4 katao, pinaslang ng AFP
Tatlong hors de combat at isang matandang magsasaka ang walang kalaban-labang pinatay ng militar sa nagdaang mga linggo. Walo naman ang inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal.
Sa Negros Occidental, dinampot ng 15th IB ang 69-anyos na magsasakang si Ramon Enseniales, dinala sa gubat, at sadyang pinaslang noong Hulyo 29 sa Sityo Pasto, Barangay Basak, Cauayan.
Dalawang hors de combat na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros ang pinaslang rin ng 15th IB sa Barangay Camindangan, Sipalay City sa naturang prubinsya. Noong Hulyo 29, dinakip ng 15th IB ang 23-anyos na Pulang mandirigma na si Reggie Fundador (Ka Tata) sa Sityo Badyang. Kinabukasan, nakita na lamang ang bangkay niya sa daanan sa Crossing Magtanday, Barangay Camindangan. Kitang-kita sa kanyang bangkay ang mga bakas ng tortyur. Noong Agosto 1, pinaslang ng 15th IB ang hors de combat na si Alvin Lumagsao Sinsano (Ka Zian) sa Sityo Cambuguiot sa parehong barangay.
Sa Rizal, sadyang pinaslang matapos dakpin ng 80th IB si Wally Agudes (Ka KM) noong Hulyo 18 sa Barangay Burgos, Rodriguez. Si Ka KM ay mayroong sakit na malalang trangkaso na dahilan ng kanyang pananatili sa komunidad.
Pag-aresto. Iligal na inaresto at tinorytur ng mga pwersa ng estado ang apat na organisador ng mga magsasaka na sina Maria Theresa Buscayno, Desiree Jaranilla Patuñ-og, Andres Ely, at Oliver Millo noong Hulyo 29 ng gabi. Dinampot sila habang bumibyahe sa Jose Abad Santos Avenue sa Mexico, Pampanga.
Sinampahan sila ng mga kasong illegal possession of firearms and explosives. Pinalalabas na nakumpiska sa kanila ang iba’t ibang mga armas at granada. Nakakulong sila ngayon sa San Fernando, Pampanga.
Noong Hulyo 11, inaresto ng 203rd IBde ang sityo lider ng Sityo Lukban, Barangay Panaytayan, Mansalay sa Oriental Mindoro na si G. Itaw Ramunyan. Idinadawit siya sa naganap na labanan ng isang yunit ng 203rd IBde at BHB sa naturang sityo noong umaga ng araw na iyon.
Ilang araw matapos nito, inaresto’t ikinulong ng mga sundalo ang dalawa pang Mangyan-Hanunuo kasama ang dalawa nilang pasahero habang nasa byahe sa Sityo Tambangan, San Roque, Bulalacao.
Sa Rizal, inaresto rin noong Hulyo si Laila Ramos, isang organisador ng katutubong Dumagat-Remontado.
Demolisyon. Marahas na dinemolis ng mga tauhan ng kumpanyang Megaland Prime Estate Corporation ang tinaguriang Donald Compound sa FB Harrison St sa Pasay City noong Agosto 1. Winasak ng demolition team ang 40 kabahayan kung saan nakatira ang 500 residente.
Dinampot ng mga pulis noong Agosto 3 ang aktibistang si Benedict Macabenta na nasa lugar para sumuporta sa mga residente. Tinapakan siya ng mga pulis at pinagsusuntok sa mukha.
Sa Quezon City, hindi bababa sa tatlong kababaihang residente ng King Christian St, Barangay Bagbag, Novaliches ang nasugatan noong Hulyo 28 sa pagtutol nila sa iligal na pagbabakod at demolisyon sa kanilang komunidad. May 30 mga trabahador at maton ni Roberto Collantes, nang-aagaw ng lupa, ang inutusan na gibain ang mga bahay sa lugar.
Panggigipit. Sinampahan ng kasong pagpatay at pinaratangan na myembro ng BHB ang tatlong kagawad ng midya at isang upisyal sa impormasyon ng lokal na gubyerno sa Masbate noong Hulyo. Isinagawa ito matapos nilang magsampa ng 11 kaso ng pandarambong laban kay Gov. Antonio Kho ng Masbate at sa kanyang mga tauhan noong Marso 25 hinggil sa korapsyon sa mga lokal na proyekto sa prubinsya.
Sa Quezon City, tinutukan ng baril at pinagbantaan ang organisador ng manggagawa na si Grace Villota sa University of the Philippines-Diliman noong gabi ng Hulyo 22.