Mga manggagawa sa Nexperia, magwewelga
Bumoto ang 1,246 sa kabuuang 1,883 manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. Workers’ Union (NPIWU)-NAFLU-KMU pabor sa paglulunsad ng welga laban sa malawakang tanggalan ng kumpanya. Isinagawa ng unyon ang strike vote noong Hulyo 29-30 sa Cabuyao, Laguna.
Maayos na naisagawa ang aktibidad matapos ang naunang naantalang botohan noong Hulyo 17-18 dahil sa lantarang pakikialam ng maneydsment. Naghain ang unyon ng Notice of Strike noong Hunyo 26.
Manggagawa sa senado. Noong Agosto 2, kasabay ng asembleya ng NPIWU-NAFLU-KMU, ianunsyo ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno, ang kanyang pagtakbo sa pagkasenador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan sa darating na halalang 2025. Si Adonis, 22 taon nang organisador ng KMU, ang ikatlong kandidato sa ilalim ng Makabayan.