Mga protesta
Disbar Duterte! Naghain ng reklamong disbarment o pagtatanggal bilang abugado laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema ang mga biktima ng kanyang kampanya ng pagpaslang at panunupil noong Enero 17. Kabilang sa 17 nagsampa ng reklamo sina Atty. VJ Topacio, anak ng pinaslang na mag-asawang rebolusyonaryo na sina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio, si Liezel Asuncion, asawa ng lider-aktibistang pinatay na si Manny Asuncion at Llore Pasco, ina ng dalawang pinaslang sa “gera kontra droga”.
Pagtaas ng matrikula sa UST at NTC, tinutulan. Nagprotesta ang mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) sa kampus nito sa Manila noong Enero 14 para batikusin ang tuition and other fees increase (TOFI) sa unibersidad. Pinangunahan ang pagkilos ng pambansa-demokratikong grupo sa loob ng UST. Noong nakaraang akademikong taon sa UST, pumalo sa 6% ang pagtaas sa matrikula, at para sa akademikong taon ng 2023-2024 ay nahaharap ang mga estudyante sa pagtaas na aabot sa 4%-10% depende sa kolehiyo.
Sa National Teachers College sa Maynila, higit 100 estudyante ang pumirma sa petisyon na pinangunahan ng Ayokong Magmahal NTC upang tutulan ang nakaambang TOFI. Isinagawa ang aktibidad kasabay ng “konsultasyon” noong Enero 16 hinggil sa panukalang pagtaas ng matrikula ng NTC.
Planong taas-pasahe sa LRT, binatikos. Sinalubong ng protesta ng mga kabataan at estudyante ang unang byahe ng LRT-1 Doroteo Jose Station sa Sta. Cruz, Manila noong umaga ng Enero 15. Tinutulan nila ang planong ₱15 maksimum na taas-pasahe na itinutulak ng Light Rail Manila Corporation, ang kumpanyang nagpapatakbo sa serbisyong LRT sa Metro Manila. Noong Enero 9, dumalo ang mga kinatawan ng mga progresibong organisasyon sa pampublikong pagdinig hinggil sa taas-pasahe na isinagawa ng Department of Transportation. Ipinahayag nila dito ang matinding pagtutol.
Welga sa Handyman. Nagkasa ng welga noong Enero 6 ang mga manggagawa ng Handyman-True Value-Pet Lovers Empowered Workers Union sa pangunahing depot ng Handyman sa Manila Bay Spinning Mills Compound sa Marikina City. Natulak silang lumipat at itayo ang piket sa hedkwarters ng Robinsons Retail Holdings Inc, (RRHI) may-ari ng Handyman sa Quezon City dahil sa iligal na pagbuwag sa kanilang welga. Tugon ito ng unyon sa iligal na tanggalan sa hindi bababa sa 122 manggagawa noong Nobyembre 2024. Tinanggal sila ng RRHI dahil sa pagtataguyod sa kanilang unyon.