Rebolusyonaryong patakaran sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon

,

Upisyal nang nagsimula ang panahon ng reaksyunaryong eleksyon sa bansa noong Enero 12. Magtatagisan at magsusuwagan dito ang mga kandidato para masungkit ang hindi bababa sa 18,000 pusisyon sa gubyerno at pakinabangan ang burukrata-kapitalistang sistema. Maggigitgitan dito ang malalaking warlord at mga dinastiya sa pulitika at sabay-sabay nilang yuyurakan ang kapakanan ng mamamayan. Gamit nila ang kanilang mga armadong maton, pulis at pwersang militar.

Sa harap nito, mahigpit na ipatutupad ng rebolusyonaryong kilusan ang umiiral na mga patakaran sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon sa saklaw na erya ng operasyon. Sa atas ng Partido, titiyakin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pangangalaga sa kapakanan, mga karapatan at interes ng mamamayan.

Marapat na ipaalala sa lahat ng mga naghahabol ng pwesto sa reaksyunaryong gubyerno na ang mga patakaran ay mahigpit na ipatutupad sa mga rebolusyonaryong erya. Ang mga kandidato at kanilang mga tagasuporta ay pahihintulutang mangampanya alinsunod sa mga umiiral na alituntunin.

Pinagbabawalan ang mga pulitiko na magdala ng mga armadong maton at mga eskort na pulis at militar na karaniwang ginagamit para sindakin ang taumbayan. Ang iba pang anyo ng pamimilit, paggamit ng armadong karahasan ay hindi palalampasin, lalo na ng mga burukrata-kapitalista na gumagamit sa pondo ng bayan laban sa mamamayan. May bisa ang mga atas sa BHB na samsamin ang mga armas ng mga kandidato at kanilang mga armadong maton. Kung kailangan, ipatutupad ito sa pamamagitan ng mga tsekpoynt at iba pa.

Dapat targetin ng BHB ang mga yunit ng AFP at PNP, pati na rin ang mga armadong maton ng mga reaksyunaryong pulitiko, na gagamitin ang kampanya sa halalan sa mga larangang gerilya bilang pantabing sa mga operasyong paniniktik laban sa Partido, sa BHB, sa demokratikong gubyernong bayan at sa rebolusyonaryong masa.

Bago mangampanya sa mga rebolusyonaryong erya, kinakailangang magpabatid ang mga pulitiko at makipag-ugnayan sa mga lokal na yunit ng BHB. Mahalaga ang koordinasyong ito upang maiwasan ang anumang insidente, kabilang ang mga komprontasyon sa pagitan ng mga armadong maton ng magkakalabang pulitiko.

Tiyak na gagamitin ng AFP ang reaksyunaryong eleksyon para patindihin ang mga operasyong kombat nito, pampulitikang panunupil at pagkontrol sa mga barangay sa kanayunan sa balangkas ng gerang kontra-insurhensya. Sa kabilang panig, babatakin din nito ang AFP at PNP na obligadong ikalat sa iba’t ibang bayan na tutukuying “red, orange at yellow-risk” batay sa tindi ng banggaan ng mga lokal na pulitiko, pati na “presensya” ng BHB. Ang mga yunit pangkombat ng AFP ay lehitimong target ng BHB.

Mahigpit na hinimok ng Partido ang mga kandidato na tanggihan ang mga alok ng armadong seguridad mula sa AFP, dahil ito ay ginagamit lamang ng militar upang isagawa ang pampulitikang panunupil. Madalas, ang mga burukratang pinapaboran ng militar ay sila ring nakikipagsabwatan sa pasistang kampanya ng panunupil sa kanayunan. Pinakalayunin ng kanilang mga operasyon na supilin ang paglaban ng mamamayan at protektahan ang interes ng mga malalaking panginoong maylupa, malalaking negosyo at mga dayuhang kumpanya sa pagmimina at plantasyon.

Sa kabila ng paulit-ulit na pagdeklara na iisa na lamang ang “mahinang larangang gerilya” ng BHB, inihayag ng Philippine Army na sila’y “nanatiling alerto at patuloy na magsasagawa ng mga operasyon para sa internal na seguridad” upang matiyak ang “kapayapaan at kaayusan” ng halalan. Ang mga operasyong ito ay nagtataguyod ng mga taktika ng “guns, goons and gold” na katangian ng lahat ng mga reaksyunaryong eleksyon.

Rebolusyonaryong patakaran sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon