Mapangwasak na mga war games ng US sa South Korea at Pilipinas
Umarangkada na ang pinakamalalaking war games o pagsasanay sa gera ng imperyalismong US sa rehiyon ng Asia Pacific ngayong 2025. Sinimulan ng US sa Republic of Korea (ROK) noong Marso 10 ang Freedom Shield war games habang nakatakdang isagawa ang pinamakalaking Balikatan war games sa Pilipinas sa darating na mga buwan. Isinasagawa ang mga ito kasabay ng marami pang mas maliliit na war games at aktibidad ng militar ng US sa iba’t ibang sulok ng rehiyon.
Ang mga war games na ito ay pinalalabas na mga “ehersisyong pandepensa” at pagpapalakas ng alyansa. Ang tunay na layunin ng mga ito ay palakasin ang “interoperability” o kontrol ng mga militar ng US sa mga pwersang militar ng Pilipinas at ibang bansa. Ginagamit din ang mga ito ng US para panatilihin ang kontrol sa rehiyon at higit pang paigtingin ang tensyon sa katunggali nitong imperyalistang bansang China at sa North Korea.
Freedom Shield 25
Hindi bababa sa 19,000 pwersang militar ng South Korea at US ang lumahok sa Freedom Shield (FS) 25 na tumagal ng 11 araw o hanggang Marso 21. Nasa 17 pinagsanib na mga war games, mula sa 10 war games noong 2024, ang inilunsad ngayong taon. Naglunsad ng iba’t ibang tipo ng pagsasanay militar ang tropa ng US at South Korea kabilang ang mga live-fire (pagkarga ng tunay na mga bala o artileriya) exercises sa kalupaan, katubigan at himpapawid sa bansa.
Ang taunang war games na ito ay itinuturing ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK o North Korea) bilang “paghahanda para sa pananakop” sa kanilang bansa ng mga pwersang militar ng US at South Korea. Bilang tugon at pagpapakita ng determinasyong magtanggol sa pambansang soberanya nito, nagpalipad ang DPRK ng mga ballistic missile sa karagatan.
Bago ang FS25, kabi-kabila na ang isinagawa ng US na aktibidad militar. Isa rito ang ginanap noong Marso 5, kung saan nabomba ng US at South Korea ang komunidad sa Nogok-ri, bayan ng Pocheon, Gyeonggi dahil sa maling mga koordineyt (lokasyon) na nailagay sa mga kompyuter ng jet fighter. Walong bombang MK-82 (may bigat na 500-libras) ang “aksidenteng” naihulog ng eroplanong pandigma.
Hindi bababa sa 30 sibilyan ang nasugatan sa insidente. Maraming mga kabahayan at gusali ang nasira habang dumanas ng labis na troma at takot sa mga residente.
Nanindigan ang meyor ng Pocheon na hindi na dapat magsagawa ng katulad na mga war games sa kanilang bayan hangga’t hindi natitiyak ng militar na hindi na mauulit ang katulad na aksidente. Tatlong malalaking pasilidad militar, na saklaw ang 4,960 ektaryang lupa, ang nasa bayan ng Pocheon.
Paghahanda sa Balikatan Exercises “SABAK” 2025
Sa pagsisimula pa lamang ng 2025, umarangkada na ang paghahanda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga pwersa ng US para sa taunang Balikatan war games sa Pilipinas. Nakatakdang ilunsad ang ika-40 serye ng Balikatan sa teritoryo ng Pilipinas sa Abril at Mayo. Binansagan ang Balikatan ngayong taon bilang SABAK 2025. Inaasahang hihigitan nito ang 16,000 tropang Pilipino at Amerikano na lumahok sa nakaraang taon.
Sa anunsyo ng AFP, liban sa paglahok ng napakalaking bilang ng mga sundalo ng US ay lalahok rin ang armadong pwersa ng Australia, Japan at iba pang mga bansa. Noong 2024 ay mayroong mga upisyal militar ng 14 pang mga bansa ang nagsilbing “tagamasid” sa war games. Pangunahing isasagawa ang mga war games sa Luzon at Palawan.
Bilang paghahanda, inilunsad ng AFP ang Combined Arms Training Exercise (CATEX) “Katihan” Battle noong Marso 3 hanggang Marso 12. Lumahok dito ang 6,000 sundalong Pilipino.
Ilang serye rin ng mga maniobrang militar ang inilunsad ng Pilipinas kasama ang US, Australia, Japan at Canada sa karagatan at himpapawid ng Pilipinas.
Noong Pebrero 21, nakipagpulong ang hepe ng AFP sa kumander ng US Indo-Pacific Command. Idinaos din ang mga pulong ng AFP sa mga upisyal at pwersa ng Japan, France, at Germany sa nagdaang kwarto.