Rebyu sa Ulos 2024

,

Sadyang napapanahon at mapanghamon ang paglalathala ng Ulos 2024. Tunay ngang isang siyensiya at sining na rin na maituturing ang makaangkop at makatugon sa mga ano, bakit at papaano ng kasalukuyang konteksto ng ating pakikibaka sa pamamagitan ng mga obra na mga tula, dula, balagtasan, liriko ng kanta, drowing at dibuho.

Masasabing naging epektibo ang mga piling akda at dibuho sa Ulos 2024 dahil nakalikha ito ng samutsaring dating o impresyon sa mga mambabasa. May kurot sa puso ang mga tula, liham at sanaysay-parangal para sa mga nauna nang kasama na naging “masining” at “mapanlikha” ang buhay dahil sa paggampan ng hindi matatawarang mga misyon at tungkulin alang sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Dinadala ng mga pahina nito ang mambabasa sa taimtim na pagtanaw sa iba’t ibang kontradiksyong personal at panlipunan pero sa bandang huli ay naipapaliwanag nito ang kawastuhan sa pagpili ng pagtahak sa lagpas-sa-sariling mithiin ng pagrerebolusyon para sa bayan at sa uri.

Naging matagumpay ang agos ng mga sinulat at sining-biswal para dalhin nito ang mambabasa sa mas mataas na pag-unawa, mas mataas na moral at mas resolbadong determinasyon para maging tagapagsulong ng kultura ng pagwawasto.

Nasa ganitong diwa kaya tuluy-tuloy dapat ang kampanya at panawagang basahin ang buong libro ng Ulos! Isabay ang pagbabasa nito sa mga pagbabasa sa mga batayang dokumento na kailangang pag-aralan at suriin. Napakagandang gamitin ang mga akda bilang inspirasyon habang isinasagawa ang mga pulong pagsisiyasat, pagsisinop sa mga paglalagom, pagpupuna at pagpupuna-sa-sarili at iba pang gawain sa ideolohiya, pampulitka at organisasyon.

Sa panahon ngayon, lalo na sa kalunsuran, ang oras na ibinibigay para sa pagbabasa, pagsusuri, pakikipag-aralan at gawaing masa ay nagiging larangan na rin ng tunggalian dahil sa kontra-agos na impluwensya ng hindi wastong paggamit sa internet at social media. Ayon pa sa unang pananalita ng Ulos 2024, “ang pagbabago ng kaisipan at mga gawi, indibidwal at kolektibo, ay isang gawaing pangkultura.” Kung kailangan magpanibagong-hubog sa paggamit ng internet at social media, ito ay gawin. Kung kailangan kritikal na iwaksi ang mga petibuges na impluwensya mula sa iba’t ibang materyal at instrumentong sumasalakay sa ating proletaryong diwa at gawi, kailangan itong ipagtagumpay. Isang kulturang naninindigan laban sa suhetibismo at mga petiburges na kaisipan at gawi ang sama-sama nating kritikal at malikhaing isulong!

Rebyu sa Ulos 2024