Mga protesta

,

 

Tigil-pasada sa UP-Diliman. Nagtigil-pasada ang mga tsuper at opereytor ng dyip na bumibyahe sa loob ng UP-Diliman noong Agosto 1 para tutulan ang pagpasok ng kooperatiba ng e-jeepney na aagaw sa ruta ng mga tradisyunal na dyip sa kampus. Pinangunahan ang pagkilos ng UP Transport Group, sa suporta ng mga estudyante, guro, at mga manggagawa at kawani ng unibersidad. Nagsumite rin ang grupo ng liham sa pamunuan ng UP-Diliman. Laman nito ang anim na kahingian ng mga tsuper.

Pagsalubong sa unang araw ng klase. Nagprotesta sa Mendiola sa Maynila ang mga gurong kasapi ng ACT-Philippines noong Hulyo 29, kasabay ng pagbubukas ng klase. Binatikos nila ang kapabayaan ng rehimeng Marcos at mga palpak na patakaran nito sa edukasyon. Anila, bigo ang rehimeng Marcos na tugunan ang pamalagiang kakulangan ng mga klasrum, guro, mga tauhang pansuporta sa sektor ng edukasyon, kagamitan sa pagtuturo at mga pasilidad.

Mga biktima ng bagyong Carina, nagpiket. Magkasunod na piket-protesta ang inilunsad ng mga maralitang-lunsod at grupong maka-kalikasan noong Hulyo 29 sa upisina ng Department of Social Welfare and Development at Department of Environment and Natural Resources sa Metro Manila. Sinisingil nila ang rehimeng Marcos at mga ahensya nito sa kanilang kapabayaan at pananagutan sa mga nasalanta ng bagyong Carina.

Mga protesta