Delubyong hatid ng mga teroristang operasyon ng AFP sa Central Luzon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynonIloco

Malawak na pinsala sa sibilyang magsasaka, manggagawang-bukid, at maging mga bata ang iniwan ng malawak at sunud-sunod na mga teroristang operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga prubinsya ng Aurora, Nueva Vizcaya, at Nueva Ecija noong Mayo at Hunyo.

Umaapaw na dahas at kawalang-pakundangan sa internasyunal na makataong batas ang ipinamalas ng mga pasistang sundalo. Mga sibilyan ang pinagbuntunan ng AFP ng kanilang galit matapos ang sagupaan sa pagitan ng 72nd Division Reconnaisance Company at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Mayo 20 at 21 sa mga liblib na bahagi ng Dipaculao sa Aurora, at Mayo 29 sa Maria Aurora, hanggang sa madugong pagpaslang sa 10 Pulang mandirigma sa Pantabangan, Nueva Ecija noong Hunyo 26. Walang patumangga ang ginawang pagpapaulan ng bala at bomba sa Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya noong Hunyo 20.

Nagsimulang ipinailalim ang Aurora sa FMO noong 2021. Ayon sa mga residente, iba’t ibang porma ng paglabag sa karapatang-tao ang kanilang dinanas sa nagdaang mga buwan, mula sa pekeng pagpapasuko na anila’y paraan para makakubra ang militar at mga lokal na pulitiko ng pondo, pambabastos sa kababaihan, at pagpapatupad ng mga paghihigpit sa kilos maging sa pagsasaka.

Higit na umigting ang mga paglabag na ito ilang linggo bago ang engkwentro noong Mayo 20 at nagpatuloy hanggang katapusan ng Hunyo sa ilan pang mga barangay. Nagpatupad ng mga tsekpoynt, karpyu, paghahalughog, interogasyon, at iba pang taktika ang militar. Pinakamabigat ang ginawang pagbabawal sa pagsasaka lalo ng maliliit na magsasakang walang lupa na nagkakaingin sa kabundukan ng Dipaculao at Maria Aurora.

Dahil sa operasyong miltiar, pwersahang napalikas ang umabot sa 2,500 indibidwal noong Mayo.

Anang mga residente, lumipas ang isang panahon ng taniman na wala silang natanim o nasaka. Apektado maging ang mga manggagawang-bukid na naghahakot ng niyog at gulay dahil sa limitasyon sa paggalaw na ipinatupad ng AFP. Bunsod nito, nadoble pa umano ang hambalos ng El Niño sa kabuhayan nila.

Lansakang pag-atake

“Overkill” na maituturing hindi lamang ang pagpapapakat ng laksa-laksang sundalo sa mga bayan ng Dipaculao at Maria Aurora, kundi ang paggamit ng dalawang attack helicopter at iba pang sasakyang panghimpapawid.

Kalakhan ng mga bomba ay nahulog sa mga kabundukan na tila wala naman talagang pinupuntirya, kwento ng mga residente. Samantala, tumama sa mga kabahayan, palayan, at maging sa mga alagang hayop ng mga residente ang mga balang ginamit sa istraping.

Para pagtakpan ang kanilang krimen, mabilis na tinapalan ng mga sundalo ang mga nasirang bubong bunsod ng istraping, pero walang ibinigay na anumang kumpensasyon para sa pinsalang dulot ng mga operasyon sa kanilang kabuhayan. Hinuha ng mga residente na kahit desperado ang militar na itago ang ebidensya ng kanilang terorismo, litaw pa rin ang kawalang pakialam nito sa pinsalang iniwan ng kanilang mga operasyon sa mga tanim at alagang hayop.

Takot ang ipinakalat ng mga operasyong militar, lalo na sa mga batang biktima. Ayon sa mga magulang, hindi na nakapasok sa eskwelahan ang kanilang mga anak dahil sa suspensyon ng klase dulot ng mga operasyon.

Posibleng pakikisangkot ng tropang Kano

Samantala, patuloy pang sinusuri ang mga ulat ng ilang saksi na sangkot ang mga tropang Amerikano sa madugong engkwentro noong Hunyo 26 na kumitil sa buhay ng 10 Pulang mandirigma sa Pantabangan, Nueva Ecija.

Sa inisyal na ulat ng mga saksi, may ilang tropang Amerikano umanong kasama ang 84th IB sa engkwentro sa Pantabangan. Hindi naklaro kung ano ang naging papel ng mga dayuhang tropa, pero posible umanong mula sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija—na isa sa siyam na “agreed locations” na pinapagamit ng reaksyunaryong gubyerno sa US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)—ang nasabing mga dayuhang sundalo. Aabot lang sa isa’t kalahating oras na byahe ang layo ng Fort Magsaysay sa Pantabangan.

Delubyong hatid ng mga teroristang operasyon ng AFP sa Central Luzon