Pagkilos ng masa ang sagot sa krisis at kalamidad
Sinalanta kamakailan ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sanhi ng ulang dala ng bagyo at habagat ang National Capital Region at malaking bahagi ng Luzon, hanggang sa Visayas at Mindanao. Rumagasa ang tubig mula sa mga kalbong bundok na nagresulta sa mga pagguho ng lupa, pag-apaw ng mabababaw na ilog na puno ng banlik, at pagbaha sa malalawak na bukid sa kapatagan. Tumaas ang tubig sa kalunsuran dahil sa sala-salabat na imprastruktura at reklamasyong bumara sa mga daluyan ng tubig, at dahil sa palpak na sistema ng pagkontrol sa baha.
Halos 50 ang namatay at milyun-milyon ang nagdusa. Daan-daang milyong piso ang napinsalang mga bahay at ari-arian, imprastruktura, mga pananim at kabuhayan ng masa. Muling nakita ang labis na bulnerabilidad sa sakuna ng milyun-milyong masang maralita sa mga barong-barong na walang sapat na pananggalang sa hangin at ulang dala ng mga bagyo.
Inilantad ng malalawak na pagbaha na hungkag at pawang kabulastugan ang ipinagmalaki ni Marcos—sa kanyang State of Nation Address, dalawang araw bago ang mga pagbaha—na “handang-handa” na ang kanyang gubyerno sa anumang bagyong darating. Napatunayang walang-saysay ang ipinagyabang na 5,500 proyektong pangkontrol sa baha na ginastusan ng kanyang gubyerno ng mahigit ₱255 bilyon noong nagdaang taon.
Sa nakalipas na mga taon, lalong dumadalas at lumalala ang salanta sa buhay at kabuhayan ng mamamayan dulot ng mga kalamidad. Resulta ito, hindi lamang ng mga pagbabago sa klima na nagdadala ng labis-labis na init o labis-labis na ulan, kundi laluna na ng sobra-sobrang kapalpakan at pagpapabaya ng reaksyunaryong estado. Lalong malaking salanta sa buhay at kabuhayan ng masa ang ibinubunga ng patuloy na pagbibigay-daan ng rehimeng Marcos sa walang pakundangan pagwasak sa mga kagubatan at pandarambong sa kalikasan.
Maagap na kumilos ang mga pwersa ng Partido at pambansa-demokratikong kilusan upang umagapay sa masa sa gitna ng kalamidad. Marami sa kanila ay kabilang din sa mga biktima ng pagbaha at pagkawasak ng mga bahay at ari-arian. Ang mabilis nilang pagharap sa kalamidad ay pagpapamalas ng pakikiisa sa dalamhati sa masang nasalanta, kahandaang kumilos para ibsan ang dinaranas na pagdurusa ng masa, at kamulatang pakilusin at tipunin ang lakas ng masa.
Sa mga lugar na sinalanta, pinakilos ang buong makinarya ng Partido upang mangalap ng tubig, pagkain, damit at iba pang pangangailangang pangkagipitan, at makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at mga organisasyong pangkawanggawa upang kagyat na maihatid ang mga ito sa nasalanta. Kasabay nito, itinataas ang pag-unawa ng masa sa mga dahilan ng kalamidad at pangangailangan ng damayan para sama-samang muling makabangon mula sa salanta at magtanggol sa kanilang mga karapatan.
Ang pagpapalakas ng kilusang masa at pamumuno dito ng Partido ang susi sa epektibong pagharap ng masa sa mga kalamidad. Sa kabilang panig, sa pagharap sa mga kalamidad, ibayong mapalalakas ang kilusang masa at linangin ang inisyatiba at diwa ng sama-samang pagkilos, pagdadamayan at pagtutulungan ng masa. Marapat lamang na kung nasaan dumaraas ang masa ng pagdurusa, naroon ang Partido, mga rebolusyonaryo at demokratikong organisasyong masa upang itaas ang kamulatan at kakayanan ng masa na tumugon sa mga kalamidad.
Dapat maipabatid na sa pagharap sa kalamidad, kailangan ang damayan at pagkakawanggawa, subalit hindi ito sapat. Dapat itaas din ang kamalayang panlipunan at kamulatang pampulitika ng masa na ang pagdurusa nila sa kalamidad ay hindi simpleng sanhi ng sungit ng kalikasan o “parusa ng Diyos” kundi kagagawan ng mga dayuhang kapitalista at lokal na uring hayok sa yaman nandarambong sa kalikasan sa pondo ng bayan.
Dapat ituon ang kanilang pansin sa pagsingil sa rehimeng US-Marcos at buong reaksyunaryong estado sa mga patakaran at kapalpakan nitong nagpapalala sa hambalos ng mga kalamidad sa masa. Dapat labanan ang programa ng reaksyunaryong gubyerno na nagbibigay-prayoridad sa pagmimina, pagpapalawak ng mga plantasyon, kumbersyon ng lupa para sa mga proyektong real estate, kaliwa’t kanang reklamasyon ng lupa, pagtatayo ng mga megadam, at iba pa.
Mas masahol pa, sinasamantala ng mga burukrata ang mga kalamidad para tumiba ng limpak-limpak na ganansya at burukratikong kurakot. Dapat ilantad ang katotohanang walang pangmatagalan o pangkalahatang plano sa pagkontrol sa baha, at batikusin ang daan-daang bilyong pondong inilalaan ng gubyerno sa mga proyektong “flood control” na pawang palabigasan lamang ng mga burukratang kapitalista at kroni sa negosyo.
Dapat kumilos ang masa para singilin ng danyos ang reaksyunaryong gubyerno sa pinsala sa kanilang buhay, kabuhayan at mga ari-arian dahil sa kabiguan nito sa sinumpaang tungkuling tiyakin ang kaligtasan at kagalingan ng sambayanang Pilipino. Higit sa ayuda, katarungang panlipunan ang sigaw ng taumbayan.
Sa mga larangang gerilya, dapat itayo o palakasin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, katuwang ang Bagong Hukbong Bayan, sa pagpapatupad ng mga patakaran sa pangangalaga ng kalikasan, pagbabawal sa mapanirang mga proyekto at pagparusa sa mga operasyong dumadambong sa mga bundok, gubat at ilog, at kumakamkam ng lupa ng masang magsasaka at minoryang mamamayan. Dapat pakilusin ang masa para sa paghahanda sa mga darating pang sakuna.
Tiyak na ang kamakailang kalamidad ay hindi siyang huli na sasalanta sa masa ng sambayanang Pilipino. Sa tantya ng mga eksperto, magsisimulang mamuo ang penomenong La Niña sa pagitan ng Agosto at Oktubre, na inaasahang magdadala ng higit na ulan. Lalo itong magdadala ng higit na pagdurusa sa masang Pilipino laluna sa harap ng sumisidhing krisis, pagtaas ng presyo ng bigas, karne, gulay at iba pang pagkain at saligang mga pangangailangan, at napakababang sahod at kita ng mamamayan.
Malaking hamon at pagkakataon ang hinaharap na krisis at kalamidad upang pamunuan at palakasin ng Partido ang buong rebolusyonaryong kilusan bilang sandata ng mamamayan sa pagtatanggol sa kanilang kapakanan. Dapat ubos-kayang ilaan ng lahat ng kadre at kasapi ng Partido ang kanilang talino at lakas para umugat at magpalawak sa hanay ng masa, upang pukawin, organisahin at pakilusin ang sambayanan bilang isang pwersang higit na makapangyarihang magwawakas sa lahat ng delubyong dala ng mapang-api at mapagsamantalang sistema.