Editoryal

Sa pagkulong kay Duterte, paigtingin ang paglaban sa rehimeng US-Marcos

, ,

Labis na ikinagalak ng sambayanang Pilipinong naghahangad ng katarungan ang pag-aresto at pagkukulong sa dating pinunong tirano na si Rodrigo Duterte sa mga pasilidad ng International Criminal Court (ICC) sa bansang The Netherlands noong Marso 11. Isa itong malaking tagumpay, hindi lamang para sa mga biktima ng malawakang mga pagpatay na ipinag-utos ni Duterte sa balangkas ng “gera sa droga,” kundi para sa lahat ng biktima ng pasistang pananalasa sa ilalim ng kanyang teroristang paghahari.

Ibinubukas nito ang posibilidad na mapanagot at maparusahan si Duterte sa kanyang mga krimen sa sangkatauhan, bagay na halos imposible sa ilalim ng bulok na naghaharing sistema sa pulitika at katarungan sa Pilipinas.

Walong taon na ang lumipas mula nang simulan ang kaso sa ICC. Labis pa itong naantala dahil sa pagtanggi ng rehimeng Marcos na makipagtulungan sa ICC mula 2022 dahil sa pakikipag-alyansa noon ni Marcos sa mga Duterte. Ngayon na lamang, na tuluyang naglaho ang alyansang ito, pumayag si Marcos na bigyang daan ang ICC upang magamit ito (pati na ang pagpapatalsik kay Sara Duterte) sa pagsisikap niyang ikonsolida ang kanyang kapangyarihan at alisin ang malalaking sagka sa tangka niyang palawigin ang paghahari lagpas sa 2028.

Ang totoo, bingi pa rin si Marcos sa sigaw ng bayan para panagutin si Duterte sa kanyang mga krimen, katulad na bingi siya sa mga sigaw para sa katarungan sa lahat ng paglapastangan sa karapatang-tao sa panahon ng paghaharing diktador ng kanyang ama. Ang mga pasistang patakaran ng rehimeng Duterte ay siya ring ipinatupad ngayon ni Marcos Jr para sa malawakang panunupil sa sambayanang lumalaban.

Pinopondohan ngayon ng mga Duterte ang isang sistematiko at malawakang kampanya ng disimpormasyon at pekeng pagbabalita sa social media. Upang makuha ang simpatya ng publiko, pinalalabas ngayon ng kampong Duterte na “kaawa-awa” at “biktima” ng pampulitikang panggigipit ang dating punong pasistang tirano, at na ang pag-aresto sa kanya ay labag sa batas at kasarinlan ng bansa. Ginagamit ito hindi bilang mga argumento sa ICC, kundi para gatungan ang emosyon ng mga maka-Duterte, at makapagpagulong ng mga rali.

Tinatabunan nila ang ilampung libong kalansay ng mga biktima ng pamamaslang sa panahon ng brutal na paghahari ni Duterte. Target ng panduduro at pananakot maging ang mga biktima at kanilang mga pamilya. Itinatago nila ang katotohanang ginamit ni Duterte ang kapangyarihan sa tabing ng “gera sa droga” para kontrolin ang suplay ng droga at maging pinakapanginoon ng lahat ng drug lord sa Pilipinas. Binubura nila sa alaala ng taumbayan kung paano silang lalong naghirap at nagdusa sa mga patakarang anti-manggagawa, anti-magsasaka, anti-mahirap at anti-nasyunal ni Duterte, kasabay ang napakalalang korapsyon at pagkamal ng yaman ng kanyang pamilya at mga alipures.

Malayo pa ang laban sa ICC ng mga biktima at sambayanang Pilipino. Daraan pa ito sa maraming liko’t ikot. Dapat hikayatin at tulungan na magsalita at tumestigo ang libu-libo pang biktima at saksi upang palakasin ang kaso sa ICC at ang panawagang parusahan si Duterte at lahat ng kanyang kasabwat sa kanilang mga krimen.

