3 pinaslang ng AFP sa mga pekeng engkwentro sa Mindoro at Negros
Dalawang kaso ng pekeng engkwentro ang naitala sa Mindoro at Negros sa loob lamang ng isang linggo kung saan tatlo ang pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Tahasang paglabag sa internasyunal na makataong batas at alituntunin ng digma ang sadyang pagpatay ng AFP sa mga biktima.
Sa Negros Occidental, dinampot ng mga ahente ng Crime Investigation and Detection Group sina Noynoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim) noong Marso 7, alas-7 ng gabi, sa isang barangay sa Bacolod City. Kinabukasan, pinalabas silang napaslang sa isang armadong engkwentro ng AFP at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City. Ayon sa BHB-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command), ang dalawan ay ipinailalim sa tortyur bago sadyang pinaslang.
Sa Oriental Mindoro, pinabulaan ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) na Pulang mandirigma ang sinasabi ng 4th IB na napaslang nito sa isang “engkwentro” noong Marso 14 sa Sitio Cabuyao, Barangay Panaytayan, Mansalay. Anang hukbong bayan, walang yunit o elemento ng BHB sa naturang barangay sa panahong iyon. Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.
Sa parehong insidente, pinalabas ng AFP na mayroong nasamsam na mga armas, bala at pampasabog mula sa mga biktima.
Pag-aresto. Inaresto at tinangkang itago ng mga pwersa ng 3rd Special Forces Battalion ang lider-Lumad Manobo na si Michelle Campos at tatlo pa niyang kasama. Bumibyahe sila noong Marso 5 ng gabi sa Barangay Das-agan, San Francisco, Agusan del Sur. Nakausap lamang sila ng mga grupo sa karapatang-tao noong Marso 11 sa isang ospital sa Prosperidad.
Samantala, hindi pa rin natutunton ang kinaroroonan ng lider-Lumad na si Genasque Enriquez na inaresto noong Marso 2. Sina Campos at Enriquez ay mga kilalang tagapagtaguyod ng karapatan ng kanilang komunidad sa Lianga, Surigao del Sur laban sa malalaking korporasyon ng pagmimina at pagtotroso.
Pananakit. Dinakip at binugbog ng 94th IB si Alberto Piaduche noong Marso 9 ng gabi habang sakay ng motorsiklo sa Sityo Tuyuman, Barangay Caradio-an, Himamaylan City sa paratang na sila ay myembro ng BHB. Kasama niya noon ang isang kanaak. Ayon sa ulat, spilitang pinasakay sa isang pick-up truck ang dalawa at dinala sa loob ng hedkwarters ng militar. Doon binugbog si Piaduche at pinaaamin na may ugnayan sa hukbong bayan. Pinakawalan sila nang maghatinggabi.