"Libreng wifi" ng NCIP sa Rizal, para sa sarbeylans
Nagpahayag ng pangamba ang mga residente ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal sa ikinabit ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na “libreng wifi” sa kanilang barangay noong Mayo. Batid nilang inilagay ito para manmanan sila ng National Task Force-Elcac.
Ayon sa ulat, mismong ang NCIP ang naglantad sa layunin ng “libreng serbisyo.” Sa isang pulong noong Mayo 24, inatasan ng mga tauhan nito ang mga residente na gamitin ang libreng wifi para “umugnay sa NTF-Elcac at mag-ulat ng mga bali-balita upang panatilihin ang kapayapaan ng barangay.”
Para makagamit, kailangang ibigay ng gagamit ang kanyang pangalan, edad at kasarian. Ibig sabihin, iipunin ng NCIP at NTF-Elcac ang personal na impormasyon ng mga gagamit ng serbisyo. Itinayo ang “libreng serbisyo” katuwang ang United Nations Development Programme at Broadband ng Masa.