Sunggaban ang krisis pampulitika sa ilalim ng rehimeng US-Marcos

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynonIloco

Mabilis na tumitindi ang hidwaan at tunggalian sa pagitan ng magkakaribal na pangkatin ng naghaharing uri sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Lalong natambad sa mata ng mamamayan ang labis na kabulukan ng naghaharing sistemang pampulitika na kinatatampukan ng girian, bangayan at pag-aagawan sa poder ng mga reaksyunaryong partidong kumakatawan sa interes ng iilang tiwali at pasistang pulitiko na pawang tuta ng mga imperyalistang dayuhan.

Hayagan nang nagbabangayan at nagbabanggaan ang kapwa sugapa-sa-kapangyarihan, gahaman at pasistang pangkating Marcos at Duterte. Madaling nalusaw ang kanilang oportunistang “uni-team.” Taliwas sa pangakong akomudasyon, kaagad nagmaniobrahan at nagsikuhan ang magkaribal na pangkat sa layong palawakin ang kani-kanilang impluwensya at kontrol sa kapangyarihan at dambong na yaman, at ietsapwera ang kanilang karibal.

Sa isang panig, halos pagkaupo pa lamang bilang bise-presidente at matapos pagkaitan ng pagkakalihim sa Department of Defense, kaagad ginapang ni Sara Duterte ang mga heneral ng militar at pulis upang igiit ang kanyang impluwensya. Sa kabilang panig, sinarili ng pangkating Marcos ang mga susing pusisyon sa burukrasya, militar at kongreso. Ang mga kontrata ng gubyerno na hawak ni Duterte, laluna ang malalaking imprastrukturang pinondohan ng China, ay ibinasura ni Marcos, pabor sa kanyang mga kroni, at pabor sa mga pautang at pamumuhunan ng Japan at US.

Lalong lumala ang hidwaan ng magkaribal na pangkatin nang tahasang nanawagan ang kampong Duterte ng pag-aaklas sa loob ng militar at pulis, pagpapakalat ng bantang asasinasyon, at pagsakay nito sa malawakang pagtutol ng mamamayang Pilipino sa tangka ng kampong Marcos na ilusot ang iskemang “chacha” (charter change o pagbabago sa konstitusyon). Upang sawatain ang kanyang karibal, ginagamit ni Marcos ang bantang payagan ang International Criminal Court na kunin at litisin si Duterte at kanyang mga kasapakat, at ang pagpapaaresto sa kanyang tau-tauhang si Apollo Quiboloy. Suot ni Marcos ang huwad na maskara ng “Bagong Pilipinas” at pagtataguyod sa “pagkakaisa.” Ang totoo, naghahanda ngayon si Marcos na humantong sa madugong salpukan ang hidwaang ito.

Pinormal lamang ng pagbitiw ni Sara Duterte sa gabinete ang ganap na pagkabiyak ng dating bumubuo ng “uni-team,” na sila ngayong pangunahing nagriribalang paksyon ng naghaharing uri. Lubos ngayong dinodominahan ng pangkating Marcos ang pulitika ng naghaharing sistema, kontrol sa burukrasya, kongreso at mga korte, at mga armadong galamay nito. Labis nang naagnas ang lakas at impluwensya ng ibang mas maliliit na pangkatin at partido ng naghaharing uri, na marami ay nagpailalim o nakikipagtulungan na kay Marcos. Matapos hagisan ng kaunting mumo, tila nakaligtaan na nila ang malawak na pandaraya at paghahasik ng karahasan ng mga Marcos (kasabwat ang mga Duterte) para muling angkinin ang Malacañang.

Inilalantad ng bangayan at girian sa poder ng mga nagriribalang pangkatin ng naghaharing uri ang labis na bulok na reaksyunaryong sistema sa bansa. Na ang dalawang pangunahing pangkatin ay binubuo ng mga dinastiyang pinakamasahol sa korapsyon, pasismo, pagpapahirap sa masa at pagtatraydor sa bayan, ay malinaw na nagpapakita na ang hidwaang ito ay magsisilbi lamang sa kani-kanyang interes na magkamal ng yaman at kapangyarihan, at magdadala ng higit na pagdurusa sa malawak na masa ng sambayanan. Bahaging sinasalamin din ng sigalot na ito ang hidwaan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan—ang US at China, partikular na ang pagtatangka ng China na magpalakas ng impluwensya sa bansa, at hamunin ang dominasyon at kontrol ng US.

Ang mabilis na paglala ng hidwaan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte, ay tanda ng lalim at sidhi ng krisis sa ekonomya ng naghaharing sistema, na tuwirang nakakawing sa hindi malutas na istagnasyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Dahil sa krisis, paliit nang paliit ang yaman, kapangyarihan at pribilehiyo na pwedeng mapaghati-hatian ng iba’t ibang pangkatin ng naghaharing uri. Ang mga dinastiyang ito’y pawang gutom at hayok, at hindi pinalalampas ang anumang saglit na ibulsa at angkinin ang lahat ng pwede nilang sakmalin habang sila ang nasa kapangyarihan.

Tiyak na lalong magiging maapoy at madugo ang salpukan ng mga magkakaribal na ito sa darating na reaksyunaryong halalan sa Senado, Kongreso at mga lokal na gubyerno sa darating na 2025. Ngayon pa lamang, ginagamit na ni Marcos ang pondo ng gubyerno para umikot sa buong bansa at bilhin ang katapatan ng mga lokal na upisyal sa tabing ng pamimigay ng ayuda at iba’t ibang programa. Ginagamit din ni Marcos ang mga armadong galamay ng estado para supilin ang mamamayang lumalaban at sinumang humahamon sa kanyang paghahari.

Ang krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos ay nagbubukas ng pagkakataon para sa pambansa-demokratikong kilusan na ilantad ang bulok na pampulitikang sistema. Nagbubukas rin ito ng pagkakataon para hamunin ng hayag na kilusang masa ang reaksyunaryong halalan, itaguyod ang mga lider ng iba’t ibang demokratikong sektor na kumakatawan sa pulitikang pambayan, ilantad at ihiwalay ang elitista at reaksyunaryong pulitika, at ilaban na maiupo sa Mababang Kapulungan at Senado ang mga kinatawang magtataguyod ng pambansa at demokratikong adhikain ng bayan.

Ang paghamong ito ay tiyak na magkakamit ng malalaking tagumpay sa pamamagitan ng pagkakawing nito sa malawakang pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Sa mga darating na buwan, dapat ubos kayang isulong ang mga pakikibakang masa laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, malawakang pangangamkam ng lupa at kabuhayan, pasistang panunupil sa kanayunan at kalunsuran, malawakang pagwasak sa kapaligiran, kawalan ng hanapbuhay laluna sa malawak na hanay ng kabataan, mababang sahod at sweldo, gayundin, kontra sa ginagawang pagpapakaladkad ng Pilipinas sa inter-imperyalistang sigalot na inuudyukan ng US.

Ang sagad-sa-butong kabulukan ng reaksyunaryong pulitika sa ilalim ng pahirap, pasista at papet na rehimeng Marcos ay nagbubukas ng mainam na pagkakataon para pukawin, organisahin at pakilusin ang sambayanang Pilipino sa pangangailangang bagtasin ang landas ng pambansang demokrasya. Ibayong umiinam ang sitwasyon upang ilinaw sa sambayanang Pilipino na ang dinaranas nilang pagdurusa, kaapihan, hirap at gutom ay malulutas lamang kung wawakasan ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan para kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.

Sunggaban ang krisis pampulitika sa ilalim ng rehimeng US-Marcos