Koresponsal “Tour of duty” sa BHB
Isang buwang sumanib sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Tagalog sina Ka Cloud at Ka Malen bilang bahagi ng kanilang “tour of duty” o TOD. Ang “TOD,” integrasyon o pakikipamuhay ay iba-ibang katawagan sa paglubog ng mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa at Partidista mula sa kalunsuran sa BHB para magkaroon ng kongkretong karanasan sa armadong rebolusyon.
Galing sa uring petiburges sina Ka Cloud at Ka Malen. Hindi sila sanay sa buhay sa kabundukan. Madalas silang nahirapan, lalo na sa paglalakad, pero masaya pa ring nangahas na umangkop sa manera ng hukbo. Sumabay sila sa pagbagtas sa matatarik at madudulas na tereyn, paggawaing masa, pagsasanay militar at paggampan sa mga gawaing teknikal.
Para kay Ka Cloud, pinakamabubuting taong nakilala niya ang nakapiling na mga Pulang mandirigma. Nasaksihan niya ang kapasyahan ng mga mandirigma sa harap ng maraming hamon ng buhay gerilya. Nakita niya ang kaseryosohan ng Pulang hukbo sa pagtalima sa kilusang pagwawasto at pag-igpaw sa mga kahinaan.
Habang nakasanib, nagsanay si Ka Cloud bilang upisyal sa lohistika. Naging responsibilidad niya ang pag-imbentaryo ng suplay, pagpapagana ng kusina at pagtitiyak ng pagkain ng yunit. Sa umaga pa lamang, bubungad na sa kusina ang “Good morning, mga kasama!” ni Ka Cloud.
Lubos naman ang pagpapasalamat ni Ka Malen sa pagtuwang at pag-unawa ng mga kasama sa kanyang mga kahirapan sa pag-angkop sa buhay sa sona. Nagsanay siya bilang giyang pampulitika ng kanyang pormasyon. Nakita niya dito ang lugar ng tunggalian ng mga ideya at punahan ng mga kasama sa diwa ng kilusang pagwawasto. Nakita niya kung paano ang pag-alalay ng mga kasama sa isa’t isa.
Sa araw ng pag-alis ng dalawa, naglunsad ng kapehan ang yunit upang tasahin ang kanilang pakikisalamuha sa hukbo. Kahit maiksi ang kanilang pamamalagi, nakahalaw ng mga aral at inspirasyon kapwa ang dalawa at ang mga Pulang mandirigmang kumupkop sa kanila. Pangako ng dalawa na sa kanilang pagbabalik saanmang larangang gerilya, makapagsasama sila ng iba pang kabataan.
Patunay ang karanasan nina Ka Cloud at Ka Malen na hindi hadlang sa mga rebolusyonaryo sa kalunsuran ang kakapusan sa kasanayan para maging Pulang mandirigma. Naghihintay ang mga larangang gerilya at handa ang mga Pulang mandirigma na magsanay sa mga kabataang lungsod na mangangahas na sumanib sa hukbong bayan.