Panggigipit sa mga kandidato ng Koalisyong Makabayan, tumitindi

,

Sa papalapit na halalang mid-term, tumitindi ang atake at panggigipit ng rehimeng Marcos at armadong pwersa nito laban sa mga kandidato at partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan.

Noong Enero 15, humarap sa Office of the City Prosecutor of Manila ang mga kandidato pagkasenador ng Makabayan para maghain ng kontra-salaysay sa kasong iligal na asembleya o paglabag sa Public Assembly Act o Batas Pambansa 880 na isinampa sa kanila ng mga pulis. Kaugnay nito ng kilos protesta noong Nobyembre 30, 2024, Araw ni Bonifacio, sa Mendiola sa Maynila.

Sampu sa 11 kandidato ng koalisyon ang idinawit sa kaso kasama ang nominado ng Bayan Muna Party-list, mga lider ng Alliance of Concerned Teachers at Alliance of Health Workers. Matatandaang nauna nang kinasuhan sina KMU Chairperson Elmer “Ka Bong” Labog at Nilo Mortifero, kasapi ng Bayan Muna na iligal na inaresto ng mga pulis sa araw ng protesta.

Noong Enero 10, naglabas ng memorandum ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nag-atas na “mahigpit na bantayan” ang mga bilanggong hinihinalang may kaugnayan sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) o mga alyado nito. Tinukoy rin sa atas na dapat bantayan ang kandidato pagkasenador na si ACT Teacher’s Rep. France Castro dahil sa madalas na pagbisita sa bilangguan. Pinalalabas na inuutusan niya umano ang mga bilanggong pulitikal na kumubra ng pondo mula sa mga “drug trafficker” sa kulungan. Dumarami din ang natatanggap ni Castro na banta sa kanyang buhay.

Samantala, halos araw-araw ang paglalabas ng National Task Force-Elcac ng mga pahayag ng Red-tagging at pagpapakalat ng kasinungalinan laban sa Makabayan, mga partido at kandidato nito.

Panggigipit sa mga kandidato ng Koalisyong Makabayan, tumitindi