Editoryal

Itulak ang pagpapanagot sa mga Duterte at paglaban sa anti-mamamayang rehimeng Marcos

, ,

Taliwas sa hinihinging katarungan ng sambayanang Pilipino, nagbabagal-bagal ngayon si Marcos sa pagtulak ng impeachment o pagsasakdal sa Kongreso kay Vice President Sara Duterte, at sa pagpapa-aresto kay dating President Rodrigo Duterte para humarap sa International Criminal Court. Ito ay sa kabila ng naghuhumiyaw na mga ebidensya ng malalang korapsyon ni Sara, at mga krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo.

Sinusunod ni Marcos ang payo ng among imperyalistang US na pahupain ang pakikipagsalpukan niya sa mga Duterte upang hindi maaligaga ang mga dayuhang monopolyo kapitalistang namumuhunan sa bansa. Sa halip na pakinggan ang sigaw ng taumbayan para sa katarungan, iniuuna ni Marcos ang konsolidasyon ng kanyang poder para unti-unting alisan ang mga Duterte ng kapangyarihan at impluwensya. Kabilang sa mga hakbanging ito ang ginagawang “loyalty check” at pagbalasa ng mga upisyal ng AFP at PNP at reorganisasyon ng National Security Council.

Pinakalayunin ni Marcos ang mas pahigpitin ang kontrol sa kapangyarihang pampulitika para pangalagaan ang pansariling burukrata-kapitalistang interes. Isang pangunahing pinagtutuunan ngayon ng pansin ni Marcos ay ang paparating na eleksyon sa Mayo. Ginagamit niya ang buong lakas ng estado at pondong pampubliko para tiyakin na makokontrol ng kanyang mga alipures ang Senado, Kongreso at mga lokal na gubyerno. Ang konsolidasyon ng poder ni Marcos ay ginagamit niya laban sa sambayanan at laban sa mga karibal niya sa pulitika.

Sa tangkang lunurin ang sigaw ng taumbayan para sa katarungan at sindakin ang mga kongresista at grupong nagtutulak ng impeachment, gumastos ang mga maka-Duterteng lider ng Iglesia ni Cristo ng daan-daang milyong piso upang tipunin ang milyong kasapi nito sa mga rali noong nagdaang linggo. Ginamit ang mapanlinlang na temang “pagkakaisa at kapayapaan” upang tabunan ang hinihingi ng bayan na katarungan at sigaw para papanagutin ang kinamumuhian nilang mag-amang Duterte.

Mahigit isang buwan na ang lumipas mula nang sunud-sunod na isinampa ang tatlong kaso ng impeachment sa Kongreso. Subalit sa kumpas ni Marcos, na nagsabing ang impeachment ay “pagsasayang ng panahon” at “hindi pa napapanahon,” wala pa ni isa sa tatlong ito ang sinimulang iproseso. Pinalalabas ng iba na hinihintay ni Marcos na matiyak na hawak niya ang mayorya sa Senado upang siguradong mahatulan si Sara Duterte. Ang totoo, nagbibingi-bingihan si Marcos sa sigaw ng taumbayan at sinasagkaan at dinidiskaril ang inisyatiba ng iba’t ibang demokratikong sektor na papanagutin si Sara Duterte at amang si Rodrigo.

Ang pag-aantala ni Marcos sa kaso ng pagpapatalsik kay Sara Duterte ay lalong gumagatong sa galit ng sambayanang Pilipino. Hindi nila maatim na makita na patuloy na namamayagpag ang bise presidente na pasimuno sa maanomalyang paglustay sa daan-daang milyong pisong pera ng bayan. At lalong hindi nila maatim na ang bilyun-bilyong pisong badyet ng reaksyunaryong gubyerno na nagmula sa binayarang buwis ng karaniwang mamamayan ay ibinubulsa ng mga tiwaling upisyal ng gubyerno, sa pangunguna ng burukrata-kapitalistang si Marcos.

