Pasistang lider ng Bangladesh, napatalsik ng mga protesta

,

Napatalsik ng mamamayang Bangladesh ang prime minister ng bansa na si Sheik Hasina Wazed kahapon, Agosto 5, sa gitna ng dambuhalang mga protesta laban sa kanyang paghahari. Napalayas siya isang araw matapos maganap ang pinakamadugong protesta sa bansa, kung saan pinaulanan ng bala ng mga pulis ang libu-libong raliyista. Mahigit 90 ang agad na napatay at daan-daan ang nasugatan sa araw na ito.

Nagsimula ang mga protesta sa loob ng mga unibersidad laban sa sistemang kota sa pagbibigay ng mga trabaho sa burukrasyang sibil. Mabilis na lumaganap ang paglaban matapos paulit-ulit na salakayin ng mga pwersa ni Hasina ang mga demonstrasyon. Nagpatupad si Hasina ng karpyu, pinutol ang internet, pinasara ang mga unibersidad at ang midya. Sa tindi ng brutalidad ng mga pulis, umabot sa panawagan sa pagbaba ni Hasina. Sa kabuuan, mahigit 300 na napatay sa mga protesta na unang sumiklab noong Hunyo.

Nasa sentro ng mga protesta ng mga estudyante at mamamayan ng Bangladesh ang matinding krisis sa ekonomya, at ang kawalan ng trabaho at mga oportunidad sa bansa. Ang tanging matinong trabaho sa bansa, laluna sa mga nakapagtapos sa kolehiyo, ay mga pwesto sa gubyerno. Dahil sa sistemang kota, naging limitado ang mga pusisyong ito. Binago na ng Korte Suprema ang sistemang ito noong ikalawang linggo ng Hulyo.

Pasistang lider ng Bangladesh, napatalsik ng mga protesta