Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynonIloco

 

Hindi kaibigan ng mga Pilipino ang imperyalistang US. Nagprotesta ang mga kabataang Pilipino sa pangunguna ng Youth for Justice and Peace noong Hulyo 4, “Filipino-American Friendship Day,” malapit sa embahada ng US sa Maynila. Kinundena nila ang gerang agresyon ng US sa Asia-Pacific at ang patuloy na pagkubabaw nito sa Pilipinas.

RIMPAC, salot sa mamamayan. Mahigit 600 aktibista mula sa International Cancel RIMPAC Campaign ang nagmartsa sa San Diego, California sa US noong Hunyo 30 para ipanawagan ang pagkansela sa Rim of Pacific war games na nagaganap sa Hawai’i at mga karagatan nito mula Hunyo 27 hanggang Agosto 2. Isang araw bago nito, inilunsad nila ang Cancel Rimpac 2024 Summit.

Banta ng welga sa Nexperia. Nagsampa ng Notice of Strike (NOS) ang mga manggagawa sa ilalim ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union noong Hunyo 26 sa National Conciliation and Mediation Board Region IV-A sa Calamba, Laguna. Kasabay nito, nagsawaga ng rali ang mga manggagawa. Nagdesisyon ang unyon na maghain ng NOS dahil sa hindi makataong mga kundisyon sa paggawa at paglabag ng maneydsment sa collective bargaining agreement.

Pamumudmod ni Marcos Jr ng ayuda sa Negros, kinutya. Sinalubong ng protesta ng mga progresibong grupo ang pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr at kanyang asawa na si Liza Araneta Marcos sa Bacolod City noong Hunyo 26. Nakatakda noon si Marcos na mamudmod ng ₱10,000 sa higit 8,000 magsasakang apektado ng El Niño sa Negros Occidental. Tinawag ng mga raliyista na “band-aid” sa mga problema sa Negros ang kakarampot na ayuda at ang pamamahagi nito bilang “pogi points” ng mga Marcos.

Ika-4 na taon ng Anti-Terrorism Act. Nagtungo sa Department of Justice ang Bayan noong Hulyo 3 para igiit ang pagbasura sa lahat ng mga batas kaugnay sa terorismo at pagpopondo ng terorismo na isinampa ng kagawaran laban sa mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao gamit ang mga ito. Itinaon ang pagkilos sa ika-4 na anibersaryo ng mapanupil na ATA.

Ika-30 anibersaryo ng Stonewall Manila. Ginunita ng grupong Bahaghari noong Hunyo 26 ang ika-30 anibersaryo ng Stonewall Manila, ang kauna-unahang martsa na pinangunahan ng mga bakla at lesbyana sa Pilipinas at sa buong Asia. Hango ang okasyon sa Stonewall Riots na naganap sa New York noong 1969 na itinuturing na susing pangyayari sa pagbwelo ng kilusan para sa mga karapatan ng mga nasa komunidad ng LGBT. Iba’t ibang aktibidad rin ang inilusad ng mga grupong LGBT noong huling linggo ng Hunyo bilang pagdiriwang sa buwan ng Pride at pagtatanggol laban sa diskriminasyon sa sektor.

Mga protesta