Sa paglilitis kay Duterte sa ICC, nagbukas ang bagong larangan ng pakikibaka para sa pagpapanagot sa mga buhong na diktador, tirano at mga balot-sa-bakal na pasista, na halos imposibleng maparusahan sa ilalim ng mga reaksyunaryong korte sa Pilipinas. Marapat na suportahan at palakasin ang panawagan na muling pumaloob ang Pilipinas sa ICC at itulak ang rehimeng Marcos na gawin ito. Sa harap ng hindi patas na pag-iral at pagpapatupad ng batas ng papet na estado sa Pilipinas, ang muling pagpaloob sa ICC ay pabor sa libu-libong biktima ng pasistang panunupil at terorismo ng estado na naghahangad ng katarungan. Kasabay nito, dapat paghandaan ang pagsasampa ng mga kaso sa ICC laban kay Marcos, sa mga upisyal ng AFP at PNP, sa mga kumander ng mga dibisyon at batalyon, na pasimuno ng mga krimen laban sa sangkatauhan at krimen sa digma.

Kasabay nito, dapat patuloy na isagawa ang malawakang propaganda at edukasyon upang itulak ang pagpapanagot kay Duterte at paniningil kay Marcos sa nagpapatuloy na pasistang panunupil, pagpapahirap sa bayan, korapsyon at pagsusunud-sunuran sa dayuhang imperyalistang interes. “Marcos-Duterte, walang pinag-iba” sa malalalang krimen ng ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, tortyur, pagkukulong at pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pagtatanim ng ebidensya, laban sa mamamayang nakikibaka. Dapat patuloy na palakasin ang paglaban kay Marcos at sa mga upisyal ng militar at pulis na patuloy sa pasistang pamamayagpag at pandarahas sa mamamayan.

“Marcos-Duterte, walang pinag-iba” sa pagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Walang nagbago sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, laganap na disempleyo, at pagbagsak ng kabuhayan ng mayorya ng mamamayan. Walang nagbago sa mga pahirap na patakarang pagpako ng mababang sahod ng mga manggagawa, maramihang pag-iimport ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura sa kapinsalaan ng lokal na produksyon, at pagpabor sa mga dayuhang kapitalistang mandarambong sa yaman ng bansa at sumisira sa kalikasan. Walang nagbago sa walang-awat na pangungutang, korapsyon sa mga kontrata ng gubyerno, ismagling, at sosyohan sa mga kartel at mga sindikatong kriminal.

“Marcos-Duterte, walang pinag-iba” sa pagpapakaladkad sa sigalot ng US at China. Sa ilalim ni Marcos, lalong naghahari-harian ang mga pwersang militar ng US sa Pilipinas, at lalong lumalaki ang banta na madamay ang bansa sa digmaang imperyalista, kasabay ang papalaking papel ng US sa pagsusuplay ng mga armas at kagamitan sa AFP na gamit sa gera ng panunupil laban sa mamamayan.

Sa katapus-tapusan, ang tunay na pagbabagong hangad ng sambayanan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagbabago sa Pilipinas. Patuloy na tumitindig at lumalaban ang sambayanang Pilipinong pinahirapan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Dapat ibagsak ang bulok na reaksyunaryong neokolonyal na estado ng malalaking burgesyang komprador, malalaking panginoong maylupa at burukratang kapitalista.

Para makamit ang hinahangad na katarungan at tunay na kalayaan, dapat ubos-kayang suportahan, isulong at paigtingin ng sambayanang Pilipino ang armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan. Sa pamamagitan lamang ng pagtatagumpay ng digmang bayan matitiyak na mabibigyan ng hustisya ang lahat ng biktima ng pang-aapi at pagsasamantala at matatamo ang hinahangad na pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang hinaharap.

Sa pagkulong kay Duterte, paigtingin ang paglaban sa rehimeng US-Marcos