Sadyang pagpaslang, iligal na pag-aresto at pambubugbog, naitala sa Negros Island

,

Walang-tigil ang karahasang militar na inihahasik ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Negros Island. Sa unang mga linggo pa lamang ng Enero, mayroon nang mga kaso ng ekstra-hudisyal na pagpaslang, iligal na pag-aresto at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao ang mga berdugo.

Pagpatay. Sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 15th IB ang naaresto nitong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) na si Rodney Lumanog (Ka Wanny) noong Enero 10 sa Sityo Cambogui-ot, Barangay Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental. Ayon sa yunit ng BHB, buhay na nadakip si Ka Wanny kasunod ng isang armadong labanan sa naturang lugar.

Ayon sa mga ulat, tinortyur siya bago pinaslang ng mga sundalo. Mayroong kapansanan sa paa si Ka Wanny dahil sa isang operasyon noon pang dekada 1990 at pinalitan ng stainless ito.

Pag-aresto. Sa Sityo Palosais, Barangay Mahalang, inaresto ng 94th IB ang isang nagngangalang Dado Sanchez noong Enero 14. Ayon sa mga residente, nagtungo ang biktima sa kanyang ulingan at pagkatapos ay hindi na nakabalik. Pinilit umano ng mga sundalo si Sanchez na magsilbing giya sa operasyong kombat ng mga ito.

Sa Sityo Nahulop, Barangay San Antonio, dinakip ng mga sundalo sina Aira Gonzales at Alfredo Hilado noong Enero 15. Binugbog naman ang asawa ni Gonzales na si Joseph at ang kasama niyang kapitbahay. Pinalalabas na nakumpiska sa kanila ang isang .45 kalibreng pistola, mga command-detonated explosive, at mga dokumento. Sa araw ding iyon, ligal na kinumpiska ng mga sundalo ng 94th IB ang mga selpon ng mga residente ng Sityo Nahulop.

Pagbabanta. Noong Enero 3, pinagbantaan ng mga sundalo ng 94th IB na babarilin ang mag-asawang Tasi at kanilang mga kapitbahay sa Sityo Kambudlis, Barangay Mahalang.

Panggigipit. Sinampahan ng kasong “terrorism financing” ang dalawang upisyal ng United Methodist Church (UMC) at isang drayber noong Disyembre 2024. Pinararatangan ng mga pwersa ng estado sina Rev. Julius Neri Camannong at Rev. Joel Ordaneza ng UMC sa Zamboanga Sibugay, at drayber na si Romeo A. Russell na nagbigay ng tulong pinansyal sa mga “terorista.”

Ang kaso ay kaugnay ng pagbibigay sangtwaryo ng mga pastor sa ginigipit na mga tagapagtanggol na karapatang-tao nong Enero 2024 sa Zamboanga Sibugay. Ginamit na batayan ng mga pulis ang salaysay ng dating aktibista at ngayo’y ahente ng estado na si Nelson Bautista Jr para kasuhan ang mga biktima.

Sadyang pagpaslang, iligal na pag-aresto at pambubugbog, naitala sa Negros Island