Perwisyo at pagbaha ang hatid ng mga proyektong dam sa Kalinga
Sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan, muling tumataas ang pangamba ng mamamayan sa Northern at Central Luzon sa perwisyo at pagbaha na idudulot ng mga dam na planong itayo ng rehimeng Marcos sa Cordillera. Higit 100 negosyong hydropower dam ang nakatakdang itayo sa rehiyon. Hindi bababa sa 20 ang itatayo sa mayor na mga ilog ng Kalinga.
Nagsisilbing pinagkukunan ng maiinom na tubig at irigasyon ang mga ilog at sapa sa Kalinga. Mayor na produkto dito ang palay, mais, kape, saging at iba-ibang uri ng beans.
Pangunahing ilog sa prubinsya ang Chico River na nagmumula sa Mountain Province at bumabaybay sa habang 175 kilometro bago sumanib sa Cagayan River. Sa halip na pangalagaan ang mga yamang tubig na ito, at paunlarin para sa pagpapataas ng produksyon at pangangailangan ng mamamayan, inilalako ito ng rehimeng Marcos sa mga dayuhan at lokal na kapitalista. Sa tabing ng pagtataguyod sa “renewable energy,” itinutulak ng rehimeng Marcos ang mga hydropower dam bilang pagkukunan ng kuryente.
Itinuturing ang Cordillera bilang may pinakamalaking potensyal para sa hydropower. Pinaglalawayan ni Marcos at ng kanyang mga alipures ang pondong ibubuhos ng mga imperyalistang bansa sa pagtatayo ng mga dam sa ngalan ng “pagharap sa krisis sa klima.” Todo-bigay siya ng mga pribilehiyo sa mga kumpanya, kabilang ang paglilibre sa pagbabayad ng buwis at iba pang insentiba.
Kasama rin na pang-engganyo sa mga dayuhan ang pinabilis at pinadaling pag-apruba sa kanilang aplikasyon. Ginagamit ang mga ahensya ng gubyerno para linlangin, pagwatak-watakin at pilitin ang mga grupo ng pambansang minorya na suportahan ang mga proyektong ito. Itinatalaga rin ang AFP para maggwardya sa mga proyekto at supilin ang pagtutol sa mga ito.
Pinakamalaki sa mga proyekto ang Chico River Hydropower Project na sinasabing may kabuuang kapasidad na 150 megawatts. Pinangungunahan ito ng San Lorenzo Ruiz Piat Energy at Water, Inc.
Malawakang pinsala
Walang ibang dulot sa mga katutubo ng Kalinga at Cordillera, at mamamayan ng katabing mga rehiyon, ang mga proyektong ito kundi malawakang pinsala. Maraming puno ang puputulin para sa konstruksyon ng mga dam, dudumi at mawawasak ang kalupaan. Kokopohin ng mga kumpanya ang mga mineral na makukuha sa lupa.
May mga komunidad na babahain, habang mayroong mawawalan ng tubig. Ang mga komunidad sa baba ng dam ay makakaranas ng biglaang mga pagbaha. Ganito ang karanasan ng Cagayan Valley nang manalasa ang bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020. Nalubog noon sa baha ang 60 bayan at syudad matapos kinailangang buksan ang Magat Dam dahil sa pag-apaw ng mga ilog. Higit 300,000 mamamayan ang nasalanta.
Samantala, ang mga komunidad naman sa ilaya o unahan ng dam ay makararanas ng siltation o pagbabaw ng ilog, sanhi ng pag-ipon ng lupa at pagbago sa daloy ng tubig.
Anuman ang disenyo ng dam ay may mababawas sa tubig na libreng pinakikinabangan ng mamamayan para sa irigasyon at gamit-bahay. Kahit pa sabihin ng mga kumpanya na “maliliit na dam” ang itatayo, kung serye o magkakasunod sa iisang ilog, ay parehas din sa malaking dam ang epekto ng mga ito ayon sa Cordillera People’s Democratic Front (CPDF)-Kalinga.
Maaapektuhan din ng daloy at lalim ng tubig ang mga hayop at halamang nabubuhay sa katubigan. Maaari silang maanod dahil lumalim ang tubig sa dam o naging masyadong malakas ang agos ng tubig papasok sa tunnel. Mamamatay din ang mga hayop at halaman sa bandang ilaya kung bumabaw ang tubig at dumami ang banlik.
Sa harap ng mga ito, hamon ng CPDF-Kalinga ang pagbubuo ng pinakamalawak na pagkakaisa sa mamamayan sa Cordillera upang sama-samang ipagtanggol ang kanilang lupa at rekurso. Dapat gamitin ang mga anyo ng pagbubuklod tulad ng mga progresibo at rebolusyonaryong bodong, pagtatayo ng rebolusyonaryong gubyerno ng mamamayan ng Cordillera (CPRAG o Cordillera People’s Revolutionary Autonomous Government) at mga balangay ng CPDF.
Panawagan din nilang makipagkaisa sa mga mamamayan sa ibang mga rehiyon ng Pilipinas at sa ibang bansa na naninindigan laban sa pang-aagaw ng mga negosyong kapitalista sa kanilang lupa at rekurso.
___
Halaw sa praymer ng CPDF-Kalinga, Mayo 2024.