Pangalawang paghahari ni Trump, banta sa mga manggagawa at mamamayan sa US at buong mundo

,

Noong tanghali ng Enero 20 sa Washington DC, nanumpa si Donald Trump bilang ika-47 presidente ng US at pinuno ng pinakamapandigmang imperyalista sa mundo. Muli siyang uupo sa poder matapos ang una niyang termino noong 2016-2020. Tatayo siyang presidente sa isang senado at kongreso na dominado ng kanyang mga ka-partido. Dumalo sa kanyang pagpapasinaya ang kanyang mga tagasuportang bilyunaryo katulad nina Elon Musk, Jeff Bezos at Mark Zuckerburg, mga may-ari ng pinakamalalaking kumpanya sa teknolohiya sa buong mundo.

Sa kanyang talumpati, tinotoo ni Trump ang mga neopasista at imperyalistang patakarang una nang itinambol na ipatutupad ng kanyang rehimen.

Nagdeklara siya ng “national emergency” para isagawa ang “pinakamalaking programa sa deportasyon sa kasaysayan ng Amerika” na pagpapatuloy sa kontra-migrante at rasistang patakaran ng kanyang unang panunungkulan. Kabilang sa target ideport ni Trump ang tinatayang 370,000 Pilipinong hindi dokumentado sa US. Ipagpapatuloy din niya ang pagtatayo ng “border wall” o pader sa hangganan ng US at Mexico at pagpapahigpit sa mga patakaran ng migrasyon.

Sa kanyang unang araw, inianunsyo niya ang ilan sa mga kautusang ehekutibo na balak niyang ilabas. Kabilang dito ang di bababa 10 patakaran sa imigrasyon, pagtanggal sa pagkilala ng ibang kasarian sa gubyerno, pag-alis ng US sa kasunduan kaugnay sa pagbabago ng klima (Paris Climate Accords) at pagtatanggal ng regulasyon sa produksyon ng langis at LNG.

Patuloy ding tutugisin ni Trump ang mga grupong demokratiko at progresibo at maging ang mga institusyong nagtataguyod ng mga karapatang sibil at kontra sa militaristang patakaran ng imperyalistang US.

Sa kabilang panig, palalawakin ni Trump ang pribilehiyong ibinibigay sa paborito niyang mga monopolyo kapitalista sa larangan ng teknolohiya, enerhiya, pinansya, real estate at industriya ng armas. Nangako siyang “paliliitin ang gubyerno” para tanggalin ang mga regulasyon sa mga monopolyong kumpanya sa kapinsalaan ng mga kawani at manggagawang Amerikano. Kasabay nito, ibababa niya ang buwis sa pinakamalalaking kumpanyang Amerikano, mula 21% tungong 18%. Hindi bababa sa 13 bilyunaryo ang nakatakdang maging bahagi ng kanyang gabinete.

Lalong pinalakas ni Trump ang kanyang agresibong patakaran sa ugnayang panlabas. Bago maupo sa poder, aangkinin (pwersahan man o bibilhin) ang Greenland, isang islang may sariling gubyernong may awtonomya na nakapailalim sa Denmark. Pinaglalawayan ni Trump ang isla dahil sa halaga sa estratehiyang militar ng US. Sa kanyang talumpati, inulit niya ang bantang aagawin ang Panama Canal, kung saan dumadaan ang 40% ng mga kalakal na iniimport at inieksport ng US.

Para arestuhin ang pagsadsad ng produksyon sa US, bukambibig ni Trump sa panahon ng kampanya ang pagtataas ng taripa (10%-20%) sa lahat ng mga produktong pumapasok sa US mula sa ibang bansa, kabilang ang mula sa Pilipinas. Pinakamataas ang balak niyang ipataw na taripa (hanggang 60%) sa mga produkto mula sa China, na itinuturing ng US bilang estratehikong karibal.

Kasabay nito, inaasahang patuloy na magpapataw si Trump ng mga sangsyon o hakbanging panggigipit sa ekonomya ng Venezuela, Cuba, Iran at mga bansang nagtataguyod ng kanilang kasarinlan.

Sa ilalim ni Trump, walang inaasahang pagbabago sa mapandigmang pakikitungo ng US sa karibal nitong mga imperyalistang China at Russia. Sa likod ng kanyang mga pahayag na “kontra-gera” ang militaristang paninindigang “kapayapaan sa pamamagitan ng lakas.” Ang itinutulak niyang tigil-putukan sa pagitan ng Russia at Ukraine ay nakaangkla sa pagtanggap ng Russia sa mga kundisyon ng US. Habang pinakikitunguhan ang Russia at Ukraine, pinalalakas ni Trump ang kanyang ugnayan sa maka-Kanan at neo-pasistang mga partido at rehimen sa EU.

Inaangkin ni Trump ang pagkakabuo ng kasunduang tigil-putukan sa Gaza Strip, na nagsimula sa Enero 19. Walang katiyakang magtatagal ang kasunduang ito, lalupa’t kilala ang Israel sa kawalang-galang sa anumang alituntunin at kasunduan. Katunayan, araw-araw nitong nilalabag ang tigil-putukang pinasok nito sa Lebanon.

Ipagpapatuloy ni Trump ang maka-Zionista at mapandigmang patakaran sa Middle East. Mula pa sa kanyang unang termino, buo ang kanyang suporta sa rehimen ni Benjamin Netanyahu at sa okupasyon ng Zionistang estado sa mga teritoryo ng Palestine at lampas pa. Pinuri niya ang Abraham Accords kung saan ipinatanggap at ginawa niyang lehitimo ang pakikipag-ugnayan ng Zionistang estado sa mga bansang Arabo.

Tiyak na patitindihin ni Trump ang panunulsol ng US ng gera sa China. Ang rehimen ni Trump ang nagbuo noong 2017 sa estratehiyang Free and Open Indo-Pacific, na nagtulak para sa mas malawak na presensyang militar ng US sa Asia, partikular sa South China Sea. Idineklara na ng napili niyang kalihim ng state department na “kukumprontahin” ni Trump ang China, pangunahin sa pamamagitan ng pag-aarmas at pakikialam nito sa Taiwan. Matatandaang si Trump ang unang nagpatupad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement sa Pilipinas at nagtulak para sa unang limang base militar ng US sa bansa.

Pangalawang paghahari ni Trump, banta sa mga manggagawa at mamamayan sa US at buong mundo