3 sibilyan, pinaslang ng AFP sa Bicol

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynonIloco

Sa loob lamang ng isang linggo, tatlong sibilyan ang pinaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sorsogon at Masbate sa Bicol. Dalawa sa mga biktima ay pinalalabas na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napaslang sa mga engkwentro.

Sa Sorsogon, pinagbabaril ng mga sundalo ng 31st IB si Niño Henera habang nakaupo sa tabing-kalsada sa Barangay Trese Martires, Casiguran noong Hunyo 26 ng alas-10 ng gabi. Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng hanggang 10 putok ng baril bago nakitang nakahandusay ang bangkay ng biktima.

Sa bayan ng Donsol, pinagbabaril at napatay ng parehong yunit militar ang 39-taong gulang na si Arnel Esperitu noong Hunyo 20, alas-4 ng madaling araw. Naglalakad lamang siya malapit sa hinihimpilan ng mga sundalo sa sentro ng Barangay Gogon nang siya’y barilin.

Para takasan ang pananagutan, kaagad na pinuntahan ng mga sundalo ang kaanak ng biktima para takutin at pagbantaan para huwag magsampa ng reklamo. Matapos nito, nagkampo ang 31st IB sa evacuation center ng Barangay Gogon.

Sa Masbate, pinaslang ng mga sundalo si Boyet Rodrigo sa Barangay Miabas, Palanas noong Hunyo 23. Ayon sa mga residente, ipinatawag si Rodrigo ng mga sundalong nagpanggap na mga mandirigma ng BHB sa isang abandonadong bahay at doon pinagbababaril. Nakumpirma nilang mga sundalo ng AFP ang mga ito nang pinagbantaan ang mga upisyal ng barangay na papatayin kung hindi pipirma sa kasulatang nagpapatotoong may engkwentrong naganap sa lugar.

Pambobomba. Muling nambomba at nag-istraping ang mga sundalo ng AFP sa mabundok na bahagi ng Barangay Cambitala, Pantabangan, Nueva Ecija noong Hulyo 4. Inilagay nito sa panganib ang dalawang sibilyan at lubhang naapektuhan ang kabuhayan ng masa sa lugar. Labis na troma at takot ang idinulot nito sa mga komunidad.

3 sibilyan, pinaslang ng AFP sa Bicol