Determinasyon ng mga komiteng panrehiyon na sumulong sa landas ng kilusang pagwawasto

,

Malinaw ang tugon ng iba’t ibang komiteng panrehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kilusang pagwawasto na ipinanawagan ng Komite Sentral. Ipinahayag ng mga namumunong komite ang kanilang pagpupunyagi at patuloy na pagsisikap na iwasto ang mga naging kahinaan at pagkakamali sa nagdaang mga taon upang mapagpasyang makaabante sa iba’t ibang larangan ng gawain sa kani-kanilang saklaw na erya ng operasyon.

Mga tagumpay sa Southern Tagalog

“Dapat ipagbunyi ang mga tagumpay ng kasalukuyang kilusang pagwawasto sa rehiyon,” pahayag ng komite sa Southern Tagalog na inilabas ng kalihiman nito. Ibinahagi ng komite na pinagtibay, hinawakan at isinakatuparan ng Partido sa rehiyon ang mga tungkulin sa kilusang pagwawasto. Kabilang dito ang pagpapatapos sa kampanyang pag-aaral sa mga araling pampartido sa halos limang libong kasapi ng Partido sa kanayunan at kalunsuran.

Anito, kalakhan ng mga komite ng Partido ay matagumpay na nakapaglunsad ng kani-kanilang komprehensibong paglalagom sa kanilang praktika sa nakaraang limang taon. “Ang mga paglalagom na ito ay ibayo pang nagpalalim sa mga naunang natukoy na mga usapin sa mga pinagtibay na paglalagom sa antas ng komiteng rehiyon,” pahayag ng Kalihiman.

Nakatulong din ang mga paglalagom para higit pang patalasin ang mga nasuri at natukoy na kamalian at kahinaan sa mga subrehiyon/probinsya at mga larangan bilang mga partikular na anyo ng empirisismo mula 2019 hanggang 2022. Dagdag ng kalihiman, “Tinukoy ang mababaw, panlabas at makaisang panig na pagsapol sa kalagayan at mga bagay, kamalian sa istatikong pagtingin sa mga bagay dahilan upang maging lipas ang hawak na kaalaman at hindi lumapat sa obhetibong kalagayan ang kaalaman at sa gayon ay [nakaaapekto sa] nabubuong mga plano’t patakaran.”

Ipinahayag ng Kalihiman na “determinado itong ibayo pang palalimin at palawakin at dalhin hanggang sa tagumpay ang kasalukuyang kilusang pagwawasto.” Gayunman, makatotohanan ding ipinahayag nito na habang may malaking pagsulong ay hindi pa nagkakaroon ng mapagpasyang pihit sa pag-ampat sa mga pinsala at pag-atras ng mga rebolusyonaryong gawain at pwersa sa kanayunan at kalunsuran ng rehiyon habang may bahagi pang nagpapatuloy ang pag-atras.

Pagpupunyagi sa Negros Island

Tuluy-tuloy na pinagtitibay ng Komiteng Rehiyon sa Negros Island ang panawagan ng Komite Sentral para sa kilusang pagwawasto. Sa nagdaang taon, iniulat nito ang pagbabalik-aral ng Partido at mga kasapi sa nauna na nitong nabuo na 22 taong sumada ng rebolusyonaryong pakikibaka sa isla mula gitnang bahagi ng dekada 1990. Ibinahagi nila na ito ang tinuntungan ng Komite para sa 5-taong paglalagom para sa 2017-2022.

“Nakapag-ipon tayo ng ginintuang mga aral bilang matibay na batayan sa pangkabuuang plano at direksyon na higit pang makapagpapalakas sa pundasyon ng ating Partido,” pahayag ng Komite hinggil sa pagsusuma. Tinukoy nito ang positibong karanasan ng kolektibong pagsusuma ng mga gawain ng bawat komite hanggang sa antas ng larangang gerilya.

Isinulong ng Komite ang kampanyang pag-aaral sa mga dokumentong inilabas ng Komite Sentral na dapat tuluy-tuloy na pag-aralan. Kabilang dito ang tatlong-antas na kurso ng Partido na isinagawa sa iba’t ibang organo at masang kasapian batay sa naging plano sa edukasyon ng rehiyon. Lumitaw sa hanay nila ang bagong mga instruktor at mga bagong kasapi ng Partido.

Pagbabahagi pa nila, habang pinag-aaralan ang teoretikal na mga akdang ito, praktikal na nakatulong sa rehiyon ang kolektibong pag-aaral sa Rebolusyon, ang teoretikal na dyornal ng Partido, at mga memorandum mula sa Komite Sentral para pangibabawan ang mga maling gawi at ideya. Malaki umano ang naging tulong ng pagsasalin ng mga dokumento, kurso at babasahin tungong wikang Hiligaynon para sa mas madaling pag-unawa ng mga kasapi, laluna ang mga nagmula sa batayang uri.

Sa harap ng mga focused military operations (FMO) ng rehimeng US-Marcos, nakapagpunyagi ang Partido at hukbong bayan sa rehiyon sa tulong ng kilusang pagwawasto. Nagawa nitong palawakin ang kinikilusang erya ng limang larangang gerilya sa isla kung ikukumpara sa nakaraang taon. “Sa gitna ng mga sakripisyo at hirap sa pagsulong ng armadong rebolusyon, napigilan ang “trend” ng pag-atras. Sa halip, lumago ang BHB ngayong taon kumpara sa nakaraang taon,” anang Komite.

Lumitaw ang panibagong lakas na may kumpyansa sa hanay ng mga Pulang mandirigma dahil sa naabot na konsolidasyon at mga pagsasanay sa pulitiko-militar. Hindi bababa sa 36 na mga opensiba ang inilunsad ng Pulang hukbo sa nagdaang taon. Nakumpiska nito ang 17 mga armas, bala at iba pang kagamitang militar na mag-aarmas sa bagong mga rekrut ng BHB. Naging tugon ito ng BHB sa panawagan para sa hustisya ng napakaraming biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng militar at pulis.

Determinasyon ng mga komiteng panrehiyon na sumulong sa landas ng kilusang pagwawasto