Panghihimasok ng US sa Asia, pumasok sa “hypermode”

,

Pumasok sa “hypermode” o mas maigting na yugto ang panghihimasok ng imperyalistang US sa Asia noong Hulyo. Mula Hulyo 25, anim na bansa sa Asia ang inikot sa 10 araw ni State Sec. Antony Blinken (kalihim sa ugnayang panlabas). Bumisita at nakipagpulong si Blinken sa Vietnam, Laos, Japan, Pilipinas, Singapore at Mongolia. Ayon sa pahayag mismo ng US, layunin nitong ipaabot sa mga “alyado” ng US na nananatiling “balot sa bakal” ang komitment nito sa rehiyon sa huling anim na buwan ng administrasyon ni Pres. Joseph Biden. Nakatakda nang bumaba si Biden matapos ang eleksyon sa US sa Nobyembre.

Sa Japan at Pilipinas, katuwang ni Blinken si Defense Sec. Lloyd Austin sa tinaguriang 2+2 na pagpupulong sa mga katapat nilang ministro.

Sa Japan, itinulak ng US ang pagpapalobo ng badyet pangmilitar nito sa “makasaysayang antas” para itaas ang kakayahang militar nito laban sa komun nilang karibal na China. Kabilang dito ang pagpapaunlad ng Japan ng mga armas nukleyar sa tabing ng “nuclear deterrence” (pagpigil ng posibilidad ng isang nukleyar na gera). Pinalakas rin ng US ang tinataguriang US Forces Japan sa Tokyo, na sentrong kumand ng militar ng US na namamahala sa hindi bababa sa 120 aktibong base militar ng US sa bansa. Mahigit 55,000 tropang Amerikano ang permanenteng nakabase sa Japan.

Dumating sa Pilipinas si Blinken noong Hulyo 29 para sa mga pulong diplomatiko at panseguridad. Pangatlo na niya itong pagdalaw sa bansa sa nakaraang dalawang taon. Noong Hulyo 30, sa unang pagkakataon, idinaos sa Pilipinas ang 2+2 na pulong, na mula umpisahan noong 2012 ay sa US laging idinadaos. Pinulong nina Blinken at Austin sina Enrique Manalo, kalihim ng Depatment of Foreign Affairs at Gilberto Teodoro, kalihim ng Department of National Defense ng Pilipinas. Bago ito, pinulong ng dalawang upisyal ng US si Ferdinand Marcos sa Malacañang noong Hulyo 29.

Tinalakay sa naturang pulong ang plano para sa pagbubuo ng General Security of Military Information Agreement. Lalamnin ng naturang kasunduan ang kunway “pagbabahaginan” ng sensitibong mga impormasyong militar sa pagitan ng dalawang bansa. Malamang na isa na naman itong tagibang na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas, na sasaklaw lamang sa “sensitibong impormasyon” mula sa Pilipinas. Gagawin lamang nitong pormal ang malaon nang panghihimasok ng US sa mga internal na usaping may kaugnayan sa pambansang seguridad ng Pilipinas.

Dito rin inanunsyo ni Austin ang pagbibigay ng US ng $500 milyong ayudang militar (o foreign military financing) sa Pilipinas. Ang halagang ito ay 12 beses na mas malaki kumpara sa $40 milyong karaniwang taunang ayudang militar ng US sa Pilipinas. Gagamitin ito sa “pagbili” ng pinaglumaang mga armas at sasakyang pandigma, na gustong itambak ng US sa bansa sa tabing ng “modernisasyon” ng AFP. Layunin nitong higit pang itali ang Pilipinas sa heyopulitkal na estratehiya nito at gamitin ang bansa bilang lunsaran ng inihahanda nitong gera sa rehiyon. Labas dito, inianunsyo rin ni Austin na maglalaan ito ng $128 milyon sa isasagawang mga konstruksyon ng hindi bababa sa siyam na base militar sa ilalim ng EDCA na para sa ekslusibong gamit ng mga tropang Amerikano.

Sinalubong ng mga protesta ang muling pagbisita nina Blinken at Austin sa Pilipinas. Nagtungo sa Camp Aguinaldo ang iba’t ibang grupong pambansa-demokratiko noong Hulyo 30 para batikusin ang rehimeng Marcos sa pagpapapasok sa dalawang kriminal sa digma sa bansa. Anila, responsable ang dalawang ito sa panunulsol ng gera sa iba’t ibang bahagi ng buong mundo, at sa pagtutulak ng henosidyo sa Palestine.

Binatikos din nila si Marcos sa kanyang panlilimos at pangangayupapa sa dalawang imperyalistang ahente, pagpahintulot sa presensya ng mga dayuhang tropa at pagsuko sa soberanya ng bansa sa dumaraming “EDCA site” at mga war games na pumipinsala sa kabuhayan ng mamamayan. Noong Hulyo 31, nagsagawa naman ng raling iglap ang kabataan sa harap ng embahada ng US.

Sa Japan, nagkaroon ng katulad na protesta noong Hulyo 28 kasabay ng US-Japan 2+2 ministerial meet sa Tokyo. Panawagan ng mga aktibista kapwa sa Japan at Pilipinas, “Blinken at Austin, not welcome!”

Panghihimasok ng US sa Asia, pumasok sa “hypermode”