Mga martir ng Pantabangan at Tuy, pinarangalan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynonIloco

Kinilala at pinarangalan ng rebolusyonaryong kilusan ang mga namartir na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa naganap na mga sagupaan sa Pantabangan, Nueva Ecija at sa Tuy, Batangas.

Nabuwal ang sampung Pulang mandirigma at kumander ng BHB-Central Luzon sa depensibong labanan sa 84th IB sa Barangay Malbang, Pantabangan noong Hunyo 26.

Kinilala ang mga namartir na sina Hilario Guiuo (Ka Berting/Tonyo), Harold Menosa (Ka Luzon), Marian Castro (Ka Lunti), Archie Arceta (Ka Soral/Teo), Asaze Galang (Ka Shyla/Cha), Pepito Bautista (Ka Dylan), Noel Bedonia (Ka Eric/Tagumpay), Noel Bedonia Jr (Ka Angel), Reynan Mendoza (Ka Mel), at Angelika Villalon (Ka Molly). Nagmula sila sa iba’t ibang henerasyon at uri, sa hanay ng mga magsasaka, mala-manggagawa, tsuper, taong-simbahan, at kabataang-estudyante.

Sa Batangas, pinagpugayan ng rebolusyonaryong kilusan ang pagbubuwis ng buhay nina Gladys Cassandra Mendoza (Ka George/Gabriela Saka), Jethro Royce Magtira (Ka Alex) at Jian Markus Tayco (Ka Reb) sa labanan sa Barangay Bolbok, Tuy noong Hunyo 23.

Sa dalawang labanan, matapang na hinarap ng mga martir ang mga kaaway at buo ang paninindigang tinanganan ang armas hanggang huling hininga.

Kinundena naman ng mga grupo sa karapatang-tao ang paglapastangan ng mga sundalo sa mga bangkay ng mga mandirigma. Walang-galang na ipinakalat ng militar sa social media ang mga larawang nagpapakita sa mga bangkay. Kumaharap din sa panggigipit mula sa militar ang mga kaanak, kaibigan at grupo sa karapatang-tao habang inaasikaso ang pagbawi sa mga bangkay ng napaslang.

Mga martir ng Pantabangan at Tuy, pinarangalan