Kambal na kapahamakan sa Laguna de Bay

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynonIloco

Pinapanday ngayon ng mga komunidad sa palibot ng Laguna de Bay ang kanilang pagkakaisa para harapin ang banta ng kapahamakang ihahatid ng kambal na proyektong Laguna Lakeshore Road Network Project (LLRNP) at Laguna Lake Floating Solar Project. Nangangamba ang mga mangingisda at residente sa ibubunga nitong pagkasira sa kalikasan at kabuhayan, at pagyurak sa kanilang mga karapatan.

Ang Laguna de Bay, o Laguna Lake, ay ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas at pangatlong pinakamalaking tubig-tabang na lawa sa Southeast Asia. Mahalaga ito para sa irigasyon, pangingisda, at suplay ng tubig sa rehiyon. Pinangangasiwaan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang “pagpapaunlad” sa lawa.

LLRNP, tulak ng ADB

Tulad sa ibang magagarbong proyektong imprastruktura, popondohan ang LLRNP ng pautang mula sa Asian Development Bank (ADB), bangkong itinatag ng Japan para daluyan ng sobrang kapital nito. Isa ito sa pinakamalalaking proyektong lalagakan ng “official development assistance” ng ADB sa bansa.

Maglalatag ang LLRNP ng 37.4 kilometrong expressway o malawak na kalsada sa embankment (malapit sa baybay) ng lawa. Magsisimula ang daan sa Lower Bicutan, Taguig City at magtatapos sa Calamba City, Laguna. Liban dito, itatayo rin ang 6.1 kilometrong “connecting roads” dito at 7.3 kilometrong mga “interchange road” at “slip road.” Gagastos ito ng ₱174.3 bilyon.

Noong Hunyo 20, iniulat ng Department of Public Works and Highways na 97% kumpleto na ang detalyadong disensyo ng LLRNP. Nakipagpulong na rin noong Hunyo ang rehimeng Marcos sa Export-Import Bank of Korea, katuwang ng ADB, na siyang popondo sa isang bahagi ng proyekto (7.94 kilometrong daan mula Lower Bicutan hanggang Alabang).

Laguna Lake Floating Solar Project

Sa tabing ng paglikha ng “renewable” o malinis na enerhiya, itinutulak ngayon ang Laguna Lake Floating Solar Project. Sasaklaw sa 2,000 ektarya ng lawa ang paglalatag ng mga solar panel sa bahagi ng mga syudad ng Calamba, Santa Rosa at Cabuyao, at sa mga bayan ng Bay at Victoria. Tinatayang aabot sa 10,000 mangingisda at iba pang residenteng nakasalalay sa lawa ang mapagkakaitan ang maapektuhan.

Ibinigay ng LLDA ang mga kontrata sa pagtatayo ng solar panel sa AC Energy Corporation ng mga Ayala (800 ektarya), sosyohan ng SunAsia Energy Inc at Blueleaf Energy (1,000 ektarya), at sa kumpanyang Singaporean na Vena Energy (200 ektarya). Sa taya ng mga kumpanya, aabot sa kabuuang 2.57 gigawatts ng kuryente ang lilikhain ng mga ito.

Noong Hunyo, binigyan ng Department of Energy ang SunAsia ng sampung tig-25 taong kontrata para sa operasyon nito. Ayon sa kumpanya, sisimulan nito ang konstruksyon ng proyekto sa susunod na taon at bubuksan para sa komersyal na operasyon sa 2026.

Ang mga kumpanyang ito, na karaniwang kasosyo ang dayuhang mga kumpanya dahil walang kakayahan ang bansa na lumikha ng solar panel, ay nagbubuhos ngayon ng napakalalaking pondo para sa “renewable” na enerhiya.Tumatabo ng kita ang mga burgesyang kumprador at mga dayuhang kumpanya para sa pakitang-taong pagtataguyod ng “malinis” na enerhiya sa bansa.

Malawakang pagkasira

Magdudulot ng malawakang pagkasira sa Laguna de Bay ang dalawang proyekto. Sisirain at posibleng lasunin ng mga operasyong dredging ng LLRNP ang tubig, mga hayop at halaman sa lawa. Pinangangambahang masisira nito ang mga kritikal na habitat at magdudulot ng madalas na pagbaha laluna sa panahon ng malalakas na pag-ulan.

Ganito rin ang epekto ng mga solar panel na itatayo. Maaapektuhan nito ang kalidad ng tubig at balanse ng kalikasan ng lawa laluna at haharangan nito ang pagtama ng sinag ng araw sa katubigan.

Nariyan rin ang pangamba ng mga residente na posibleng mapalalayas hindi lamang sa baybay ng lawa, kundi pati sa mga komunidad kung saan ilalatag ang mga “access road” ng LLRNP. Haharangan naman ng mga solar panel ang daanan ng mga bangka at sasakupin maging ang mga daungan ng mga mangingisda.

Sa harap ng mga ito, sunud-sunod na mga aktibidad tulad ng mga porum, konsultasyon at pagtitipon ang isinagawa ng Save Laguna Lake Movement at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Bay sa nagdaang mga linggo para pigilan ang banta ng dalawang proyekto. Iginigiit nilang ihinto na ang mga proyekto.

Kambal na kapahamakan sa Laguna de Bay