Hambalos ng matataas na presyo ng bigas at ibang bilihin sa mamamayang Pilipino

,

Imbes na bigas na tig-₱20 kada kilo, kamatis na tig-₱20 kada piraso ang sumalubong sa mga Pilipino pagpasok ng 2025. Bago magtapos ang Enero, iindahin din ng mamamayan ang aabot sa 10% pagtaas sa presyo ng 60 batayang produkto, hanggang ₱2.70/litro muling pagsirit ng mga produktong petrolyo, at patong na ₱15 kada biyahe sa LRT. Ang mga dagdag pasaning ito ay papatong sa nauna nang ibinalitang dagdag singil sa kuryente at tubig at dagdag kaltas sa sweldo ng mga naghuhulog sa SSS o Social Security System. (Tingnan ang kaugnay na artikulong “Mala-sakunang pinsala ang hatid ng rehimeng US-Marcos sa mamamayan,” Ang Bayan, Enero 7, 2025).

Hindi lamang inutil, pananagutan mismo ng rehimeng Marcos ang tuluy-tuloy na pagtaas ng singil at presyo ng mga bilihin, laluna ng bigas, na nagpapasadsad sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino. Imbes na palakasin at suportahan ang lokal na produksyon ng bigas, lalo nitong ibinukas ang lokal na merkado sa pagbaha ng mahal na imported na bigas. Palpak ang patakarang pagbabawas ng taripa sa imported na bigas na ipinatupad bilang pabor sa malalaking importer at ismagler ng bigas.

Inamin mismo ng mga upisyal ng Department of Agriculture sa mga pagdinig sa Kongreso noong Disyembre 2024 at nitong Enero ang kainutilan ng pagbaba ng taripa para ibaba ang presyo ng bigas. Anila, bumaba ang “landed cost” ng imported na bigas nang hanggang ₱8 pero nananatiling lampas ₱50 ang presyo ng inangkat na bigas sa merkado. Laganap ang hoarding (pagtatago ng suplay) para panatilihing mataas ang presyo. Noong Disyembre 2024, ang abereyds na presyo kada kilo ng well-milled na bigas ay ₱54.97. Ito ay 23.3% o ₱10 mas mataas kaysa ₱44.54 kada kilo noong Disyembre 2023. Sa kabilang banda, bumagsak nang hanggang ₱10 ang bilihan ng lokal na palay kada kilo sa parehong panahon.

Resulta ng walang awat na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin ang pagbagsak ng tunay na halaga ng piso. Noong 2024, ang tunay na halaga ng isang daang piso ay ₱79 na laman. Ang nabibili noong 2018 na ₱100 ay mangangailangan na ngayon ng ₱121.

Sangkatlo ng pinagkakagastusan ng mga pamilyang Pilipino ay pagkain. Sanhi nito, mas mataas ang tantos ng implasyon sa pinakamahihirap na pamilya. Anumang pagtaas sa presyo, gaano man ito kaliit, ay magdudulot ng pagbulusok sa kanilang kakayahan na bumili at tugunan ang kanilang batayang mga pangangailangan.

Sunud-sunod na sakuna

Pinalala ang matataas na presyo ng bilihin ng pinsalang idinulot ng sunud-sunod na sakuna at kainutilan ng rehimen na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa harap nito. Ang hambalos ng importasyon ay laong pinatindi ng pagpasok ng siklo ng isa sa pinakamatinding El Niño Southern Oscillation (ENSO) mula pa kalagitnaan ng 2023. Sa unang hati ng 2024, pumalo ang buntot ng El Niño na nagresulta sa matinding tagtuyot sa 12 prubinsya. Napinsala nito ang kabuhayan ng mahigit 300,000 magsasaka sa 17 prubinsya at sumira sa pananim na nagkakahalaga ng ₱15.3 bilyon.

Sinundan ang tagtuyot ng malalakas na pag-ulan, bagyo at ulang hatid ng shearline (kung saan nagbabanggaan ang mainit at malamig na hangin) na nagdala naman ng mga pagbaha at pagguho ng lupa at umanod sa mahihinang tulay, kalsada at gusali. Dumaan sa bansa ang 18 bagyo noong 2024. Magkakasunod na humambalos ang anim na bagyo noong Oktubre 27, 2024-Nobyembre 18, 2024 na puminsala sa ari-arian at kabuhayan ng 15 milyong katao sa 17 rehiyon, pinakamarami at pinakamatindi sa Bicol, Cagayan Valley, Central Luzon at Ilocos. Umabot sa ₱21 bilyon ang pinsala ng anim pa lamang na bagyong ito sa agrikultura at imprastruktura. Sa kasagsagan ng mga bagyo, umabot sa 2.9 milyong katao ang napilitang lumikas.

Sa pagtaya ng ahensyang Pag-asa, makararanas ang bansa ng 6-8 bagyo sa unang hati ng 2025, dulot ng pagpalo ng penomenang La Nña na bahagi ng ENSO. Ang La Nina ay dala ng mas malamig kumpara sa normal na temperatura sa karagatan sa Pacific, kung saan namumuo ang mayorya ng sama ng panahon.

Nitong Enero lamang, maraming bayan at sakahan sa Eastern Visayas, Bicol at Davao ang nalubog sa baha dulot ng tuluy-tuloy na ulan at malalakas na hangin. Tulad ng milyun-milyong napinsala, marami sa kanila ay walang natatanggap na tulong mula sa reaksyunaryong gubyerno para makabangon mula sa sakuna.

Hambalos ng matataas na presyo ng bigas at ibang bilihin sa mamamayang Pilipino