Jeepney phaseout, patuloy na nilalabanan

,

Patuloy na iginigiit ng mga drayber at opereytor ang pagbabasura ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na nagtutulak ng jeepney phaseout at pagpalit sa mga ito ng mahal at pinaglumaan nang mga imported na mini-bus. Ito ay matapos ideklara ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy ang PUVMP sa kabila ng ikalawang resolusyon ng senado para ipasuspinde ang programa.

Binigyang pansin ng senado na malaking bilang ng mga dyip ang tumangging magkonsolida, dahil kawalang-kakayahan ng mga drayber at opereytor na bumili ng napakamahal na mga mini-bus.

Masuspinde man o hindi ang PUVMP, malaki na ang idinulot nitong pinsala sa kabuhayan ng mga drayber at opereytor. Tinangka nitong pinigilan ang malaking bilang ng mga dyip na mamasada sa bantang haharangin ang mga di konsolidadong dyip, kakasuhan ang mga drayber at kukunin (impound) ang mga dyip.

Ito ay sa kabila ng hindi isinapublikong resolusyon ng LTFRB noong Abril 30 na nagpahintulot sa mga hindi konsolidadong dyip na mamasada sa mga rutang wala o mababa ang konsolidadong prangkisa. Sadyang inilingid ito ng LTFRB sa mga drayber at opereytor para pwersahin ang malaki-laki pang bilang ng mga drayber na hindi nagpakonsolida na magpailalim sa PUVMP.

Pabigat ang programa kahit sa mga nagkonsolida at napwersang bumili ng mamahaling mga sasakyan na marupok at di madaling hanapan ng pyesa. Sa Iloilo City, nagbunga ang PUVMP sa pagbabawas ng maraming ruta ng maliliit na kooperatiba at pagmonopolisa ng malalaking korporasyon sa mayor na mga ruta sa loob ng syudad.

Patuloy ang panawagan ng Piston para sa pagbabalik sa 5-taong indibidwal na prangkisa at pag-atras ng mga napwersang mga drayber sa kanilang aplikayon para sa konsolidasyon.

Jeepney phaseout, patuloy na nilalabanan