Tigil-putukan sa pagitan Palestine at Zionistang Israel, sinimulan na

,

Matapos ang 460 araw na brutal na pambobomba at paglusob ng Zionistang Israel sa Gaza, nabuo ang kasunduan sa tigil-putukan sa Gaza Strip. Inianunsyo ito noong Enero 16 ng gubyerno ng Qatar, ang nagsilbing tagapamagitan sa usapan, kasama ang US at Egypt. Nagkabisa ang unang yugto ng kasunduan noong Enero 19.

Sa isang pahayag, pinuri ng Hamas ang katatagan at kadakilaan ng mamamayang Palestino na tumulak sa Israel na sumang-ayon sa isang tigil-putukan. Malaking pihit ang kasunduan sa harap ng pangako ng Israel na hindi nito ititigil ang pananalakay hanggang sa “absolutong tagumpay.” Binigo ng mga Palestino ang plano ng Israel na palayasin sila at gapiin ang kanilang hangarin para maging malaya sa okupasyon at agresyon nito.

“Ang kasunduan upang wakasan ang agresyon sa Gaza ay isang tagumpay ng ating mamamayan, ng ating paglaban, at ng malayang mamamayan ng mundo,” ayon sa Hamas. Pinangunahan ng Hamas, kasama ang Palestinian Islamic Jihad, Popular Front for the Liberation of Palestine at iba pang grupong Palestino ang magiting na pagtatanggol sa Gaza sa loob ng 15 buwan. Nagpasalamat ang mga grupo sa lahat ng suporta sa kanilang paglaban sa ibayong dagat.

Pinarangalan nila ang ang mga namartir na mandirigmang Palestino sa kanilang “magiting at matatag na paglaban” sa harap ng brutalidad ng Israel at US. Ipinagluksa nila ang lahat ng mga inosenteng bata na pinaslang at lahat ng inapi at pinahirap ng Zionistang estado.

Dadaan sa tatlong yugto ang tigil-putukan. Ang una ay katatampukan ng agad na pagtigil sa labanan at pagpapalaya ng Hamas sa hawak nitong 33 Israeli (mga bata, babae at matatandang edad 50 pataas) kapalit ng pagpapalaya ng Israel ng hanggang 1,000 bilanggong Palestino. Sa yugtong ito, oobligahin ang Israel na umatras mula sa mga sentro ng populasyon ng Gaza at bigyang daan ang pagpasok ng higit na kinakailangang ayuda para sa mga pamilyang Palestino.

Sa pangalawang yugto magaganap ang lubos na pag-atras ng Israel sa Gaza at dagdag na palitan ng mga bilanggo. Sa pangatlong yugto sisimulan ang rekonstruksyon ng teritoryong pinulbos ng mga airstrike ng Israel. Lahat ng mga detalye sa pangalawa at pangatlong yugto ay isasalang sa negosasyon habang ipinatutupad ang unang yugto ng kasunduan, na tinatayang magtatagal ng tatlong linggo.

Binati ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), kasabay ng mga demokratikong organisasyon sa buong mundo ang tigil-putukan. Gayunpaman, batid ng lahat na hindi nito tinatapos ang Zionistang okupasyon at gerang henosidyo. Sa araw mismo ng anunsyo noong Enero 16, nagsagawa ang Israel ng panibagong serye ng pambobomba. Sa loob ng 24 oras, 101 Palestino ang napatay at 264 ang nasugatan sa mga airstrike nito.

“Saluduhan natin ang lahat ng mga mandirigma sa kanilang katapangan at galing sa paglaban para magkamit ng mga tagumpay para sa mamamayang Palestino sa larangan ng digma at negosasyon,” ayon sa PKP. Ipinakita ng mamamayang Palestino na gaano man katindi ang terorismo ng Israel, hindi nito naggapi ang kanilang diwang palaban at determinasyon na maabot ang kanilang inaasam na paglaya.

Noong Enero 17, umabot na sa 46,788 Palestino ang pinatay ng Israel sa pinaarangkadang gerang henosidyo nito sa Gaza sa nakaraang 15 buwan. Kabilang dito ang 18,000 mga bata. Nasa 110,265 ang sugatan, kung saan 25% ay lubhang nasugatan. Mahigit 90% ng populasyon ng Gaza ay napalayas sa kanilang mga tirahan.

Tigil-putukan sa pagitan Palestine at Zionistang Israel, sinimulan na