Pag-aresto at pagharap ng ICC sa mga krimen ni Duterte, ikinatuwa ng kanyang mga biktima

,

Ipinagdiwang ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pasismo ni Rodrigo Duterte ang pag-aresto at pagharap sa kanya sa International Criminal Court (ICC) ngayong Marso. Inaresto ng tauhan ng Philippine National Police si Duterte sa bisa ng mandamyento de aresto na inilabas ng ICC noong Marso 11 na ipinatupad ng International Criminal Police Organization. Inihain sa kanya ang mandamyento paglapag niya sa Ninoy Aquino International Airport mula sa pagbiyahe niya sa Hong Kong.

“Walang katumbas na saya ang naramdaman ko, kasabay ng pagluha dahil sa saya sa pag-aresto kay Duterte,” ayon kay Nanay Dahlia Cuartero, ina ng isang biktima ng gera kontra droga at kasapi ng Rise Up Mothers.

Ayon kay Jane Lee, asawa ng isa pang biktima, halu-halo ang kanyang emosyon. “Naiiyak ako, gustong-gusto ko siyang (Duterte) makitang nakakulong. Pagbayaran nila ang ginawa nila sa amin. Siya, inaresto pa lang ng mga kapulisan, ang aming mga kaanak pinatay agad. Napakalaki ng pagkakaiba sa pagitan ng makapangyarihan at ordinaryong taong tulad namin,” aniya.

Noong hapon ng Marso 11, kabi-kabilang protesta ang inilunsad sa buong bansa. Mahigit 500 ang nagtipon sa Welcome Rotonda sa Quezon City sa pangunguna ng mga pamilya ng biktima, hindi lamang ng gera kontra sa droga, kundi ng patakaran sa pagpaslang sa mga aktibista ng rehimeng Duterte.

Nagkaroon ng mga pagkilos, karamihan sa pangunguna ng mga grupo ng kabataan, sa La Union, Isabela, Baguio City, Pasig City, Laguna, Tarlac, Iloilo City, at Cebu City. Kumilos din ang mga estudyante sa loob ng mga kampus ng University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines-Manila, University of Sto. Tomas, De La Salle University, at Ateneo de Manila University.

Nanindigan rin ang mga migranteng Pilipino sa maraming bahagi ng mundo laban kay Duterte. Nagkaroon ng mga protesta sa United States, United Kingdom, at iba pang mga bansa. Nagmartsa ang mga progresibong organisasyon tungo sa compound ng ICC para salubungin ng protesta si Duterte sa kanyang pagdating.

Nagprotesta rin ang mga pamilya ng bikitma at mga progresibong organisasyon noong Marso 14 at muli noong Marso 17 para igiit ang pagbabalik ng Pilipinas sa ICC at batikusin ang rehimeng Marcos sa sarili nitong mga pasistang krimen.

Naayon sa proseso

Sa mandamyento de aresto na may petsang Marso 7, saklaw ng kaso laban kay Duterte ang mga insidente ng pagpatay mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019. Hindi bababa sa 19 sa mga pagpatay na ito ay naganap sa panahong mayor siya ng Davao City at 24 na kaso sa panahon na pangulo na siya ng Pilipinas. Ang mga kasong ito ang pinakamagpapakita sa padron ng sistematikong pagpatay alinsunod sa patakaran ni Duterte.

Sa dokumentong isinapubliko ng ICC noong Marso 13, pinangalanan si Duterte bilang “pinakaresponsable” sa krimen laban sa sangkatauhan, at “utak” ng pagbubuo at pagpapalaganap sa plano para targetin ang “karaniwang mga kriminal.” Tinukoy din ng dokumento na mayroong mga “co-perpetrator” o kasabwat si Duterte sa krimen. Di nalalayong ilalabas na rin ng korte ang mandamyento de aresto para sa kanila.

Noong Marso 14, iniharap si Duterte sa Pre-trial Chamber I kung saan ipinabatid sa kanya ang kasong isinampa laban sa kanya, at ang kanyang mga karapatan bilang suspek. Sa 29-minutong pagdinig, sinabi ng korte na wastong naihapag kay Duterte ang mandamyento noong siya ay arestuhin at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan bilang suspek. Inilinaw din nito na sumailalim si Duterte sa pagsisiyasat ng duktor, at idineklara siyang “ganap na mulat” sa mga hakbang na isinasagawa ng korte.

Itinakda ng korte ang kasunod na pagdinig sa Setyembre 23 para bigyan ng panahon ang kampo ni Duterte na makapaghanda. Sa pagdinig na ito pa lamang itatakda kung may sapat bang ebidensya ang prosekusyon para ituloy sa pormal na paglilitis ang kaso.

Kung mapapatunayang nagkasala, maaring mahatulan si Duterte ng hanggang 30 taon na pagkakabilanggo, pagbabayarin ng multa at kukumpiskahin ang kanyang mga ari-arian na napasakanya dahil sa krimen. Maaari ring ipag-uutos ng korte na bayaran niya ang mga biktima ng kumpensasyon para sa lahat ng nawala sa kanila.

Pag-aresto at pagharap ng ICC sa mga krimen ni Duterte, ikinatuwa ng kanyang mga biktima