Malayo sa katotohanan ang ikatlong SONA ni Marcos Jr
Malayung-malayo sa katotohanan at sa araw-araw na pagdurusa ng mamamayang Pilipino ang ipinahayag ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22. Ginamit niya lamang ang SONA para pagtakpan ang krisis sa ekonomya at ulit-ulitin ang kanyang mga tunog-engrandeng “tagumpay” at ipinangangalandakang “Bagong Pilipinas.”
Lumikha si Marcos ng isang huwad na larawan. Sinadya niyang imenos ang nagdudumilat na mga problema tulad ng pagsirit ng presyo ng pagkain, serbisyo at yutilidad, kulang na kulang na sahod, matinding kawalan ng trabaho at kontraktwalisasyon, pang-aagaw ng lupa at kabuhayan, at lumalaking bilang ng mga biktima ng pampulitikang pamamaslang at panunupil.
Ang tanging nasiyahan sa talumpati ni Marcos ay ang malalaking negosyo, dayuhang kapitalista, at mga burukrata-kapitalista. Lahat sila ay nakinabang sa kanyang katiwalian, todong liberalisasyon sa pag-aangkat, mga proyektong imprastrukturang pinondohan ng dayuhan at may garantiya ng gubyerno na mahigpit na tinututulan ng taumbayan, at patakaran ng murang paggawa, at pagpapalit-gamit sa libu-libong ektarya ng lupa upang makaakit ng dayuhang pamumuhunan.
SONA ng bayan
Ang tunay na kalagayan ng bansa ay malinaw na narinig sa mga lansangan sa labas ng Kongreso, gayundin sa mga prubinsya, at sa sigaw ng mga migranteng manggagawa sa ibang bansa. Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), libu-libong Pilipino ang nagprotesta sa araw ng ikatlong SONA.
Kahit inulan, nagmartsa sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ang mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, mga tsuper at opereytor ng dyip, pambansang minorya, mga maralitang lungsod, guro, manggagawang pangkalusugan, kawani ng gubyerno at iba pang mga demokratikong sektor.
Binatikos ng Bayan ang paggasta ng rehimeng Marcos ng ₱20 milyon para sa paghahanda, pakain at iba pang gastos para sa SONA. Kinundena din nila ang pagtatalaga ni Marcos ng 23,000 pulis sa Metro Manila para pigilan ang mga kilos-protesta. Hinarang ang bulto ng mga pambansa-demokratikong grupo na magmartsa papuntang Batasan Pambansa sa may Diliman Doctors Hospital.
Kalahok sa protesta ang higit 600 mula sa Southern Tagalog. Bago ang SONA, nagsagawa sila ng karaban sa pangunguna ng panrehiyong balangay ng Bayan. Sunud-sunod na protesta ang inilunsad ng delegasyon ng rehiyon sa iba’t ibang ahensya sa Metro Manila, kabilang ang rali sa embahada ng US.
Samantala, itinuloy ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc ang pagsusuot ng mga “protest outfit” o kasuotang mayroong ipinintang mga panawagan at imahe ng mga sektor na kanilang kinakatawan. Nanindigan silang isuot ang mga ito sa kabila ng naunang pagbabawal ng Kongreso at pagbabantang hindi sila papapasukin.
Inilunsad rin ang katulad na mga protesta at martsa sa Baguio City noong Hulyo 21, at sa Albay, Naga City, Cebu City, Bacolod City, Iloilo City, Roxas City sa Capiz, Aklan, at Davao City noong Hulyo 22. Nailunsad ang mga aktibidad sa kabila ng militarisasyon sa mga barangay sa kanayunan at mga panghaharang at tsekpoynt ng mga pulis sa syudad.
Nagsagawa naman ang may 200 bilanggong pulitikal ng isang araw na protestang pag-aayuno bilang pagbatikos sa rehimeng Marcos at upang isiwalat ang kalagayan nila sa loob ng masisikip na mga kulungan. Higit 100 ang nag-ayuno sa isla ng Negros habang nakiisa rin ang mga taga-Palawan, Camarines Sur at Metro Manila.
Ilang libong milya man ang layo sa inang bayan, nagsagawa ng pagkilos ang mga grupo ng migranteng Pilipino sa North America, Europe, Asia at Australia sa pangunguna ng mga balangay ng Bayan at Migrante noong Hulyo 21 hanggang Hulyo 24.
Nagkaroon ng mga aktibidad sa limang syudad sa Canada, sa pitong erya sa US kung saan 1,100 Pilipino ang lumahok, sa Austria, Germany, Italy, Switzerland, at United Kingdom. Nagkaroon naman ng pagkilos sa tatlong lugar sa Australia habang isang aktibidad ang inilunsad sa New Zealand. Sa Asia, mayroong mga aktibidad ang mga migranteng Pilipino sa Hong Kong, Japan, South Korea at Taiwan.