Korapsyon at pasismo ang mukha ng SBDP ng NTF-Elcac sa Northern Samar
Panahon na naman ng pagdinig ng pambansang badyet sa Kongreso. Tulad ng inaasahan, bilyun-bilyong piso na naman ang hinihingi ng National Task Force (NTF)-Elcac para sa programa nitong Support to the Barangay Development Program (SBDP). Sa isinumiteng National Expenditure Program noong Hulyo 28, naglaan si Ferdinand Marcos Jr ng ₱7.8 bilyon para sa pasistang ahensya. Noong nakaraang taon, tumanggap ito ng ₱2.16 bilyon para sa 864 “cleared” na mga barangay. Taliwas sa pangakong pauunlarin ang buhay ng mga magsasaka (para diumano ay hindi na sumuporta sa armadong pakikibaka), nananatiling hikahos ang masa at lalo pang api dahil ginamit ng pasistang militar ang SBDP na pantabing sa lalong pagpapahirap sa taumbayan.
Pagdurusa sa Barangay Hitapi-an
Isa sa mga barangay na kabilang sa SBDP ng NTF-Elcac ang Hitapi-an sa Catubig, Northern Samar, na tumanggap ng ₱20-milyong pondo noong 2021. Dalawa pang barangay sa Catubig (Osang, Nagoocan) ang kasama sa SBDP ng NTF-Elcac sa taong iyon.
Kabi-kabila ang naging mga pangakong kalsada (farm-to-market road o FMR), klasrum, programang pangkabuhayan at ayudang pampinansya sa mga residente kapalit ng kanilang “pagbawi ng suporta” sa Bagong Hukbong Bayan. Kabilang dito ang proyektong “pastry” (pagtitinapay), at pag-aalaga ng kambing at pato. Pero pagkatapos ng tatlong taon, pumalpak ang lahat ng ito. Sa Osang, natengga lamang ang itinambak na mga makina sa pananahi dahil wala naman silang tinanggap na order sa pananahi.
Isinisi ng 20th IB at NTF-Elcac ang mga kapalpakang ito sa “kawalang pagsasanay” ng mga residente at kawalan ng paunang pag-aaral na diumano’y dapat inihanda ng lokal na gubyerno. Sagot ng lokal na mga upisyal, hindi naman sila kinonsulta nang planuhin at unang ipatupad ang naturang mga proyekto.
Inabot ng halos apat na taon bago natapos ng NTF-Elcac ang pagsesemento sa 400-metrong kalsada sa Hitapi-an. Pangita ng kawalan ng maayos na plano, ginawa ito ng mga sundalo sa gitna ng palayan na sumira sa mga sakahan. Nagkakahalaga ang proyekto ng tumataginting na ₱14 milyon, o ₱35,000 kada metro ng kalsada. Malayong mas mahal ito kahit sa katulad na mga FMR ng ahensya sa ibang rehiyon, indikasyon ng malaking anomalya. Malala, umabot lamang ang kalsada sa dulo ng kanugnog na barangay at malayong-malayo sa “market” o sentro ng komersyo. Inilalarawan pa ring “maputik, malayo at nasa gitna ng palayan” ang byahe mula sa sentro ng Catubig hanggang Hitapi-an. Kasunod na planong gawin ng AFP ang pagtatayo ng evacuation center, sinasabing pinakamalaki sa bayan, kahit hindi ito prayoridad ng barangay.
Ipinailalim ang Hitapi-an at ang klaster ng mga barangay na target ng SBDP sa Retooled Community Support Program (RCSP) ng 20th IB. Naging rekisito sa mga residente na “sumurender” bago makatanggap ng mga benepisyo. Ipinailalim ang baryo sa mahigpit na paghaharing militar. Mula Enero 2021 hanggang Hunyo 2024, nakatala ang Ang Bayan ng hindi bababa sa 26 kaso ng seryosong mga paglabag sa karapatang-tao sa buong Catubig. Kabilang dito ang ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, walang pakundangang pamamaril at intimidasyon. Partikular sa Hitapi-an at Osang, naisadokumento ng AB ang pangwawasak ng ari-arian, iligal na pagrerekisa at pang-aagaw, at pambabanta sa mga sibilyan.
Noong 2023, itinambak sa klaster na ito ang ilang yunit ng 74th IB para “tulungan” ang 20th IB na “inutil” sa paggapi sa noo’y sinasabing iilang Pulang mandirigma na natitira sa Northern Samar. Nagkakainitan pa ang dalawang batalyon sa pag-uunahang umako sa mga “nagpa-clear” na sibilyan para makakubra ng pabuya at pondo sa programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program.
Sa pagitan ng dalawang yunit-militar, paulit-ulit na ipinataw sa mga barangay na ito ang mahihigpit na lockdown mula nakaraang taon. Taranta at balisa ang mga sundalo sa kaiisip na pinaliligiran sila ng mga taong patuloy na sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan, at nangangambang anumang oras ay maaaring salakayin sila ng BHB. Mahigpit nilang minamanmanan ang bawat kilos ng mga residente at nililimita kahit ang kanilang oras sa trabaho. Mahigpit din ang pagmamanman sa paglabas-masok sa barangay, at pinapipirma ang sinuman sa logbook sa takot na “malusutan” ng BHB. Nililimitahan nila ang pagbili ng pagkain, panggatong at iba pang pangkonsumo sa paniniwalang ipapasa ang mga ito sa mga Pulang mandirigma.