Lalong lumalalim ang poot ng sambayanang Pilipino sa harap ng palala nang palalang krisis sa kabuhayan, laluna sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng pagkain, langis at iba’t ibang bilihin sa unang mga linggo ng 2025. Patuloy na nagbibingi-bingihan si Marcos sa sigaw ng mga manggagawa at karaniwang kawani na itaas ang sahod at sweldo, na kulang na kulang para mabuhay nang disente ang mga pamilyang Pilipino.

Walang solusyon ang rehimeng Marcos sa matinding problema ng malawakang disempleyo, at hinahayaan na lamang ang mga tao na kanya-kanyang maghanap ng kanilang ikabubuhay. Mas malala pa, pinagkakaitan ng pagkakakitaan ang milyun-milyong magsasaka, mangingisda, mga drayber ng dyip at iba pang sektor sa harap ng tangka ng mga burges-kumprador at kasabwat na dayuhang mga kumpanya at bangko na agawin ang kanilang lupa at kabuhayan.

Sa harap ng malawak na pagdurusa at pagkasadlak sa kabuhayan ng taumbayan, papatinding panunupil ang tugon ng rehimeng Marcos sa tangkang busalan ang kanilang mga hinaing. Patuloy na dumarami ang kaso ng pagmamanman, panggigipit sa mga organisasyon, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pag-aaresto, tortyur at ekstra-hudisyal na pamamaslang laban sa karaniwang mamamayang nagbubuklod para ipaglaban ang kanilang interes at kapakanan. Todo-todo ang paggamit ngayon ni Marcos sa mga batas “kontra-terorismo” para sa panunupil sa mga karapatan. Mas malala ang sitwasyon sa kanayunan kung saan tahasang batas militar ang ipinapataw sa libu-libong mga barangay na kinokontrol at pinaghahari-harian ng mga pasistang sundalo.

Upang isulong ang kapakanan at karapatan ng masa ng sambayanang Pilipino, dapat puspusang bigkisin ang kanilang hanay at bigyan ng makapangyarihang hugis ang kanilang poot sa mga krimen at kasalanan ng mga Duterte, at sa nagpapatuloy na burukrata-kapitalista at pasistang paghahari sa ilalim ni Marcos. Ibayong palakasin ang malawak na nagkakaisang prente para tipunin ang lahat ng sektor, organisasyon at mga indibidwal sa panawagang panagutin ang mga Duterte. Dapat buuin ang iba’t ibang anyo ng samahan at mga alyansa, pormal man o hindi pormal, upang mahikayat ang pinakamalawak na masa na lumahok sa iba’t ibang anyo ng pagkilos at pamamahayag ng hinaing.

Kailangang mapagpasyang isulong ang demokratikong kilusang masa para papanagutin ang mga Duterte at palakasin ang laban sa paniningil sa mga Marcos at sa kabuuang burukrata-kapitalistang sistema. Napakainam ng sitwasyon upang pukawin ang masa at mabilis na palawakin ang kanilang organisadong hanay. Mataba ang lupa upang maramihang pausbungin ang mga unyon at samahang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan.

Sunggaban ang napakainam na sitwasyon upang isulong ang pang-ekonomya at pampulitikang mga laban ng masa at magkamit ng mga tagumpay sa kanilang mga pakikibaka. Dapat iugnay ang mga iyon sa paglaban sa rehimeng US-Marcos at sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan.

Dapat puspusang kumilos at ibayong magpakatatag ang mga kadre at kasapi ng Partido upang magsilbing ubod sa mga paglaban ng masa. Sila ang tanglaw at gabay sa pagsulong ng masa sa mahirap na landas ng paglaban. Dapat buuin ang mga lihim na organisasyong masa na tuwirang sumusuporta sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, at pumupukaw sa masa na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Itulak ang pagpapanagot sa mga Duterte at paglaban sa anti-mamamayang rehimeng Marcos