Sabwatang Marcos-San Miguel, pinananagot sa oil spill sa Manila Bay

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Pinapanagot ng mga grupong maka-kalikasan ang San Miguel Corporation at ang rehimeng Marcos sa naganap na oil spill (tumapong langis) mula sa lumubog na barkong MT Terra Nova sa Manila Bay. Anila, dapat managot ang mga ito sa pinsalang dala ng tumapong langis sa kabuhayan ng komunidad, sistema ng ekolohiya at kalusugan ng mamamayan.

Ang MT Terra Nova ay barkong kinontrata ng Petron Corporation, kumpanyang pag-aari ng San Miguel Corporation, para maghatid ng 1.4 milyong litrong pang-industriyang langis sa isla ng Panay. Pinayagan itong lumayag ng Philippine Coast Guard sa kabila ng masungit na panahon. Lumubog ito ilang kilometro mula sa baybay ng Limay, Bataan noong Hulyo 25 at nagsimulang tumagas ang langis dalawang araw pagkatapos nito.

Pangalawang malakihang oil spill na ito sa ilalim ng rehimeng Marcos. Noong nakaraang taon, lumubog malapit sa Lubang, Oriental Mindoro ang MT Princess Empress at tumapon ang karga nitong 800,000 litrong langis na kinontratang ipadeliber ng Petron. Hanggang ngayon, iniinda pa ng halos 25,000 mangingisda ang pinsalang idinulot nito sa mga baybayin ng Oriental Mindoro at katabing mga prubinsya. Sangkot din ang Petron sa oil spill sa Cavite noong 2013 (500,000 litro); at ang pinakamalalang oil spill sa Guimaras (2.1 milyong litro) noong 2006.

Mapanganib sa kalusugan ng tao ang langis na karaniwang tumatagas sa mga barko. Naglalaman ito ng mga nakalalasong kemikal tulad ng mercury, arsenic at lead. Ang mga ito ay maaring magdulot ng pangangati sa balat, iritasyon sa paghinga at kanser. Malaki rin ang epekto nito sa kalikasan at saribuhay sa karagatan at baybay. Sa pangmatagalan, apektado ng mga kemikal na ito ang reproduksyon ng mga isda na mangangahulugan ng pagbagsak ng huli ng mga mangingisda kahit wala na ang oil spill.

Kung kumalat nang husto ang tumapong langis sa Manila Bay, maapektuhan ang kabuhayan ng di bababa sa 29,000 mangingisda sa Cavite pa lamang. Maaari ring umabot sa ₱351 milyon ang halaga ng pinsala sa kabuhayan ng 46,000 mangingisdsa sa Central Luzon, Region 4A at National Capital Region. Nanganganib na mapinsala ng oil spill ang mga bakawan, seagrass, coral reefs at mga palaisdaan.

Sabwatang Marcos-San Miguel, pinananagot sa oil spill sa Manila Bay