagi ng Balikatan ang operasyon ng inilalako nitong gawang-Israel na missile defense system.

Ginagawang larangan ng gera ng mga Amerikano ang Pilipinas